Tahanang nagmula sa Tindahan
Glory Mae Panase
Nang dahil sa pagsisinop ay nakapundar ng bahay at lupa si Ma. Isabel Dela Cruz mula sa kinikita ng kanyang munting tindahan sa Mina, Lezo, Aklan.
Ito ang kahanga-hangang kwento ng buhay ni Aling Isabel.
Si Aling Isabel ay tubong Caloocan, Maynila ngunit sa Lezo siya bumuo ng pamilya at nanirahan. Siya ngayon ay 51 taong gulang na biyuda at may dalawang anak. Tinataguyod niya ang kanilang pang araw-araw na kailangan sa pamamagitan ng pagbebenta sa kanilang tindahan.
Simula nang nanirahan siya sa Lezo, walang sariling bahay at lupa si Aling Isabel, bagamat may isang butihing puso na tumulong sa kanya. Ang isang matanda na noon ay kaniyang inalagaan ay pinahintulutan silang magpatayo ng bahay sa kanilang lupain sa Mina, Lezo. Dito na rin siya nagsimulang magbenta ng mga produkto para may pandagdag kita at pambili nila ng pangkain araw-araw. Ang tao ring iyon ay nagbigay tulong sa kanyang bunsong anak bilang scholar. Kumuha ng kursong Radio Technician ang kanyang anak at laking pasalamat ni Aling Isabel dahil wala na siyang binabayaran sa tuition para dito. Ang kanyang kinikita ay nilalaan niya lamang para sa pamasahe at iba pang gastusin ng anak sa kolehiyo.
Upang madagdagan ang kanyang kita, naging reseller din siya ng isang brand ng mga cosmetics, skin care, at personal care na mga produkto. Ito ang naging hanapbuhay ni Aling Isabel at naging pangunahing pinagkukunan ng pangtustos sa pag-aaral ng kanyang anak at gastos sa bahay. ‘Di kalaunan ay nakapagpatayo din siya ng maliit na tindahan sa kanilang bahay.
Isa sa mga pangarap ni Aling Isabel ay magkaroon ng sariling bahay at lupa para sa kanilang pamilya. Kung kaya ito ang kaniyang naging motibasyon upang pag-igihan pa ang paghahanapbuhay.
Ngunit noong 2020, tumama ang COVID-19 pandemic kung saan lumaganap ito sa buong mundo. Dahil dito maraming trabaho at negosyo ang napilitang magsara dahil na rin sa panganib ng sakit na ito. Ang tindahan na pinagkukunan ng pang araw-araw nina Aling Isabel ay naglaho dahil dito. Naging mahirap ang sitwasyon na ito para kay Aling Isabel dahil hindi niya lubos na maisip na mawawalan siya ng hanap-buhay. Nakapagtapos na ang kanyang bunsong anak ngunit hindi pa ito makapagtrabaho dahil sa panahong iyon ay kukuha pa siya ng board exam bilang Radio Technician. Sinimantala ng kanyang anak ang pagkakataon na maging Contact Tracer sa LGU ng Lezo upang magkaroon ng trabaho. Nang dahil na rin sa pakikipagsapalaran ng kanyang anak, hindi rin naiwasan na ma-expose sila sa mga taong nagka-COVID. Dahil dito, na quarantine sila ng ilang araw at hindi nakapagtrabaho. Nawalan ng kita ang pamilya ni Aling Isabel at ito ay naging mahirap para sa kanila na malagpasan ang pagsubok sa araw-araw.
Laking pasasalamat naman ni Aling Isabel nang malaman niya na isa siya sa mga makakatanggap ng Livelihood Assistance Grant ng Sustainable Livelihood Program. Nakatanggap ng balita si Aling Isabel na isa siya sa kanilang barangay na mabiyayaan ng livelihood project. Dahil dito, dumalo si Aling Isabel ng mga pagtitipon at assessment upang maging kwalipikado sa programa. Parang nabunutan ng tinik si Aling Isabel kung kanyang ilalarawan ang kanyang nararamdaman nang mga panahong iyon. Ito ay nagmitsa sa kanyang pag-asa para maitaguyod ang kanyang pamilya at ang kanyang pangarap.
