Pulis naging inspirasyon ng kapwa 4Ps
PULUPANDAN, Negros Occidental – Ngayong araw, tulad ng karaniwang pagtatapos, apat na put tatlong miyembro ng sambahayang 4Ps sa bayan na ito ay sabay-sabay na nag-martsa sa entablado habang soot ang kanilang puting t-shirt at sablay.
Ang seremonya ay nagsimula alas 9:00 ng umaga at para maging masaya ang programa, ang Pulupandan 4Ps Team ay nag-imbita ng ilang miyembro ng 4Ps na sina Johnnie M. Jereta at Kim Joana Baltazar para sa isang intermisyon at punong-abala na anak ng isang nagtapos na benepisyaryo ng 4Ps na si Police Officer 1 Larc Sandy A. Sapul na naging isang ESGP-PA iskolar.
Sa kanyang testimonya, ibinabahagi ni PO1 Sapul na malaki ang naitulong ng 4Ps sa kanyang pamilya lalo na sa pinansyal na tulong.
“Hindi man sapat pero naibsan ang bigat ng pangangailangan ko habang ako ay nag-aaral at ng aking pamilya. Ang 4Ps isang hagdan upang makamtan ang pangarap kahit parang ang hirap abutin dahil sa pinansyal sa kakulangan pero nasa sa atin na ito kung paano natin pahalagahan ang isang oportunidad,” ang sabi niya.
Dagdag pa ni PO1 Sapul, bilang miyembro na ng Police Force, malaking ambag na nakakatulong ang ang kanilang ahensya na panatilihing ang kapayapaan, katahimikan, at kaayusan ng ating komunidad. Ayon sa kanya, makakatulong siya mapa-unlad ang mga kapwa 4Ps sa pamamagitan ng pagdalo o maging speaker sa mga FDS or kaya sa ganitong okasyong pagtatapos para makapagbigay inspirasyon. Hikayatin ang komunidad na magkaroon ng isang mapayapang pamumuhay, magtutulongan at panatiling nagkakaintindihan ang bawat isa.
“Magiging isang magandang halimbawa ako sa komunidad lalo na sa kapwa kong benepisyaryo ng 4Ps. Magiging available ako sa mga katulad nitong okasyon,” dagdag niya.
Sa kabilang bahagi, si Rosalie Dullesio , 43 taong gulang at nakatira sa Brgy. Zone 4A, sa nasabing bayan ay isa rin sa nagtapos sa programa. Malaki ang pasasalamat niya sa programa kung saan malaki ang naitulong sa kanilang pamumuhay. Sabi niya dati mahirap talaga ang buhay nila. Ang bahay nila ay maliit lamang na gawa sa nipa ang bubong, at ang bintana ay sako, at walang palikuran. Lagi daw nagkakasakit ang kanilang tatlong mga anak.
“Ng dahil sa 4Ps, nagkaroon po kami Ng CR at hindi na nagkaroon ng sakit ang aking mga anak dahil sa maduming paligid. Dahil sa FDS kada buwan marami po akong natutunan. Hindi lang sa pinansyal na bibigay ng programa kundi ang magkaroon ng kaalaman sa buhay tulad ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan, kalinisan sa paligid, at pagggamit ng talento para magkaroon ng income,” kwento niya.
Dagdag niya pa na dati ang asawa niya ay isang traysikel driver pero dahil may talento siya sa pagluluto tinulungan sila ng kanilang kakilala na makasakay sa barko bilang tagaluto.
“Minsan din ako nagkaroon ng carenderia sa eskwelahan pero dahil nagkapandemic nahinto at nagkautang po ako. Nawalan ng pag-asa na makabangon muli pero sa tulong ng aming Municipal link na si Ma’am Madilyn Doronila, pinuntahan niya ako bahay at hinikayat na huwag mawalan nga pag-asa,” sabi ni Rosalie.
Sa ngayon, si Rosalie ay isang tagaluto sa carenderia ng kanyang kapatid habang ang asawa ay nasa barko. Ang panganay nilang anak ay nag-aaral ng Criminology sa Bago City College at naging iskolar. Nakapasa rin siya sa exam ng Air Force at magsasanay ngayong darating na buwan ng Abril. Ang pangalawang anak ay Grade 12, isang badminton player at honor student din. Ang pangatlong anak naman ay elementarya at honor student.
“Kaya ang masasabi ko sa aking kapwa na ating suportahan ang pangangailangan ng ating mga anak. Gamitin sa wasto ang pera na natatanggap, iwasan ang bisyo upang tayo ay umansenso,” dagdag na sinabi niya./JPA