Pamilyang 4Ps ikinagagalak na magtatapos sa programa
Testimonya ni Glenda Mae Oquendo
Benepisyaryo ng 4Ps
BALETE, Aklan- Habang buhay may pag-asa at ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay. Ang pagiging isang miyembro ng isang mahirap na pamilya ay hindi isang dahilan para huminto sa mga pangarap, sa halip, ito ay maaaring gawing inspirasyon para makaahon sa hirap na iyong kinalalagyan.
Ako po si Glenda Mae Oquendo, 47 taong gulang at nakatira sa Calizo, Balete, Aklan. May mapagmahal na asawa at dalawang mababait na mga anak. Masasabi ko na ang pamumuhay namin noon ay mahirap talaga. Umaasa lang kami sa pagsasaka at pag-uuling ng mga kahoy. Ang aking panganay na anak ay may sakit pa na asthma noon. Sa tuwing aatakihin siya ng sakit ay hindi namin alam kung saan kami kukuha ng pang pahospital at pangbili ng kanyang ng mga gamot. Wala din naman kaming pwedeng mauutangan para maibigay ang pangunahing pangangailangan ng aming mga anak, lalo na pag dating sa kanilang kalusugan.
Ika nga sabi nila, isang kahig isang tuka lamang ang aming pamumuhay. Papasok sa eskwela aming mga anak na limang piso lang ang baon nila na pagkakasyahin buong maghapon. Minsan ay pambili lamang ng gulay pang ulam ang kanilang pananghalian. Naranasan nilang matukso ng iba nilang mga kamag-aral dahil ang mga kasuotan nila ay bigay lamang galing sa mga kaibigan o di kaya’y binili sa ukay-ukay. Sa oras ng recess ay pumupunta sila sa likod ng paaralan para magpalipas ng oras at gumawa ng assignment. Kahit ganoon pa man kahirap ang sitwasyon, hindi hadlang sa kanila ang makapasok sa top ng kanilang klase.
Taong 2010 ng mapalad na makapasok ang aming pamilya sa 4Ps. Nabuhayan kami ng loob at tumanim sa isip ko na hindi ko sasayangin ang pagkakataong ito na makaahon kami sa hirap. Lahat ng natutunan ko sa Family Development Session (FDS) ay isasabuhay namin lalo na sa tamang pag ba-budget at pag-iipon para sa kinabukasan. Isa sa mga pinatumatak sa aking isipan tuwing may FDS ay ang “Income less Expenses equals Saving”. Sa tuwing may payout ay inuuna ko ang pangangailangan ng mga anak ko lalo na sa pag-aaral nila. Iniipon at tinitipid ko ang mga grants na nakukuha ko sa payouts para sa mga bayarin at projects nila sa paaralan. Kung may sobra ay tinatabi ko naman.
Taong 2015, maswerteng nakapasok ng trabaho ang aking asawa sa pagko-construction. Sa tuwing siya ay sumasahod, kami ay paunti-unting nag tatabi ng puhunan para sa munting pagnenegosyo, at iyon ay ang pagluluto ng kakanin na itinitinda naman ng aking panganay na anak sa canteen ng kanilang paaralan. Tuwing Sabado at Linggo naman, kami ay kumukuha ng bangus sa palaisdaan para itinda sa gilid ng daan. Sa loob ng dalawang taong pagtitinda, iniipon ko ang aking kita, at ang sweldo naman ng aking asawa ang pinagkakasya namin sa araw-araw. Bunga ng aming pag-iipon, nakabili kami ng second hand na motor na sya naman ginagamit namin sa paghahango ng mga ice cream stick na binebenta namin sa school canteen. Pinagpatuloy namin ang pagtitinda at nanakaipon ako ng sapat na halaga sa pag a-alkansya mula sa aming benta. Mula sa halagang ito, nakapagpagawa ako ng maliit tindahan at ang natira ay siya naman ang ginamit kong pangpuhunan sa sari-sari store. Pinagtulungan naming mag-asawa na palaguin ang aming munting negosyo at ipinagpatuloy ang pag-iipon sa alkansya. Paunti-unti kami ay nakakapag pundar ng aming gamit sa bahay, nakakakain ng masarap, nabibili na ang gusto naming bilhin para sa aming mga anak.
Kaakibat ng aming pagsisikap ay ang tulong mula sa programa ng 4Ps na nagbigay liwanag ang pag-asa sa mga katulad naming mahihirap. Ang programang ito ay may positibong epekto sa aming mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal, pagpapabuti ng access sa edukasyon, mapangangalaga ang kalusugan, at pagpapaunlad ng komunidad. Napakalaking ambag ang binigay ng 4Ps sa makabuluhang pagbabago sa aming pamumuhay lalo na sa pag-aaral ng aking mga anak. Kayo ang nagbukas ng pinto sa amin para malagpasan ang hamon ng buhay at nagpalakas sa aking pagnanais na makaahon sa kahirapan. Ang tulong na aming natatanggap mula sa inyo ay nagbigay sa amin ng katiyakan na makakamit namin ang tagumpay sa buhay, at mabuo ang aming pag-unlad sa sarili upang maging isang mahusay na kontributor ng komunidad.
Maligaya po akong ibahagi ang aming talambuhay na dahil sa programang ito, ang aking panganay na anak ay isa ng graduating student sa kursong Bachelor of Science in Civil Engineering at ang bunso ko naman ay nasa Grade 10 na. At dahil sa mga pagkakataon at pagpapala, karangalan po namin na hindi na kami maituturing na mahirap dahil sa taong ito kami po ay magtatapos na sa programa bilang self-sufficient o Level 3.
Nagpapasalamat po ako sa dakilang lumikha dahil napakalaki pong bahagi sa aming pag-unlad ang programa ng 4Ps lalo na sa mga bumubuo nito at sa mga empleyado nila sa Balete Municipal Operations Office. Lubos din po ang aming pasasalamat sa inyo sa paggabay sa aming mga mahihirap para makamit hindi lang ang aming mga pangarap pati na rin ng aming mga anak.(Ipinasa ng Balete MOO, Aklan POO)