Ang 15,000.00 pesos na ayuda na kanyang natanggap ay ginamit niyang puhunan para sa kanyang tindahan. Naging maganda rin ang kanyang kita dito dahil sa bagong pwesto na kanyang itinatayo sa lupa ng matulunging kaibigan. Siya ay pinahintulutan na magtayo ng kanyang tindahan sa lupa nito. Ito ay nagbigay daan para kay Aling Isabel na makapag-ipon. Ang kanyang pwesto ay malapit sa pahingahan ng mga manggawa sa quarry site kung kaya ang kanyang mga paninda ay mabenta. Kumikita si Aling Isabel ng mahigit isang libo hanggang dalawang libo kapag malakas ang benta sa isang araw. Masayang ikiniwento ni Aling Isabel na naging mataas ang kita niya sa kanyang tindahan kaya naisipan niyang magbukas ng bank savings account upang makapag-ipon. Pinagtiyagaan din niyang ilista ang mga financial records niya upang malaman niya ang kanyang kita at makapaglaan para sa savings nito.
Ang kaniyang naipon ay inilaan niya para sa Board Exam ng kanyang anak at nang kalaunan ay nakapasa din at naging isang ganap na Radio Technician. Ikinagagalak ito ni Aling Isabel dahil natupad ng anak niya ang kanyang pangarap. Nagkaroon din ng trabaho ang kanyang anak sa isang ospital sa Kalibo, Aklan. Ngunit hindi dito tumigil si Aling Isabel sa pagkayod, bagkus, mas lalo pang lumakas ang kaniyang loob na magpursige pa upang matupad ang isa pa niyang pangarap – ang magkaroon ng sariling bahay at lupa.
Ipinagpatuloy ni Aling Isabel ang pag-iipon galing sa kanyang tindahan. Sinubukan niyang mag-ipon ng apat hanggang limang libo sa isang buwan, hanggang sa maka-ipon siya ng 50,000.00 sa kanyang savings account. Dito niya naisipang mag-loan para sa minimithi niyang bahay at lupa. Ang naipon niya sa savings account ay ginamit niya bilang down payment para sa biniling lupa na may lawak na 201 sq. m. na nagkakahalaga ng Php 201,000. Ito ay hindi birong halaga para kay Aling Isabel, ngunit, ito ay kanyang pinagtiyagaan at kanilang pinagtulungan ng kanyang bunsong anak upang makamit ito. Ipinagpatuloy ni Aling Isabel ang pagbebenta at pag-iipon. Sa loob ng dalawang taon ay kanilang nabayaran ang kanilang loan at nakamit ang lupa na kanilang binili.
Unti-unting nabubuo ang pangarap ni Aling Isabel dahil sa kaniyang pag-iipon galing sa kanyang tindahan. At ang natitirang piraso nito ay isang bahay na ligtas at komportable nilang matutuluyan. Kagaya nang ginawa nilang pagbabayad sa lupa, nag-loan ulit sina Aling Isabel upang matustusan ang pagpapagawa sa kanilang bahay. Mula sa kinikita ng kanyang anak at kita galing sa tindahan ay kanila itong nabayaran sa loob ng isang taon.
Kung dati ay pangarap lang ang magkaroon ng matatawag na sariling tahanan, ngayon ay isa na itong realidad para kina Aling Isabel. Mangiyak-ngiyak niyang ipinagmamalaki ang kanilang pagsisikap na hindi niya lubos akalain na makakamit nilang mag-ina.
“Pasalamat gid ako nga abo kay mabahoe nga bulig ang akon nabaton halin sa DSWD SLP tungod nakabakal kami it lugta ag nakapatindog it baeay. Tungod sa nabaton ko nga ayuda nakabaligya ako uman sa akon tindahan ngani mabahoe gid ni nga bulig para kamon [Malaki ang pasasalamat ko dahil malaking tulong ang aking natanggap galing sa DSWD SLP, dahil dito nakabili kmi ng lupa at nakapagpatayo nang bahay. Nang dahil sa ayuda na aking natanggap, nakapagtinda ako muli sa aking tindahan na siyang malaking tulong para sa aming pamilya]”.
Ang kwento ni Aling Isabel ay isang patunay na kung ang isang tao ay may minimithing pangarap, kailangan lamang magpursige at maging masinop. Walang imposibleng pangarap para sa taong may motibasyon at determinasyon.