Testimonya ni: Mila Frias Racoma
Benepisyaryo ng 4Ps
CUARTERO, Capiz – Ang bumukod ng sariling pamilya ay hindi madali kaya noong nag-asawa ako, minabuti namin na bumalik dito sa Capiz galing sa lugar ng asawa ko sa Tarlac. May dalawang anak na kami sa mga panahon na iyon.
Dumating kami dito at namuhay ng walang permanenteng trabaho at umaasa lang kami sa pagtatrabaho sa lupa ng mga kabarangay namin. Sa ganoong sitwasyon ng buhay, naranasan ng aking pamilya ang sobrang hirap dahil sa kakulangan ng pera. Tiyaga at panalangin sa Diyos ang aming naging sandalan sa araw-araw.
Hindi biro ang magtaguyod ng pamilya na isang kahig, isang tuka. Maliliit pa lamang ang mga bata kaya kaming mag-asawa lang ang nagtutulungan magtrabaho sa bukid at palayan. Kahit nakapag Third-year college ako at ang aking asawa ay graduate sa High School pero nahirapan pa rin kami maghanap ng trabaho dahil wala kaming sapat na pera pangtustos kun makipagsapalaran kami.
Kahit na mahirap ang buhay pero sinisikap pa rin namin na maitaguyod ang pangangailangan ng pamilya. Magkatuwang kami sa pagbubukid at pag-aalaga ng baboy at iba pang hayop para maibenta sa oras ng pangangailangan.
Taong 2011, mapalad po ang aming sambahayan na nakapasok bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Laking pasasalamat ko sa ating Poong Maykapal na kami ay nakasali na mabigyan ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng DSWD. Ako ay napili bilang Parent Leader ng aming barangay.
Noong panahon na aktibo na kami bilang benepisyaryo, ang aking panganay na anak na si Von Rubert ay nasa 3rd Year High School at siya ay nag-aaral sa Cong. Ramon A. Arnoldo High School (CRAAHS) sa Banica, Roxas , City at doon siya pansamantalang naninirahan sa aking kapatid na lalaki upang may makasama siya sa bahay nila habang ang bunsong anak na si John Paulo ay nasa Grade 1 at nag-aaral sa Agdahon Elementary School. Siya ay masakitin na bata. Matandaan ko noong una kong nakuha ang grant ay agad ko siyang dinala sa doctor para ipatingin dahil laging inuubo at nilalagnat. Siya ay may mild pneumonia, at laking pasasalamat ko sa Panginoon na siya ay gumaling at dahil din po sa pera na aking nakuha sa 4Ps. Napagamot ko siya kaagad at naging malusog na.
Dahil sa aking pagka aktibo, napili rin ako na maging isang Barangay Treasurer. Kahit marami akong ginagampanan na responsibilidad sa barangay pero hindi ko pinabayaan ang aking pagiging isang ina at asawa. Dagdag pa dito, dahil sa cash grants ng 4Ps, nakabili ako ng dalawang biik para e fattening dahil alam ko kailangan kong gamitin ng maayos ang tulong mula sa gobyerno.
Isang hamon ng buhay ko at ng pamilya ko nang dumating ang pandemya dulot ng COVID -19 taong 2020, bilang magulang kailangan naming kumayod ng aking asawa para sa aming mga anak kaya todo kayod kaming mag-asawa sa pag-aalaga ng baboy, pagtitinda ng mga gulay para may pang-benta at may mapagkunan ng pera pambili sa mga pangangailangan sa loob ng bahay.
Ang pandemya ay nagtagal ng dalawang taon at para sa amin ito na ang pinaka mahirap na pagsubok na dumating sa aming buhay at komunidad. Bilang isang Parent Leader, ang dami rin naming ginawa para mapanatili na masusunod ng maayos ang mga kondisyon lalo na sa pag-release ng cash grants, at ang buwanang modular FDS. Bilang isang ina at benepisyaryo ng programa palagi kung sinasabi sa aking mga anak at sa kapwa ko benepisyaryo na pahalagahan ang tulong ng gobyerno kasi hindi habang buhay ay may matatanggap tayo na tulong.
Dumating nga ang panahon na iyon pagkatapos ng sampong taon (10) na kami ay magtatapos na sa programa. Sa ngayon, graduate na po ako sa 4Ps dahil nasa 19 na taong gulang na ang aking bunsong anak at graduate na po siya sa Grade 12 ngayong school year. Ang aking panganay na anak naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo sa kursong BS Marine Engineering sa Colegio de la Purisima Concepcion, Roxas City, at pinalad na makasakay sa International Cruise Ship at tumutulong na sa amin. Nakapag- asawa na rin at may sarili ng pamilya. Lahat ng sakripisyo at pagod ng pamilya ay unti-unting sinukli-an na ng panganay naming na anak, ito ay tumutulong na sa pagpapa-aral ng bunsong kapatid niya at tumutulong rin sa mga gastusin sa bahay.
Hindi lahat ng bagay ay pwede mong makuha dahil lang sa ginusto mo ito. Minsan, kailangan mo din talagang paghirapan ang isang bagay para masabi mo sa sarili mo na pinaghirapan mo talaga ito. Mas masarap lasapin ang isang bagay na pinaghirapan. Tulad ng kwento naming magpamilya na sa umpisa hindi naging madali ang aming pamumuhay, laki kami sa hirap kaya hindi sumusuko.
Taos puso po akong nagpapasalamat sa DSWD lalo na sa programa na 4Ps at sa Panginoon na kami ng aking pamilya ay nakaraos sa kahirapan ng buhay. Nagpapasalamat din po ako sa lahat ng bumubuo ng programang ito lalong-lalo na sa aming Municipal Link na si Maam Analina B. Larroza at sa kasamahan na nagpapatupad ng programa, sa aking mga kasamang Parent Leader at sa lahat ng miyembro ng 4Ps. Ang tanging sekreto ko sa tagumpay ay ang pagsisikap at patuloy na bumabangon sa bawat pagkakamali. (Cuartero Team, Capiz POO)