Testimonya ni Rigine Ulgasan
Benepisyaryo ng 4Ps
CALATRAVA, Negros Occidental – Bata palang ako, dalawang kilometro na ang nilalakad ko patungo sa paaralan araw-araw, dala ang mga pangarap na gusto kong makamit sa buhay. Simple lang ang aming pamumuhay, isang habal-habal driver ang aking ama at Barangay Health Worker naman ang aking ina. Panganay ako sa apat na magkakapatid kaya maaga akong namulat sa kahirapan ng aming pamumuhay.
Hindi sapat ang kita ng aking mga magulang sa aming pang araw-araw na gastusin. Kaya minsan suma-sideline ng trabaho ang aking ama bilang isang magsasaka, at sacada samantala ang aking ina ay minsan labandera, at manicurista. Basta lahat nalang ng pwedeng pasukan na trabaho napasukan na ng aking mga magulang para lang magkapera.
Dalawang piso kada araw ang baon ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang, ngunit hindi iyon naging hadlang sa aking pag-aaral bagkus naging masipag pa ako at nasungkit ang Valedictorian nang ako ay nagtapos sa elementarya.
Nang tumuntong ako ng high school, naalala ko noon wala akong matinong sapatos, puro butas ang talampakan ng sapatos ko kaya nalulungkot ako kapag umuulan dahil nababasa at napapasok ng tubig. Kahit mahirap kami sa pamumuhay, maswerte naman ako dahil palagi akong nangunguna sa klase at nakikita kong kahit papaano napapasaya ko ang aking mga magulang.
Malaki ang pangarap ng aking mga magulang sa amin lalo na ang makapag-tapos kami ng pag-aaral. Dahil sa kagustohan kung makapag aral sa kolehiyo, lahat nalang yata ng micro-finance ay nauutangan na ni Mama para lang makapag-aral at maka enroll ako sa kolehiyo.
Maraming mga tao ang nagmaliit sa amin kung bakit daw ako nag-aaral pa na halos hindi naman namin kaya. Pero lahat ng iyon ay binaliwala namin at nagpatuloy lang sa minimithi.
Ngunit, hindi madali talaga ang buhay ko dahil sa financial problem. Naalala ko noon bago ako umalis, maghahanap pa muna si Mama ng mapag-uutangan para sa pang allowance ko. Masakit makita na ang mga magulang ko ay kinakain nalang yong hiya sa panghihiram ng pera para lang may pang baon ako. Gusto ko nalang sanang tumigil sa pag-aaral dahil ayoko silang makitang nahihirapan ngunit ang pag-pupursige ng aking mga magulang, at pamamaliit ng mga tao sa amin ay naging inspirasyon ko para makapag tapos sa pag-aaral.
Hanggang dumating ang 4Ps at isa ang aming pamilya na naging benepisyaryo ng programang ito. Naging Parent Leader si Mama sa aming barangay. Dagdag pa dito, napasama rin ako sa benepisyaryo ng aming munisipyo sa school financial assistance kung saan may natatanggap akong pinasyal kada semester. Nang ako ay nasa 3rd year college na, laking pasasalamat ko nang naging free tuition na dahil sa programa ng Commission on Higher Education (CHED). Kahit papaano ay gumaan-gaan ang aming gastusin at sa awa ng Diyos hindi ko naman binigo ang aking mga magulang at nagtapos akong Cum Laude.
Pagkatapos ng kolehiyo hindi agad ako nakakuha ng board exam dahil nagka problema ako sa aking mga papelis kaya naghanap muna ako ng trabaho. Naka pag trabaho ako sa BPO Industry bilang call center agent at kahit papaano nakatulong ako pinansyal sa aking mga magulang. Taong 2020 nang dumating ang pandemya dulot ng COVID-19 at natigil ako sa trabaho.
Sinubok rin ako ng panahon nang nagkasakit ako na systemic lupus erythematous. Ito ay isang panghabangbuhay na sakit na nagdudulot ng pamamaga at pananakit ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Ito ay isang autoimmune disease kung saan nagkakamali ang immune system na labanan ang mga malulusog na tissues sa katawan. Kaya pabalik-balik ako sa hospital.
Hindi ko lubos maisip kung bakit nangyayari ito sa akin ngunit alam kung may dahilan ang Diyos kung bakit ito nangyayari sa akin. Taong 2022, unti-unti akong naka recover sa sakit ko at naayos ang problema sa papelis ko. Sumubok akong kumuha ng board examination para sa Licensure Examination for Teacher (LET). Nag self-review lamang ako dahil wala kaming pangtustos para sa review center. Hindi madali ang pinagdaanan ko habang nag review, lumalaban ako para sa pangarap ko at the same time nilalabanan ko ang sakit ko.
Mahirap mag review na may iniinda kang sakit sa katawan, parati kang nilalagnat ngunit patuloy parin akong lumalaban at humihingi ng lakas ng loob sa Diyos. Hanggang sa nalampasan ko ang pagsubok na iyon at nakapasa ako sa LET na may 85.40% na rating. Hindi ko lubos akalain na sa kabila ng lahat ng pagsubok ko sa buhay may kapalit itong tagumpay. Hindi hadlang ang kahirapan sa taong may pangarap sa buhay, basta may pagsusumikap makakamit mo rin ang iyong tagumpay.
Salamat sa mga programa ng gobyerno lalong-lalo na sa 4Ps. Malaking tulong ito para makamit ko ang mga pangarap sa buhay. Sana marami pa kayong matutulungan na kagaya kung may pangarap.
Ngayon ay isa akong volunteer teacher sa aming komunidad habang naghinhintay sa application bilang isang Teacher I. (Ipinasa ni Rosamia S. Cadugo, ML- Calatrava, Negros POO1)