Edukasyon at pagsikap: Sangkap sa Tagumpay ng Batang 4Ps
IVISAN, Capiz – Ang pagsisikap sa buhay at pagpapahalaga sa edukasyon ay dalawang mahahalagang salik na nagtutulak sa atin upang magtagumpay at umunlad sa buhay. Ang pagsisikap ay naglalarawan ng ating determinasyon at dedikasyon sa pag-abot ng ating mga pangarap habang ang pagpapahalaga sa edukasyon ay nagbibigay daan sa atin upang magkaroon ng kaalaman at kasanayan na magiging sandata natin sa harap ng mga hamon ng buhay.
Si Alexander Luis Argoncillo De Leon, unang nasilayan ang liwanag ng mundo noong ika-4 ng Marso taong 2009. Lumaki sa isang lugar na mapayapa at hitik sa yamang dagat na matatagpuan sa bayan ng Ivisan, ang Basiao. Si Alexander Luis ay nag-iisang anak ng mag-asawang Leo at Rosabella na lumaking puno ng pagmamahal at pag-aaruga.
Isang karangalan para sa kanya ang maibahagi ang mga pangyayari sa kanyang buhay. Nawa ito ay magsilbing inspirasyon sa lahat ng mga indibidwal na may pangarap at patuloy na magsusumikap upang makamit ang inaasam na tagumpay. Salat man sila sa pinansiyal na aspeto pero busog naman siya sa alaga at payo mula sa kanyang mga magulang.
Ngunit, isang malaking hamon para sa kanya at sa kanyang ina nang mahinto sa paghahanapbuhay ang kanyang ama sa kadahilanang siya ay naging paralisado at kinakailangang matustusan ng gamot ang kanyang pagpapagaling. Ngunit hindi iyon naging hadlang sa kanya upang mahinto at mapabayaan ang kanyang pag-aaral bagkus ito’y naging silbi na sandata sa kanyang buhay at nagbukas ng pinto upang mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Tunay na hindi matutumbasan ng anumang salita ang kanyang pagpapasalamat nang naipasok sila sa programa dahil malaki ang naitulong ito sa kanyang pag-aaral at sa pagpapagaling ng kanyang ama. Sa katunayan, nagkaroon ng malaking pagbabago hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa kanyang sariling pag-unlad bilang isang mag-aaral sa ng Basiao National High School. Ang 4Ps ang nagbigay daan sa kanya upang maranasan ang mga bagay na maituturing niyang yaman na hinding-hindi mananakaw ninuman.
Simula ng siya ay itinanghal na panalo sa patimpalak ng Search for the Exemplary 4Ps Children, ay doon na rin nagsimula ang pag-ikot ng kanyang mundo bilang isang mag-aaral na walang ibang hangad kundi ang makapagtapos at bigyang karangalan ang kanyang mga magulang. Sadyang kay buti ng Panginoon sa kanya at higit pa sa kanyang inaasahan ang gantimpalang kanyang nakamit. Isa rin siya sa mga napili upang bigyang dangal hindi lamang ang lugar kung saan siyang nag-aaral higit sa lahat ay ang buong probinsiya ng Capiz sa pamamagitan ng pagdalo sa National Children’s Congress sa Lungsod ng Manila na ginanap noong ika-26 hanggang 30 ng Nobyembre taong kasulukuyan.
Pagbabagong ganap na nagmulat sa kanya na kahit pagkaitan man sila ng ilang beses sa pinansiyal na pangangailangan patuloy niyang tatanawin na malaking utang na loob ang pagiging bahagi ng isang organisasyong humubog at nagbukas ng iba’t ibang oportunidad upang maibahagi sa lahat ang kanyang kakayahan. (Isinulat ni AREN P. DEBAUDEN, MAT Team Leader/Municipal Link-Ivisan, Capiz POO.)