Testimony ni Christine Joy M. Mondejar
Belison, Antique
BELISON, Antique – Isa kami sa tipikal na mahirap na pamilya. Apat kaming magkakapatid, lumaki kaming lahat sa hirap. Ang bahay namin ay isang maliit na kubo na nakatirik sa hindi naman naming sariling lupa sa Rizal St. Brgy. Poblacion, Belison, Antique. Dahil sa hirap ng buhay, pagkatapos ko makagraduate ng high school kailangan kung magtrabaho bilang kasambahay para makatulong sa mga nakababata kung kapatid na noon ay nag-aaral pa lamang sa high school.
Naranasan kong mainggit sa kaklase ko dati sa highschool na nagpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo. Kaya tinatak ko sa isip ko na makapag-college din ako at makapagtapos ng pag-aaral. Marami din akong pinasok na trabaho at pinagdaanan na hirap sa pagiging kasambahay, sabi nga nila wala talagang madaling trabaho ngayon, lahat pinaghihirapan. Heto din ang aking paraan para makaipon ako at maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Tama nga sila para maabot mo ang pangarap mo kailangan mo magsakripisyo at magtiis, pagiging pursigido sa trabaho at pagsumikap sa buhay.
Noong 2013 umuwi ako sa Antique galing sa pagiging kasambahay sa Manila dahil naisipan kong mag aral. Sa taong rin iyon naging benepisyaryo kami ng 4Ps. Ako ang panganay sa aming apat na magkakapatid, ang sumunod sa akin na lalaki ay si Roger Jr. na nagtatrabaho noon sa bentahan ng tubig sa Manila pagkatapos niya ring mag-high school. Pangatlo sa amin si Novelyn at kasalukuyang nasa 2nd year college sa University of Antique, at ang aming bunso namin na si Jake ay Grade 1.
Walang permanenteng trabaho ang aking mga magulag. Si Ama ay maliit lamang ang kita bilang pagtitinda ng isda at si Ina naman ay kasambahay rin malapit lang sa amin para mabantayan ang bunso. Pero sa awa ng Diyos sinagot ng Tita Mary Ann ko ang paunang tuition ko sa college at kumuha ako ng kursong Bachelor of Science in Elementary Education Major in Preschool sa University of Antique. Si Novelyn naman ay swerting napabilang sa Extended Student Grant-In-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) scholar ng Commission on Higher Education (CHED).
Isang malaking tulong ang scholarship program ng CHED sa aking kapatid lalo na libre lahat na bayarin sa paaralan. Kaya malaking tulong ang free tuition sa aming magkakapatid kasi ang nakukuhang allowance ni Novelyn ay hinahati niya ito sa akin para may pang allowance kami kaya kada walang pasok tumutulong kami sa paglalaba at paglilinis ng bahay sa kanyang boss.
Ok na sana kahit mahirap kami kasi nasosolusyonan at madidiskartehan iyon ni Ina kaso ang pinakamahirap pa ang pagiging lasenggero ni Ama. Pilit naming siya inuunawa kahit hindi niya kami sinusuportahan sa aming pag-aaral. Sapagkat naging motibasyon namin ito para pag-igihan at pag-butihan pa namin ang aming pag-aaral. Kahit gipit kami sa allowance hindi namin naisipan na huminto sa pag-aaral dahil ginagawa ni Nanay ang lahat para bigyan kami ng pang allowance.
Dahil din sa pagtiis at tiyaga namin noong March 2017 sabay kaming nagtapos ni Novelyn sa kolehiyo. Habang naghahanda kami sa darating na Licensure Examination for Teachers (LET) para sa September 2017 nagtrabaho muna ako bilang tutor at yaya para may pang bayad sa gastusin habang nagrereview sa Iloilo. Dahil sa tiyaga sa review at pananalig sa Diyos nakapasa kaming dalawa sa LET.
Sa kasalukuyan ako ay nag-aaplay sa DepEd Antique habang nagtatrabaho bilang Job Order sa opisina ng ng Local Civil Registrar sa LGU Belison para kahit papaano makatulong ako sa aking mga magulang habang si Novelyn ay dalawang taon ng ganap na nagtuturo bilang Teacher 1 sa Rosario Elementary School sa Cavite. Ang kapatid ko naman na si Roger, Jr. ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang warehouse boy sa isang fast food company sa Quezon City. Samantala ang bunso namin na si Jake na huling minomonitor ng programa ay kasalukuyang nasa Grade 10 sa Belison National School.
Isa ang aming sambahayan na napabilang sa Listahanan-Noon-Poor at isa ring mapalad na nagtapos sa programa noong January 25, 2023. Ang tulong ng 4Ps ay naging malaking tulong at pribilihiyo dahil hindi lahat ng katulad naming mahirap ay mapabilang sa programa tulad nito at sana marami png mahihirap na pamilya ang matulungan ng programa. Si Nanay ay tumigil na sa pagiging kasambahay at tumutok na sa isang maliit na sari-sari store sa aming bahay sa Core Shelter ng Brgy. Mojon Belison.
Nabibili na namin ang mga pagkain at gamit na dati pangarap lang naming bilhin. Ang masasabi ko lang talagang may awa Diyos, basta sipagan lang natin sa buhay. Hindi man kami yumaman at least hindi na namin makikita na nahihirapan ang aming mga magulang sa pag hahanap ng pagkain nila araw-araw.