Benepisyaryo ng 4Ps kinilala sa kanyang boluntarismo sa komunidad ng IPs
Testimonya ni Marivic N. Viray
Benepisyaryo ng 4Ps
Awardee ng 7th Regional at National Bayani ka Awards 2023
MADALAG, Aklan- Ako po si Marivic Nama Viray, 46 years old, may asawa at mayroong dalawang anak na babae na sina Krisnah Faye Viray, 22 years old na third year Information and Communication Technology (ICT) student sa Aklan Catholic College at si Dainty Mary Therese Viray, 12 years old at Grade VI pupil na nag-aaral sa Mamba Elementary School. Kaming pamilya ay nabibilang sa Indigenous Peoples (IPs) community na Akeanon Bukidnon dito sa Barangay Dit-ana, ng nasabing bayan.
Taong 2009, dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa probinsya ng Aklan partikular sa bayan ng Madalag. Sa panahong iyon, 76 sambahayan lamang ang nakapasok sa Barangay Dit-ana. Kahirapan ang pangunahing suliranin namin, marami ang walang trabaho at hindi nag-aaral dahil walang kakayahan ang mga magulang para tustusan ang pangangailangan at pag-aaral ng kanilang mga anak. Pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay dito sa aming barangay, ngunit dahil walang sapat na patubig ay umaasa lamang kami sa tubig-ulan sa aming palayan kaya tumaas ang numero ng mga pamilyang nagugutom.
Tandang-tanda ko pa na karamihan ng mga padre de pamilya ay pagsasaka o sakada ang tanging solusyon para matugunan ang nagugutom na pamilya. Walang maayos na mga daanan, walang mga pasilidad gaya ng Day Care Center, Barangay Hall at tuwing tag-ulan hindi makakapasok sa paaralan ang mga bata sapagkat ang Barangay Dit-ana ay isang isolated area. May mga kaso din ng pagkamatay ng nanay sa panganganak dahil hindi maka-afford ng pre-natal check-up. Marami din ang kaso ng malnutrition at mga stunted na mga bata dahil sa may kalayuan ang health facilities at walang budget para sa pamasahe.
Bihira lang din noon ang mga pamilyang mayroong PhilHealth. Minsan nakaranas kaming mag-asawa na tinanggihan sa government hospital lalo na noong 2007 nang nagkasakit ang aming dalawang taon na anak dahil wala kaming Philhealth. Dahil wala rin kaming sapat na pera pang down payment ay sa albularyo na lang ang naiisip naming lapitan para magamot ang anak naming mayroong asthma allergy.
Laking pagka dismaya ko nang lumabas ang mga pangalan sa mga napiling beneficiaries ng 4Ps noong taong 2009 sapagkat hindi kami kasama. Nalungkot man ay kailangan naming tanggapin. Mabuti at nahalal akong Barangay Kagawad taong 2010 at isa ako sa nagsuporta sa implementasyon ng programa sa aming barangay.
Mula ng mayroong 4Ps sa aming barangay, maraming mga biyaya at oportunidad ang dumating sa amin. Kahit mga NGOs ay naantig sa aming kalagayan lalo na sa problemang pangkalusugan at sekuridad sa pagkain. Dahil sa 4Ps, unti-unting nagbago at nagkaisa ang mga sambahayan sa amin lalo na nang nagkaroon ng Pilot Implementation ang DSWD KALAHI-CIDSS sa bayan ng Madalag taong 2011 at isa sa mapalad ang aming barangay na magkaroon ng River Control Sub-Project para protektahan ang aming kabahayan at kabuhayan .Isa rin ako sa naging volunteer bilang Barangay Sub-project Management Committee (BSPMC).
