Testimonya ni: Wenn I. Ricaforte
Benepisyaryo ng 4Ps
Summa Cum Laude, CPU
Top 9, March 2023 LET
MALINAO, Aklan – Ang makatulong sa aking mga magulang balang-araw ay siyang aking hangarin sapagkat ipinanganak ako sa isang pamilyang salat sa salapi. Nakatira kami sa maliit na bahay gawa sa mixed materials dito sa Barangay Kinalangay Viejo ng Malinao.
Bilang panganay sa apat na magkakapatid, ang mahirap na katayuan namin sa buhay ay siyang naging inspirasyon ko na makaangat sa buhay na meron kami ngayon. Hindi naging madali ang aking paglalakbay tungo sa pagkamit ng aking mga pangarap. Bilang anak ng isang magsasaka at midwife, ang kahirapan ang isa sa mga naging matinding hadlang sa aking pag-aaral.
Sa kabila ng lahat, ang walang katapusang suporta naman ng aking mga magulang ang aking naging dahilan para pagsumikapan ang aking pag-aaral. Naaalala ko pa noong high school, para makasali ako sa mga contest kailangan pang isangla ng aking ina ang kanyang hikaw na souvenir niya pa mula sa kanyang pagtatrabaho noon sa abroad.
Minsan ay ibinebenta ang alagang baboy at mga palay galing sa pagsasaka para makasali ako sa mga workshops. Kaya naman sinusulit ko ang ganitong mga oportunidad at sinisigurado ang aking pagkatuto. Namulat man sa pait na dala ng kahirapan, ang ambisyong makaraos sa ganitong uri ng buhay ang aking naging pangunahing layunin simula sa pagkabata.
Kalaunan, nang mapabilang ang aming pamilya sa 4Ps, naging malaking tulong ito upang maitaguyod ng aking mga magulang ang pag-aaral naming magkakapatid. Ang cash grants ang aming naging sandalan sa tuwing ang aking pamilya ay naghihikahos sa hirap ng buhay. Ipinambibili ng pagkaing pambaon, uniporme, at mga gamit sa eskwelahan. Naging malaking bahagi ito sa aming pag-aaral lalong-lalo na noong high school ako. Ang hirap ng buhay ang siyang nag-udyok sa akin upang mas lalong pagsumikapan ang aking pag-aaral.
Nang nagtapos ako sa high school, nawala na rin ang cash grants para sa akin. Nag-aaply ako bilang iskolar ng Department of Science and Technology (DOST) at swerte na nakapasa na rin. Nag-enrolled ako sa Central Philippine University (CPU) sa Iloilo City ng Bachelor of Science in Secondary Education major in Science. Ang apat na taon na aking iginugol sa pag-aaral ay nagbunga ng ako ay nagtapos bilang Summa Cum Laude.
Nag-review ako agad para sa board pagkatapos ng graduation. Naaalala ko noon na napanood ko pa ang balita sa TV Patrol ang tungkol kay Ma’am Iah Seraspi na Top 2 noong LET 2015. Ako ay manghang-mangha sa kanya at hindi ko itatangging pinangarap ko din na maging kagaya niya. Hindi ko malilimutan ang kanyang mga katagang nakatatak sa aking isipan magpahanggang ngayon, “My stomach may be empty, but you will definitely see the capacity of my brain.” Tila nakahanap ako ng taong magiging role model ko sa aking tatahaking landas.
Paglipas ng mga taon, hindi ko inakala na makakadaupang palad ko si Maam Iah bilang lecturer ng aking review center. At dito napukaw muli ang aking pangarap na maging topnotcher. Pinanghihinaan man ng loob dahil kahit ni minsan ay hindi ako nag top sa mga pagsusulit habang nagrereview pero sa kabila neto ay ipinagpatuloy ko pa rin ang aking pagrereview ng maigi.
Sa ngayon, walang katapusang pasasalamat sa Panginoon at sa lahat ng taong naging bahagi ng aking tagumpay ang aking nadarama. Katuwang ang 4Ps, aking napagtagumpayan ang hirap sa pag-aaral. Namulubi man ako habang tinatahak ang daan tungo sa pagkamit ng aking mga pangarap, walang katumbas na biyaya naman ang naging kapalit neto ngayon na lumabas na ang resulta at ako ay mapalad na napasama bilang topnotcher.
Tama nga ang kasabihang, “mas matamis ang tagumpay mula sa mapait na paglalakbay.” I am and will forever be indebted to everyone who has helped me make it this far. This success is yours, too.