Inang IPs balik eskwela
Testimonya ni Annabelle O. Andelecio
Benepisyaryo ng 4Ps
LIBACAO, AKLAN – Sa tulad kong miyembro ng Indigenous Peoples (IPs) na nakatira sa isang mataas ang malayong bundok, ang pag-aaral ay isang buwis-buhay para sa amin. Higit sa dalawang oras at limang ilog ang aming tinatawid araw-araw bago makarating ng paaralan.
Ako po ay si Annabelle O. Andelecio, may asawa at anim na anak. Nakatira po kami sa Barangay Dalagsaan, Libacao, Aklan. Ang mga magulang ko ay sina Marcelo Onao at Vivina Dalupines. Kapwa po kami naninirahan sa isang komunidad at kabilang sa mga katutubo na kung tawagin ay Akeanon Bukidnon. Ang mga magulang ko po ay walang tinapos, hindi po sila marunong bumasa at sumulat kaya maliit pa lang kami ay mulat na kami sa kahirapan ng buhay sa bukid.
Tanging pag-aabaka at pagtatanim ng palay ang ibinubuhay sa amin ng aming magulang. Kahit hikahos sa buhay, masaya kaming nabubuhay sa bukid. Walo po kaming magkakapatid at ako po ang panganay. Payak po ang ang pamumuhay sa bundok subalit kami po naman ay tulong-tulong sa mga gawaing pangkabuhayan.
Katulad ng karamihang mga bata, pangarap ko noon ang makapag-aral. Dahil sa kawalan noon ng paaralang mapapasukan sa aming lugar, hindi po ako nakapag-aral ng maaga. Bagkus tumutulong po ako sa aking mga magulang sa pagsasaka. Madalas ay kamoteng kahoy ang aming kinakain. Madalang sa amin ang kumain ng kaning bigas at minsan wala pang ulam. Madalas lugaw ang inihahain sa amin ng aming magulang upang mapagkasya lamang sa aming magkakapatid. Dahil sa sitwasyon namin noon, naisip ko na wala talaga akong mararating sa buhay.
Walong taon na ako noon ng makatuntong ng paaralan. Pasalamat lang ako noon dahil sa panahong iyon ay nagkaroon ng paaralan sa amin na kung tawagin ay Maytaraw Primary School. Buwis-buhay sa aming mga mag-aaral ang pumasok sa paaralan dahil araw-araw, ilang oras pa ang aming lalakarin at limang ilog ang aming tinatawid bago makarating ng paaralan. Dahil sa may kalayuan ang paaralan, kinakailangan namin magbaon ng tanghalian. Sa sitwasyon namin sa bukid, hindi ako nahihiyang magbaon ng inihaw na kamoteng kahoy o inihaw na saging na saba na halos karamihan sa amin ay pareho kami ng baon at pinagsasalusaluhan pa namin.
Natapos ko ang ikaapat na baitang sa Maytaraw Primary School. Nagdesisyon akong lumipat ng paaralan sa bayan. Pumasok ako bilang isang working student habang nag-aaral dahil hindi kaya ng aking magulang ang suportahan ang aking gastusin sa paaralan at pang-araw-araw na pangangailangan. Sa panahon iyon, dalawa pa lang kaming nag-aaral ng aking lalaking kapatid. Nagsumikap ako sa aking pag-aaral at hindi sumuko sa hamon ng buhay hanggang sa makatapos ako ng elementarya.
Ang akala ko noon ay tuloy-tuloy na ang aking pag-aaral. Pero hindi pala dahil ng umuwi po ako sa amin ay may nangyaring hindi ko inaasahan. Sa edad kong 17 ng ako ay nag-asawa. Iyon ang masaklap na nangyari sa akin dahil kagustuhan iyon ng aking mga magulang. Ito po talaga ay nangyayari lalo na po sa katulad naming mga katutubo. Pinilit po nila ako sa ganoong sitwasyon. Sa aking edad na iyon wala po akong alam at ideya kung saan ako magsisimula. Mula sa aking pag-aaral ay parang tinulak nila ako muli sa aking dating sitwasyon.
