Magkakapatid na pawang minomonitor ng 4Ps nagtapos bilang Cum Laude
Testimonya ni Marilou M. Sarino
Benepisyaryo ng 4Ps
MALINAO, AKLAN-Ang pamilya ko po ay maituturing ko na isang buo at masayang pamilya. Nakikitira kami sa bahay ng aking biyenan at mahirap lamang ang estado ng aming pamumuhay. Salat man sa salapi ay nairaraos din namin ang pang araw-araw na gastusin dahil sa sipag na taglay ng haligi ng aming tahanan bilang isang taga tipon ng tuba habang ako naman po ay isang simpleng maybahay na nag-aalaga at naghahanda ng mga pangangailangan ng aking buong pamilya.
Paminsan-minsan ay kumukuha din ako ng labada at kung anu-ano pang gawain na makatutulong para kumita kahit na maliit na halaga upang matustusan ang pag-aaral ng mga bata. Hanggang isang araw ay dumating ang isang programa ng gobyerno na nakalaan para sa mga pamilyang talagang nangangailan ng tulong. Ito po ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala sa tawag na 4Ps.
Sa lagay ng estado ng aming pamumuhay at dahil nga nakatira lang ang aking pamilya sa bahay ng aking biyenan siya po ang naging grantee ng programa. Masuwerte namang nakapasok ang dalawang mga anak namin bilang beneficiary sa ilalim ng kanyang pangalan. Ang mga anak ko ay naging beneficiary ng programang mula elementarya hanggang high school. Malaki po ang tulong na hatid ng programa sa tulad naming mga hikahos sa buhay. Kahit paano ay mayroon kaming natatanggap na cash assistance para sa pag-aaral, kalusugan, pagkain at mga iilan pang pangangailangan sa araw-araw. Kahit anong layo ng paaralan mula sa aming bahay pero matiyaga na linalakad ito nga mga bata para sa pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Habang lumilipas ang panahon ay lumalaki na rin ang gastusin. Bilang mga magulang ay mas lalo pa naming sinipagan ang pagtatrabaho at pagpasok sa kung anu-ano sideline para lang may kitain para sa iba pang mga gastusin. Di naglaon, gawa ng dedikasyon at focus sa pangarap ay nakatapos din ng elementary at high school ang dalawa naming mga anak.
Sa bawat tagumpay ng mga bata kaakibat doon ang pagpapasalamat ko sa programa. Sa parteng ito, mas malaking hamon ang aming susuongin dahil hindi rin madali ang magpaaral sa kolehiyo. Ang panganay ko ay kumuha ko ng kursong Bachelor of Science in Criminology at ang pangalawang anak ko naman ay kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education major in Mathematics. Mahirap ito para sa amin na pag-aralin sila ng sabay, pero gumawa kami ng paraan upang magampanan ang aming reponsibilidad bilang magulang. Ang tatay po nila ay pumasok bilang maghahakot ng tabla, pangongopra, pagsisibak ng kahoy at kung anu-ano pa.
Dito napag-desisyonan naming mag-asawa na bumukod ng sariling bahay. Kahit na wala pang dingding ang aming munting bahay ay lumipat na kami mula sa bahay ng aking biyenan. Inakala ko na hindi naming kaya pero mabait ang Diyos kasi araw-araw niya kaming binigyan ng lakas at tapang para bumangon at magpatuloy. Ngayon po ay degree holder na ang aking dalawang anak at parehong professional. Ang panganay ko ay nagtapos sa kolehiyo bilang Cum Laude at ngayon ay isa ng Registered Criminologist at ang pangalawa naman ay nagtapos din bilang Cum Laude at isa ng Licensed Professional Teacher na. Tuwang-tuwa po kami dahil kahit gaano man kahirap ang pinagdaanan ng aming pamilya at salat man sa mga materyal na bagay at salapi pero napagtapos namin ang dalawang anak. At proud akong sabihin na sila ay naging monitored beneficiary ng 4Ps.
Napakaganda ng programang ito para sa mga katulad namin at sa mga pamilyang higit na ngangailangan lalong-lalo na kung ang ayuda mula sa gobyerno ay ginagastos ng tama at ginagamit para sa pag-aaral ng mga bata. Lubos po akong nagpapasalamat sa tulong ng programang ito sa aming pamilya at ipinagdarasal ko rin po sa sana ay maging matagumpay ang aming mga anak sa kani-kanilang mga pangarap sa buhay. Maraming salamat po at mabuhay ang 4Ps.(Submitted by: Malinao MOO, Aklan POO)