Testimony ni Ma. Jenna C. Caimpon
4Ps Parent Leader
Leon, Iloilo
ILOILO – Bawat nilalang dito sa mundong ibabaw ay may kanya kanyang kwento ng buhay. Mayroong masaya, malungkot at masilamuot ngunit kahit ano pa ito ay dapat nating harapin.
Ako po si Ma. Jenna Caimpon, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Barasan Leon, Iloilo. May asawa at may tatlong anak na babae. Ang aking tres Marias na bunga ng pagmamahalan namin ng aking esposo na si Noel at kayaman naming mag-asawa. Hindi kami mayaman sa pera ngunit mayaman naman ang aming sambahayan sa pagmamahal. Ang mga aral na ipinamana sa amin ng aming mga magulang ay siya naming puhunan upang malampasan at harapin ng matatag ang mga pagsubok na dumadating sa aming buhay.
Tatlo kaming magkapatid na babae at nahirapan kaming ipagpatuloy ang hanapbuhay na kinagisnan namin, iyon ay pagsasaka. Wala kaming sariling lupa kaya napilitan kaming masaka sa lupa ng iba. Mabuti na lamang na ang aming mga asawa ang siyang nagpatuloy sa trabaho na iniwan sa amin ng aming mga magulang.
Ang pagsasaka ngayon ay napakahirap. Hindi mo alam kung may aanihan ka o wala dahil kahit anong ingat mo may mga panahon talaga na lugi pa kami. Mabuti na lamang at may iba pang kakayahan ang aking asawa. Maliban kasi sa pagsasaka, marunong rin ang aking asawa mag karpentero. Madiskarte rin kami sa pamumuhay, lahat na trabaho na kaya namin ay amin pinapasukan.
Swerte rin kami na nakapasok sa 4Ps dahil sa cash grants napa-aral namin ang aming tatlong mga anak. Naging Parent Leader rin ako sa aming barangay kung saan naging aktibo ako sa aming komunidad lalo na sa Family Development Session (FDS).
Nagtutulungan kami ng asawa ko pero hindi sapat ang aming kita sa pag-aaral ng aming mga anak. Ang panganay naming anak na si Mary Claire ay pinag-aral ng kaniyang tiyahin sa Cabalum College bilang Business Administration Associate pero hindi siya nakapagtapos. Nakapagtrabaho siya bilang sales lady ngunit nahirapan siyang maghanap ng trabaho na may mataas na sahod dahil palaging hinahanap na qualification ay 4-year course. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil maaga siyang nag-asawa sa edad na 21. Meron na kaming isang apo na lalaki.
Ang pangalawa naming anak ay si Noela Jenn. Dito kami nagsimula na nakapasok sa 4Ps dahil minomonitor siya ng programa. Malaki ang tulong ng cash grants sa kanyang pag-aaral at sa aming sambahayan lalo sa kalusugan. Nakapagtapos si Noela ng Bachelor of Science in Agriculture major in Agricultural Education sa ISAT-U Leon Campus bilang Magna Cum Laude. Sa kasalsagan ng pandemya dulot ng COVID-19, pumunta siya sa Manila para humanap ng matatrabahuan at makapag-ipon ng pera para sa kanyang board exam. Naantala man ang pagsusulit ng ilang taon pero nakakuha naman siya ng Licensure Examination for Teachers noong Disyembre 17, 2022 at swerting nakapasa. Sa ngayon nagtatrabaho siya pa rin sa Manila at naghahanap ng maayos na trabaho sa pampublikong paaralan.
Ang bunsong anak na si Jennoela ay Grade 10 sa ngayon sa Leon National High School. Walong taon ang agwat nila sa ikalawang anak ko kaya medyo nahirapan kami mag-adjust uli. Pasalamat kami na naipasok rin siya sa programa at nag-iisang minomonitor ng programa hanggang ngayon.
Sa mga oras na kami ay libre, nagtatanim kami ng mga gulay at binebenta sa aming barangay. Meron rin kaming mga alaga na baboy at mga native na manok bilang alternatibo na pangkabuhayan. Malaki rin ang tulong ng aming kita para sa pang araw-araw naming mga gastusin.
Kasalukuyan kaming lumalaban sa hamon ng buhay. Alam kung malampasan namin ito dahil marami kaming natutuhan sa program na labis naming ikinatutuwa dahil inihahanda na kami ng programa sa bagong yugto ng aming buhay. Ano mang oras alam ko magtatapos na kami sa programa at handa na rin kami. (Ipinasa ni Municipal Link Romila M. Calero, Leon MOO, Iloilo-Guimaras POO).