Nahinto man ang aking pag-aaral dahil sa pag-aasawa ng maaga ngunit hindi ako sumuko sa buhay. Bagkus, pilit kong tinataguyod ko ang aking responsibilidad sa pamilya bilang asawa at ina ng aking mga anak. At ay hindi ko ito pinagsisihan dahil nakita ko naman ang ugali ng aking asawa na mabuti naman siyang tao. Mabait siya, masipag at matulungin sa kapwa-tao. Isa siyang responsabling asawa. Sa aming pagsasama ay nagkaroon kami ng anim na anak. Sa kabila ng pag-aasawa sa murang edad ay naging masaya ang aming pagsasama. Pagsasaka po ang naging hanapbuhay ng aking pamilya. Kaya sa maaga ko pong pag-aasawa ay hindi po natuloy ang aking pag-aaral. Hindi ko po matupad ang aking mga pangarap na mkatapos ng pag-aaral. Naging katuwang namin ang aming mga magulang sa pagtataguyod sa aming mga anak lalo na sa pangangailangang pinansiyal.
Isa ang aking pamilya sa mga mapalad na mapasali sa Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). Kami ay naging kasapi ng tinatawag na Modified Conditional Cash Transfer for Indigenous Peoples (MCCT-IP). Mula ng nasali ako sa programang ito ay marami po akong natutunan. Buwan-buwan ay palagi akong dumadalo sa Family Development Session (FDS). Kaya dito ko napagtanto ang aking karanasan sa buhay.
Ang aking pagdalo sa FDS ay marami akong nakuha at nalaman kung paano maging matapang at matatag sa buhay. Dito rin muling nabuo ang aking mga pangarap sa buhay lalo na bumalik sa pag-aaral at matapos ito. Dahil sa programang ito, muli akong hinubog upang ipagpatuloy ang naudlot na pag-aaral. Nag enroll ako muli sa high school. Sa aking pag-aaral ay kasama ko na ang aking apat na mga anak na nag-aaral sa elementarya. Ang aking asawa ay nagsumikap na magtrabaho sa bukid upang may baon kami ng aking mga anak sa paaralan.
Bukod pa dito, namasukan din ako bilang isang Day Care Worker sa Taban Child Development Center habang ako ay nag-aaral. Sa pamamagitan nito ay sinasanay ko na ang sarili ko sa pagtuturo dahil pagiging isang guro ang gusto kong maging pagdating ng araw. Malaking tulong din ito pandagdag kita. Buong araw ng Sabado at Linggo ako nagtuturo sa mga bata at tuwing Lunes hanggang Biyernes naman ay nag-aaral. At dahil may cash grant po kami sa MCCT-IP ay nakadagdag po iyon sa aming gastusin sa pang- araw-araw naming pangangailangan. Nakatulong din ito upang makabili kami ng aming mga gamit at hanggang sa allowance namin sa paaralan.
Para sa akin ay malaki ang naitulong ng programang ito lalo na sa aking pag-aaral. Ngayon ay pinasasalamatan ko talaga ang programa sa tulong na binibigay nila sa amin. Nabigyan po ako ng pagkakataon na makapag-aral muli. Taong 2023 ng ako ay makatapos ng high school sa tulong ng programa at ng aking asawa. Sobrang saya ang nadarama ko at ng aking pamilya. Dahil sa binigay na pagkakataong muli sa akin ng programa, unti-unti ko ng naaabot ang aking pangarap na maging isang guro balang araw.
Sa ngayon, ako po ay nag-aaral ng kolehiyo bilang isang freshmen student ng Aklan State University. Iniwan ko po ang aking mga anak sa pangangalaga ng aking asawa at mga magulang. Handa ko pong tiisin ang maging malayo sa piling ng aking pamilya para sa aking pangarap na nais kong matupad. Dahil alam kong hindi lang ito para sa aking kundi pati na rin sa kinabukasan ng aming mga anak. Sila ang nagbibigay ng saya at inspirasyon ko sa lahat ng plano ko sa buhay. Ginagawa ko ito kasama ang Panginoon. Higit sa lahat, walang imposible sa Kanya. At sa programang ito, kasama ang mga kawani na siyang nagbigay ng pag-asa upang muli kong buhayin ang naudlot kong pangarap. Maraming salamat sa mga benepisyong ipinagkakaloob ninyo sa amin, lalong-lalo na sa aming mga katutubo. Salamat sa walang sawang paghubog sa mga katulad naming kapus-palad. (Ipinasa ni Municipal Link Allan F. Evangelio ng Libacao MOO, Aklan POO/ndfb)