Mababa ang bilang ng mga taong handang mag volunteer pero ako pursigido na makatulong sa komunidad at isa itong napakalaking tulong para sa aking sarili at pamilya sapangkat magmula ng maging volunteer ako sa KALAHI-CIDSS ay iba-ibang trainings ang nasalihan ko at ito ang naging daan para sa napakaraming oportunidad sa aking buhay. Natuto ako sa mga gawain ng mga Engineer, Accountant, Bookkeeper, Auditor at Lawyer.
Taong 2016 ng mapalad na mapabilang ako sa Modified Conditional Cash Transfer for Indigenous People (MCCT-IP) beneficiaries at dito unti-unting mapabuti ang kalagayan ng aking pamilya simula noon dahil sa matiyagang pagbisita ng Community Facilitators ng MCCT-IP kasama ang mga Municipal Links na sila ang nagpapaabot sa mga kinauukulan ang tunay na kalagayan ng aming barangay.
Kaya noong taong 2017 natulayan ang ilog na siyang banta sa aming kaligtasan at maging madali ang pagdala ng aming mga produkto sa bayan. Dahil sa 4Ps, unti-unting nawala ang malnutrition dahil sa backyard gardening program. Lahat ng buntis may regular na prenatal at postnatal check-ups at ang mga bata ay mayroon ng regular na check-ups, deworming at weighing.
Wala ng mga bata ang hindi nag-aaral halos lahat ay nasa paaralan na dahil sa cash grants na ibinibigay para sa edukasyon. Nawala narin ang child labor at bihira na lang ang sumasama bilang sugarcane workers sapagkat may mga ibat-ibang livelihood training na ang mga pamilyang kasali sa 4Ps. Sa pamamagitan ng FDS, tinuturuan ang mga kababaihan ng tamang pag budget at pagmanage ng oras para magkaroon ng record book.
Dahil sa 4Ps, ito ang nagmulat sa akin kung paano ang mangarap at tuparin ito. Ang aking mga anak ay masipag sa pag-aaral at kabilang sa mga honor students at katulong ko na rin ang aking asawa sa pag-volunteer sa iba’t-bang ahensya ng gobyerno at Non-Government Organizations (NGOs). Dahil sa 4Ps maraming pamilya ang naging matibay sa lahat na mga pagsubok sa buhay. Maraming nakapagtapos ng kolehiyo sa pamamagitan ng scholarship at ngayon ay may mga trabaho na. Kasabay ng pag-unlad ng aming komunidad, meron na kaming mga guro, police, fireman, at seafarer.
Kahit hindi ako mayaman sa mga materyal na bagay, pero mayaman ako sa mga kaalamang natutunan namin sa FDS, sa mga trainings/skill development and livelihood trainings. Ito ay mananatili sa amin at ito ang malaking puhunan sa sa pag-unlad ng kalagayan ng aming pamilya. Sa ngayon ay isa akong training facilitator sa agriculture at mga training vocational institution na accredited ng TESDA. At isang local farmer technician sa ilalim ng opisina ng Department of Agriculture 6, BDC-TWG DSWD-KALAHI CIDSS (Community Volunteer) at nanalo sa 7th Regional and National Bayani ka Awards 2023. Ako ay bahagi rin ng Community Volunteer Assistant Development Foundation, Indigenous Peoples Akeanon Bukidnon Tribe Elders at Barangay Anti-violence Against Women (VAWC) Desk Officer ng 14 na taon, women advocate at lahat ng ito ay utang ko po sa DSWD dahil sila ang paghubog sa aking pagkatao.
Graduate na rin sa kolehiyo ang aking panganay ng Diploma Course Program ng TESDA sa kursong ICT. Maraming salamat sa 4Ps staff sa lahat na kasipagan, tiyaga, pasensya at walang kapaguran sa pag-gabay sa aming mga beneficiaries, sa ating gobyerno at sa mga kapwa ko benepisyaryo ng 4Ps. Sana ay magbibigay inspirasyon itong aking kwento sa lahat na kapwa kong benepisyaryo at sa iba pang makakabasa nito.* (Ipinasa ng Madalag MOO, Aklan POO)