Testimony ani Meriam S. Nalangan
Benepisyaryo ng 4Ps
Cum Laude
LIBACAO, Aklan – “Ang pinakamahusay na paraan upang tukuyin ang iyong hinaharap ay sa pamamagitan ng paglikha nito,” ito ang pananaw sa buhay ni Meriam S. Nalangan na nagtapos sa kolehiyo bilang Cum Laude.
Hali kayo at basahin natin ang kanyang kwento na talagang magbibigay inspirasyon sa bawat isa sa atin lalo na sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Naniniwala ako na ang aking pangalan ay nagpapahiwatig ng maraming bagay– isang malakas, matapang, at mandirigma. Eksaktong-eksakto sa kung ano ang tingin ko sa aking sarili. Hindi ako mahina at kaya kong gawin ang lahat kung gusto ko. Para sa akin, ang tagumpay ay sa pamamagitan ng pagpili. Kung pipiliin mong magtagumpay, malaki ang posibilidad na ikaw ay magtatagumpay.
Bago pa man ako nagtapos sa kolehiyo, marami na akong naranasan sa buhay. May mga pagkakataon na ayaw ko na lang bumangon dahil parang wala akong magandang dahilan para simulan ang bawat umaga. Mahirap kami at saksi ako sa paghihirap ng aking mga magulang na palakihin kaming anim na magkakapatid. Ang Mama ko ay namamasukan bilang kasambahay habang si Papa ay suma-sideline bilang karpentero. Dahil anim kaming magkakapatid sa isang pamilya, hindi ko alam kung paano kami nabubuhay sa araw-araw. Ang alam ko lang, gusto ko ng matapos lahat ng paghihirap namin. Gusto ko ng matapos ang paghihirap ng mga magulang ko. Pareho silang hindi nakatapos ng high school kaya hindi sila makapagtrabaho ng may mataas na suweldo. Kaya, pinangarap kong maiangat ang aming pamilya mula sa lugar kung saan kami naroroon.
Ang tanong, paano ko gagawin iyon? Kung kahit sa sarili kong pangarap ay pinanghihinaan ako ng loob. Hanggang sa dumating ang araw, ang 4Ps ay nilagdaan ng ating Pangulo. High school ako nang ang aking ina ay nakapasok at natanggap bilang isa sa mga benepisyaryo. Bilang benepisaryo ng 4Ps, sinubukan ko talaga na mag-aral ng mabuti at magamit sa tamang paraan ang grants na binibigay ng gobyerno para sa mga mahihirap na pamilya na tulad namin.
Alam mo kung ano ang hindi nakakatuwa? Ayokong umalis si Mama para magtrabaho sa malayo dahil nalulungkot ako kapag wala siya pero kailangan kong tiisin dahil wala kaming kakainin kung hindi niya gagawin iyon. Pero, nang naging benepisyaryo kami ng 4Ps nanatili siya sa bahay para alagaan kami. Hindi na rin kami gaanong nahihirapan sa pagbili ng aming mga proyekto at gamit sa paaralan dahil sa pinansyal na tulong ng 4Ps.
Unti-unting naging maayos ang lahat. Simula noon, ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang maging mahusay sa paaralan. It was a success dahil kahit Distinction Award at Best in Filipino lang ang nakuha ko, at least pinaghirapan ko.
Maayos ang aming buhay hanggang sa dumating ang mga bagay na sumubok sa aking katatagan. Lahat na aming ari-arian at mga gamit ay natangay ng baha na umapaw sa ilog ng bayan ng Libacao dahil kay Bagyong Yolanda. Halos nalubog ang lahat na kabahayan sa aming bayan at isa kami sa mga pamilya na apektado. Halos gumuho na rin ang aming mga pangarap dahil tanging mga sarili at importanteng dokumento lamang ang aming naisalba.
