Mahirap pero nangarap hanggang
makaahon sa hirap sa tulong ng 4Ps
Testimony ani Reñalyn F. Gregorio, RM.
Benepisyaryo ng 4Ps
ALTAVAS, Aklan – Sa araw na ito, ang aming sambahayan ay magtatapos na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil nasa Level 3 na ang aming antas ng pamumuhay base sa pinakabago na Social Welfare Development Indicator (SWDI).
Ang aking ina na si Niña ay proud na aakyat sa entablado dala ang malaking pasasalamat sa lahat na tulong na ibinigay ng gobyerno sa amin.
Simple at payak ang aming pamilya. Namulat ako sa hirap ng buhay. Naalala ko pa noon madaling araw palang umaalis na ng bahay si Mama at Papa para pumasada ng jeep at uuwi din sila na gabi na. Kapag walang pasokSa buong araw ako ang naiiwan sa bahay kasama ang dalawa kong mga kapatid kapag walang pasok sa eskwela. Sa murang edad na walong taong gulang, ako ang nagsilbing ina at ama sa dalawa kong kapatid na pito at dalawang taong gulang pa lamang. Tinuturuan ako ng aking mga magulang ng mga gawaing bahay para kung wala sila, ako na yong gagawa ng lahat.
Walang ibang inaasahan ang aming pamilya kundi kami-kami lang. Naranasan namin ng nakakabatang kong kapatid na lalaki na manguha ng talaba at ipagbili ito upang magkapera at may pang baon sa eskwela.
Kahit na mahirap ang pamumuhay namin, nakakain naman kami tatlong beses sa isang araw. Ilang beses narin kaming nagpalipat-lipat ng tirahan dahil sa hindi amin ang lupang tinatatayuan nito. Wala din naman kaming magawa kundi ang lumipat at magmakaawa sa iba kung saan kami temporaryong makapagpatayo ng maliit na bahay. Kahit anong trabaho ang pinasok ni Mama upang makatulong kay Papa. Nagtrabaho siya sa “Filipino Hair” na pagawaan ng wig , nanahi siya ng punda, kurtina at kumot, Kalaunan naging Barangay Health Worker siya sa aming barangay.
Laging pinapaalala sakin ni mama noon na dapat akong mag aral ng mabuti. Hindi ko naman siya binigo. Sa pagtatapos ko ng elementarya isa ako sa umakyat ng entablado upang parangalan. Hindi masukat ang saya ko ng mga oras na iyon. Malaking tulong sa pag-aaral namin noon nang naging miyembro ang aming sambahayan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Sa tuwing pagbubukas ng pasukan labis ang pananabik naming magkakapatid dahil sa magkakaoon na naman kami ng bagong gamit sa pag-aaral at sa pangako ni Mama na kapag mataas ang aming grado bibilhan kami ng bagong damit mula sa pera galing sa 4Ps. Nakakatuwa lang maalala. Kaya pinangako ko sa sarili ko na magkakaroon ako ng mataas na marka. Hindi lang naging pangako iyon dahil noong nasa high school ako lagi akong nasa Top 10 ng aming klase.
Matataas ang aking marka na ikinatutuwa naman ng aking mga magulang. Hanggang sa pagtatapos ko ng senior high school ginawaran ako ng titulo na “With High Honors”. Pinagsumikapan ko na magkaroon na mataas na marka dahil sa balak ko noon kumuha ng scholarship sa pag-aaral dahil hindi makakaya ng aking mga magulang na pagsabayin kaming dalawa ng aking nakakabatang kapatid na lalaki sa kolehiyo.
Sa kabutihang palad may nakapagsabi kay Mama tungkol sa midwifery scholarship program ng Department of Health (DOH). Sinamahan ako ni Mama para mag-apply.
Ang kailangan upang makapasok sa scholarship ay dapat walang kakayahan ang mga magulang na mapag-aral sa kolehiyo ang anak, may mataas na grado, BHW, miyembro ng 4Ps ang pamilya at nakatira sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA). Nagpabalik-balik kami sa Iloilo Doctors’ College kung saan mag-aaral ang makukuhang scholar at tatlong oras na byahe papunta doon. Maraming screening ang napagdaanan ko, may interview, test ng DOH mismo pero swerte akong nakapasa.
Sobrang saya naming pamilya noon at may kaba sa aking dibdib dahil ngayon palang ako mapapalayo sa aking pamilya ngunit nangibabaw parin ang pagnanais ko na makapag tapos ng kolehiyo at makapagtrabaho. Maganda ang scholarship program ng DOH. Halos lahat sagot nila mula matrikula, alawans, libro at iba pa. Simula ng maging scholar ako paminsan nalang ako nakakahingi ng pera kay Mama at minsan din ako ang nagbibigay sa kanila.
Hindi masukat ang saya ng pamilya ko lalo na ako. Lahat ng hirap, puyat at pag aalala ay napalitan ng saya at pasasalamat. Nakapagtapos ako ng apat na taon sa kolehiyo na may kursong Bachelor of Science in Midwifery at ang kapatid ko naman na lalaki ay iskolar din sa Aklan State University sa kursong Bachelor of Science in Industrial Technology at aktibo din ito sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Sa kasalukuyan siyang nasa On the Job Training (OJT) sa Manila at sa taon na ito ay makakapagtapos na. Ang aking bunso naman kapatid ay nasa senior high school na may mataas na marka at magtatapos na din ngayong taon. Ako naman ay dating nagtrabaho sa Batan Rural Health Unit at kasalukuyang nagtratrabaho sa Banga Rural Health Unit sa ilalim ng DOH. Hindi sapat ang pasasalamat naming buong pamilya sa mga tulong na ibinigay sa amin. Hindi ko sukat maisip sa lahat ng napagdaanan namin pero heto kami patuloy na magsusumikap upang magkaroon ng masaya at masaganang pamumuhay.
Labis ang aking pasasalamat sa 4Ps sa tulong financial sa aming pag-aaral at naging tulay din ito upang matanggap ako bilang iskolar ng DOH. Ang programng 4Ps ay tiyak na makakatulong sa isang pamilya kung ito ay ginagamit ng tama at ang aming pamilya ang magandang halimbawa. (Ipinasa ni Municipal Link Angellene B. Bagatnan, Altavas, Aklan POO)