Testimonya ni Marvin B. Burata Benepisyaryo ng 4Ps
ESGP-PA grantee
PANAY, Capiz- Walang imposible sa taong may tiyaga at sipag basta kapit lang para sa mga pangarap sa buhay. Ito ang mga katagang binitawan ni Marvin B. Burata, 4Ps beneficiary at ESGP-PA iskolar ng Brgy. Bago Chiquito, Panay, Capiz bago niya pa man nakamit ang inaasam-asam sa buhay.
Heto ang kanyang kwento.
Isinilang ako noong 1997 at kasalukuyang 26 taong gulang. Anak ako nina Ismael Burata, isang magsasaka at Rovera Burata, labandera at grantee ng aming sambahayan. Lima kaming magkakapatid, apat na babae at ako ang nag-iisang lalake.
Bata pa lamang ako ay namulat na ako sa reyalidad ng kahirapan. Lagi kaming walang ulam kung kaya toyo at mantika lamang ang laging inuulam namin. Minsan, isang itlog pinaghatian pa naming o kaya kinudkod na lahing niyog. Kahit ganito kami palagi, palaging honor student rin ako at nakakuha ng medalya sa pagiging modelo sa klase.
Taong 2011, napabilang ang aming sambahayan na naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at malaking pasasalamat namin dahil may katuwang na ang aming pamilya para sa aming pag-aaral. Pagtungtong ko sa high school pinagsasabay ko ang pag-aaral at pagtulong sa sakahan. Minsan kargador ako ng palay, minsan naman ako ang taga-alaga ng manok at itik. Ang aming bahay ay maliit lamang, walang kuryente, gumagamit lang kami ng lampara na gasolina para makailaw lang tuwing gabi. Wala kaming telebisyon o kahit na anong kagamitan.
Naaalala ko noon nang humahagupit ang Bagyong Yolanda, nawasak ang aming bahay. Halos dalawang taon kami tumira sa tagpi-tagping bahay dahil walang pera pampagawa. Laking pasasalamat namin sa DSWD dahil nabigyan din kami ng kaunting tulong dahil totally damaged ang aming bahay at yon ang aming ginamit para makapagsimula muli at makapakabit ng kuryente.
Akala ko hindi ako makapag-aaral sa kolehiyo dahil kapos kami sa pera pero ang dalawa kong nakakatandang kapatid na nakatira sa aming tiyahin ay nag-alok na papaaralin ako. Dagdag pa dito nang nakapasa ako sa pagsusulit bilag iskolar ng ESGP-PA. Kumuha ako ng Bachelor of Science in Criminology. Nabigyan ako ng libreng tuition fee at may allowance pa kada buwan mula first year hanggang nagtapos ako sa fourth-year college. Malaki ang pasasalamat ko sa DSWD lalo na nang naging monitored children pa ang dalawa kong nakababatang kapatid.
Nang makapagtapos ako sa pag-aaral ay binayaran din ng DSWD ang aking pagrereview para makakuha ng board exam sa BS Criminology. Nagtapos ako noong March 2018 at sa halos dalawang buwan na aking pagrereview ay pinalad ako na makapasa sa Licensure Examination for Criminologist. At sa wakas ako ay matatawag na ng isang ganap na pulis. Alam kong hindi madali ang aking naging mga karanasan sa buhay ngunit dahit sa pagtitiwala sa Maykapal, pagsisikap at pagtataguyod ng aking mga magulang, lahat ito ay aking nakamtan.
Sa ngayon ako ay isang ganap na regular na pulis na nadestino sa Aklan Police Station. Tumutulong ako sa mga gastusin ng aming sambahayan at sa pag-aaral ng dalawa ko pang mga kapatid sa kolehiyo. Noon, nakatira lang kami sa habong-habong na bahay pero ngayon nakapagpagawa na kami ng malaking bahay na kahit hindi pa tapos pero masasabi kong sa amin na talaga.
Noon, wala kaming ni isang kagamitan sa bahay pero ngayon nakabili na kami ng mga gusto namin. Nakapagpatayo na rin kami ng maliit na sari-sari store at si Nanay na ang nagbabantay kasi hindi na siya naglalabada. Dati, watak-watak kami dahil kung saan-saan lang kami nagtatrabaho pero ngayon kay buo na kaming naninirahan sa munting bahay namin.
Sa ngayon, ang aming sambahayan ay nagtapos na sa programa. Ipinagmamalaki ko ang aking mga naging karanasan na naging tulay para maabot ko ang mga minimithing pangarap. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos dahil hindi niya kami pinabayaan sa mga oras na walang-wala kami, sa aking pamilya sa kanilang patuloy na pagmamahal , pagsasakripisyo at pagtataguyod ng lahat ng pangangailangan ko lalo na sa aking mga kapatid.
Taos-pusong pagpapasalamat rin ako sa ating gobyerno lalo na sa ahensya ng DSWD at sa programa na umalalay at umagapay sa aming pamilya hanggang sa makaraos sa kahirapan. Sumasaludo po ako sa inyong lahat. (Ipinasa ni Municipal Link Zyanne Mae S. Billoso ng Panay, Capiz POO).