CAPIZ – Nawalan man siya ng ama sa murang edad ngunit hindi ito naging hadlang para kay Ronel Desales ng Maayon, Capiz para hindi masungkit ang mga minimithing pangarap sa buhay lalo na nang siya ay nagtapos sa kolehiyo bilang Magna Cum Laude.
Si Ronel, 23 anyos, ay bunsong anak sa pitong magkakapatid.
Grade IV siya noon ng namatay ang kanilang ama at solong inaalagaan sila ng kanyang ina na si Casilda. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na tanging sahod lamang ng kanyang nakakatandang kapatid ang inaasahan ng buong pamilya sa pang araw-araw na gastusin lalo na ng kanyang pang- matrikula.
Kailangan pang manghiram ng pera ang kanyang ina upang may pangtustos sa kanilang pag-aaral. Maraming kwento ang naririnig si Ronel mula sa ibang tao na aso at pusa na lamang ang hindi nahiraman ng kaniyang ina. Isa ito sa tumatak at pinaghuhugutan niya ng lakas at tibay ng loob upang magpursige at matapos niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Naging motibasyon niya sa pag-aaral ang kahirapan na pinagdadaanan nilang magpamilya.
Taong 2012 nang nakapasok ang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan tatlo silang magkakapatid kasama si Ronel, na noon nasa Grade 7 pa lamang, ang nakapasok bilang minomonitor ng programa. Ang kanilang ina ay napili rin bilang Parent Leader ng kanilang barangay.
Sa kabila ng lahat dahil nga sa kanilang mahirap na kalagayan, ang ibang mga kapatid niya ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral habang ang iba naman ay nag-asawa na lamang. Si Ronel pa lamang ang tanging anak ni Casilda na nakatuntong at nakatapos sa kolehiyo.
Sa katunayan, kahit anong hirap at kapos sa pera ay naitawid niya naman lahat dahil sa pangarap niyang ibigay ang kaisa-isang kahilingan ng kaniyang ina at ito ay ang makapagtapos siya ng pag-aaral. Para kay Ronel, hindi madali ang mag-aral. “Mahirap mag-aral pero mas mahirap yong walang pinag-aralan,” ang sabi niya palagi na itinatak niya talaga ito sa kaniyang isipan mula noon.
Kaya kahit anong trabaho pinapasukan niya basta makapera lang para sa pambaon. Naranasan niyang magbilad sa araw, mag-ani ng palay, tinitiis ang lamig dala ng ulan sa gitna ng taniman ng “tubo” upang makasahod lang ng Php80.00 sa isang araw at para na rin may pambili ng bigas.
Sa wakas, ang lahat ng kanyang tiyaga at pagpupursige ay napalitan ng kasiyahan ng siya ay nakapagtapos sa degree na Bachelor of Science in Hospitality Management sa Colegio de la Purisma Concepcion, Roxas City bilang Magna Cum Laude noong nakaraan taon. Pinagpapasalamat ni Ronel sa Panginoon ang kaniyang pagtatapos at ipinagmamalaki na anak siya ni Gng. Casilda. Nasungkit niya rin ang Leadership at Service Awardee sa pagiging Supreme Student Pastoral Council – Vice President at iba pang mga parangal tulad ng Congressman Emmanuel Billiones Award for Academic Excellence, Governor Esteban Evan B. Contreras for Academic Excellence, Mayor Ronnie T. Dadivas for Academic Excellence Award at Eligibility of Civil Service Award.
Sa ngayon, nagtatrabaho na rin siya sa isang pribadong kumpanya dito sa Roxas City pero pinupursige niya pa rin ang una niyang pangarap na maging isang seaman. Sa katunayan, completo na ang kanyang mga papeles para sa kanyang unang sakay sa susunod na buwan. Ang kanilang sambahayan ay aktibong miyembro pa rin ng 4Ps hanggang ngayon dahil isa sa mga pamangkin niya ay minomonitor pa ng programa pero nasa Level 3 na rin ang kanilang kalagayan.
Malaki ang pasasalamat ni Ronel sa 4Ps dahil naging malaking bahagi ito sa buhay nila at kung ano mang meron sila ngayon. Pinapanalangin niya na sana marami pang pamilya ang matutulungan ng programa para makaahon rin sila sa kahirapan. Ipinasa ni Municipal Link Colleen D. Doletin ng Maayon, Capiz POO)