Bulag na ina patuloy na lumalaban sa
hamon ng buhay katuwang ang 4Ps
LEON, Iloilo – Isang naiibang kuwento ng pamilya na maaaring magbibigay inspirasyon at pag-asa dahil sa bawat dilim ay may naka-abang na liwanag.
Si Gretchen T. Hachuela, 37 taong gulang ay isang ilaw ng tahanan ngunit ilaw man siyang ituturing, madilim naman ang kaniyang paningin sanhi ng pagkabulag pagkatapos niyang manganak ng kanilang panganay na si Erjan. Ang kaniyang asawa ay si Eric, 46, at isang kargador sa bagsakan na bilihan ng mga produktong gulay mula sa ipinagmamalaking “Little Baguio” ng Bucari sa bayan ng Leon, Iloilo. Sila ay nakatira sa Sitio Dugo, Brgy. Poblacion ng nasabing bayan kasama ang tatlo pang maliliit na mga anak.
Taong 2019 nang isinumiti ang pangalan ng kanilang pamilya para sa balidasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at nitong Abril 2023 ay naisama ang sambahayan sa programa na masinsinang mino- monitor ng DSWD.
Ang tatlong anak ng mag-asawang Hachuela na mino-monitor ng programa ay kasalukuyang nag-aaral sa Leon Central Elementary School. May mga programa ang naturang paaralan na nagbibigay sagot sa espesyal na pangangailangan ng mga bata. Noong kasagsagan ng pandemya dulot ng COVID-19 ay nagsimulang pumasok sa paaralan ang mga bata sa pamamaraang modular. Taong 2022 nagsimula ang face to face classes at si Erjan ay nasa ikatlong baitang habang ang kasunod na anak na si Fedderick ay nasa ikalawang baitang.
Base sa assessment, napagkakitaan ng kahinaan sa aspetong pisikal at mental ang mga bata at upang matukoy kung ano ang sanhi nito, napagpasyahan ng mga guro at butihing Prinsipal 1 na si Joemarie C. Camago na idaan sa tamang proseso ang pag- alam ng nasabing kahinaan ng mga bata sa tulong ng dalubhasang Doktor ng Sikolohiya upang sa gayon ay mabigyan ng tamang suporta at interbensyon ang mga bata na naaangkop sa kanilang pangangailangan. Nang mailabas ang resulta ng eksaminasyon,napatunayan na sila ay may intellectual disability o may kapansanan intelektwal kaya inilipat sila sa Sped Center at ang pangatlong anak na si Eric Jr. naman ay nasa unang baitang.
Noong Nobyembre 10, 2023 bago umalis patungong Negros Occidental si Eric para sumama sa pagdadala ng mga produktong gulay ay nag- iwan ito ng mga tagubilin sa kaniyang bulag na asawa, pati na rin ang pagpasok ng mga bata at pagbubunot ng damo sa kanilang 4Ps garden sa paaralan. Ang nasabing 4Ps garden ay isa sa mga iminungkahi ng paaralan sa lahat ng benepisyaryo na magkaroon ng kaniya- kaniyang taniman na may sari- saring gulay. Kasabay ng mungkahing ito ang proyekto ng paaralan ang TINOLA (Teachers Initiative to Nourish Oneself to Learn and be Active) na kung saan ang produktong gulay mula sa sa garden ay siyang niluluto ng mga magulang bilang sangkap sa gulay sa pananghalian ng kanilang mga anak. Malaki ang tulong nito sa kalusugan ng mga bata lalo na ayon sa datos ng paaralan mayroong tatlumpung porsyentong benepisyaryo bata ang napapabilang sa mababang Body Mass Index (BMI).
Ang proyektong TINOLA ay may kasamang babasahin para sa mga bata at magulang upang lubos na mapaunlad ang kanilang kaalaman lalo na sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay dahil layunin ng paaralan na makatulong hindi lamang sa mag -aaral kundi pati na rin sa buong pamilya.
Noong araw na umalis si Eric ay pumunta sa paaralan ang asawa at apat na mga anak. Nilakad nila mula bahay hanggang sa paaralan. Ang kaniyang mga anak ang nagsilbing mga mata ng nanay sa paglalakad. Tanghaling tapat nang marating nila ang paaralan.
Habang naglilinis si Gretchen sa kanilang harden kasama ang apat na taon na bunsong anak na si John JB nakita sila ng guro na si Razel B. Cachero na isa ring 4Ps Focal Person at tinanong kung bakit nandoon sila kahit tanghaling tapat na. Nagpakilala si Gretchen na siya ang asawa ni Eric at itinugon ng kanyang asawa na huwag pabayaan ang kanilang harden sa loob ng paaralan lalo na kung kanilang iskedyul.
Patuloy na kinakausap ng guro si Gretchen at habang kausap niya ito hindi niya napigilang mapaluha sa karanasang pinagdaanan nito mula nang mawalan ng paningin pero hindi siya sumuko bagkus ginampanan niya pa ng mabuti ang kanyang pagiging ina sa kabila ng kanyang kapansanan at mahirap na kalagayan. Pangarap rin daw ni Gretchen na makalipat sila ng bahay malapit sa kalsada para hindi siya masyadong mahirapan sa pagpunta sa paaralan ng mga bata para mapasiguro ang kanilang 85% school attendance bilang parte ng kodisyon ng programa. Malaki rin daw ang tulong ng cash grants sa kanilang pang araw-araw na pangangailangang pangkalusugan.
Sa pontong iyon napagtanto ng guro na hindi lamang siya dapat nakatuon sa pagtuturo para maka pagbigay ng grado sa mga bata ngunit maaari din na maiangat ang mga bata para maging mayaman sa edukasyon at pagmamahal sa kapwa kasabay ang pag -angat sa antas ng pamumuhay ng bawat pamilya tungo sa pagbabago. Bilang guro at 4Ps Focal parte ng Action Plan ng paaralan na e monitor rin ang mga pagbabago na nagaganap sa aspeto ng kalusugan, intelektwal at pamumuhay ng bawat estudyanteng benepisyaryo ng 4Ps.
Hangad ng guro na mabigyan pa ng maraming opportunidad ang pamilya at matulungan ng iba pang mga ahensiya ang kanilang mahirap na pamumuhay at kalagayan. (Photos credit to Teacher Razel B. Cachero)