Pagkatapos ng bagyo, hiniling sa akin ng aking nakakatandang kapatid na tulungan siya sa kolehiyo. Magkasabay na kaming tatlo—Gemma, Mariel at ako na papasok ng kolehiyo pero dahil sa pakiusap ng aking nakakatandang kapatid na siya muna ang uunahin, isinantabi ko ang sarili kong pangarap. Huminto ako sa pag-aaral at nag-sideline para matulungan siya at iba pang mga kapatid.
Naiingit ako sa mga kaklase ko sa high school noon kasi nakakapag-aral sila ng college na walang sinasakripisyo. Ngunit sa akin bakit kailangan ko mag-tiis sa hirap ng buhay. Hanggang sa napunta ako sa mas mabigat na problema. Sa madaling salita, nabuntis ako ng maaga. Naging mapusok ako sa murang kong edad at napasubok sa buhay. Nang nakilala ko ang ama ng aking anak kami ay napahantong sa isang bagay na nagturo sa akin ng leskyon at lalong nagpahirap sa aking sarili, sa pamilya at sa mapanghusgang mundo. Ngunit tiniis ko ang lahat para sa kinabukasan ng aking anak at para sa aking sarili. At aking napagtanto na hindi lamang iikot ang mundo ko sa nangyari sa aking buhay ko. Minsan ko man nakalimutan ang aking pangarap pero namulat naman ako sa realidad ng buhay. Minsan man ako nadapa pero pinilit kung bumangon.
Gayunpaman, dahil pursigido akong ituloy ang pangarap ko sa gitna ng pagkakaroon ng anak, sinubukan ko pa ring ayusin ang lahat. Ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral at ipinangako ko sa aking sarili na gagawin ko ang lahat, ipapakita ko sa mga tao na hindi ako talunan. Maaabot ko pa rin ang aking mga pangarap, layunin at adhikain sa kabila ng lahat na nangyari sa buhay ko. Sinubukan kung maging matatag, ang aking oras ay naka-ikot at binuhos ko lamang sa aking munting anghel at sa aking pag aaral. Nandoon lahat na tiyaga sa pag-aaral at tiyaga sa responsibilad bilang isang batang ina sa aking anak. Magpuyat sa magdamag sa aking anak tuwing may sakit at kasabay pa ng aking mga exams.
Nakapagkatapos ako ng apat na taon sa kolehiyo na sobrang pagod pero ka aya-aya naman.
At sa wakas, masasabi kong ako pa rin ang nagdidikta ng aking kinabukasan. Hindi yung mga taong walang ginawa kung hindi manghusga. Sa wakas dumating ang hinihintay ko Hulyo 11, 2022, nagtapos ako ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in English bilang Cum Laude sa Aklan State University Banga Campus. Masaya at proud ako sa aking sarili na nalampasan ko ang lahat ng hirap at ako ay nagtagumpay kasama ko ang aking anak.
Pasalamat ako sa aking pamilya na nagbigay lakas at suporta sa akin lalo na sa aking nakakatandang kapatid na ngayon kay guro na sa isang pribadong paaralan dito sa Libacao at sa isa ko pang kapatid na guro na rin sa isang pampublikong paaralan dito rin sa bayan. May tatlong kapatid pa ako na nag-aaral sa ngayon habang dalawa dito ay minomonitor ng programa.
Sa ngayon, naghihintay na rin ako ng resulta ng board examination habang nag-aaply na rin ng trabaho. Dalawa na rin ang aking anak at nagpaplano kaming magpakasal ng aking kasintahan pagkatapos ng kanyang pag-aaral. Supportado naman kami ng bawat pamilya namin at gusto rin namin na bumuo ng pamilya galing mismo sa pinagpaguran namin.
Minsan nakasalalay ang kinabukasan ng isang tao sa kanyang piniling landas. Pinili kong makapagtapos, at heto ako ngayon. Ito ang aking kwento—taong nabigo at tumigil ngunit, hindi nanatili kung saan ako dinidikta ng mga tao. Ako ang piloto ng aking buhay. Pinatunayan ko at nagtagumpay ako. (Ipinasa ni Municipal Link Loui D. Rivera ng Libacao, Aklan POO)