Testimonya ni: FO1 Juniper Jive S. Jauod
Benepisyaryo ng 4Ps
VALDERRAMA, Antique – Naalala ko ang kabataan ko noon yong mga panahon na ako ay nasa edad na sampu. Sama-sama kaming magkakapatid na naglalako ng paninda kasama ang aming ama at ina. Namulat ako sa ganitong kalagayan at hirap ng buhay.
Ang mahabang paglalakad araw-araw ay sumpa para sa akin. Kahit noong nag-aaral ako sa high school at kolehiyo ay patuloy akong lumalakad. Lagi kong itinatanong sa aking sarili noon kung bakit kailangan naming maglakad ng napakalayo papunta sa paaralan o kaya naman sa mga lugar kung saaan kami maglalako ng mga paninda.
Hindi ko lubos akalain na ang paglalakad ko ay paghahanda pala para sa ibat-ibang hamon ng buhay. Natuto akong magtiyaga sa buhay, magtiis at magsumikap. Gaya nga ng sabi nila, habang may kalsada kang tinatahak, tiyak may patutunguhan at ito ang nagdala sa akin sa mga lugar na hindi ko akalaing mapupuntahan ko.
Maliit pa ako pangarap ko talaga ang magsilbi sa Diyos bilang isang madre. Pero hindi ko akalaing mag-iiba din pala ang gusto ko maging paglaki ko. Noong high school, may bumisita sa amin na ahensya ng kapulisan at iba pang mga ahensyang ng gobyerno na kumakatawan para sa iba’t ibang kursong maaari naming pagpilian sa kolehiyo. Ang pagiging isang criminology ang napili ko. Kumuha ako agad ng entrance exam sa University of Antique noong May 2016.
Ngunit ang pananabik ko sa pag-aaral ay agad nawala nang hindi ako natuloy sa kolehiyo. Pinauna kasi ng mga magulang ko ang nakakatandang kapatid ko. Hindi nila kaya pagsabayin kami sa kolehiyo. Naintindihan ko naman iyon kaya nag-desisyon muna ako na magtatrabaho bilang kasambahay ng isang pamilyang Chinese. Magwawalong buwan na ako sa pinagtatrabahuan ko nang pinauwi din ako sa amin para paaralin.
Bumalik po ako sa University of Antique at pina process ang mga credentials na kailangan ko para maka enroll. Muntik lang ako maging teacher kasi ang pangalan ko na enrolled pala sa Special Education Program pero pinadelete ko at pinalipat sa Criminology Program. Mahirap ang gastusin sa kolehiyo lalo na nagbabayad kami ng full tuition dahil wala naman akong scholarship. Pero laking pasasalamat nang nakapasok ang pamilya namin sa 4Ps. Naging monitored child ako ng programa kasama ang dalawa ko pang mga kapatid. Nagkaroon kami ng cash grants at malaking tulong ito sa aming pag-aaral.
Dagdag pa dito nang tumuntong ako sa third year, nagkaroon ng free tuition sa paaralan at dahil dito naging aktibo ako sa mga aktibidad sa paaralan bilang homeroom officer, student government officer, at National Service Training Program (NSTP) officer. Naranasang manalo, matalo, mauna at mahuli. Alam ko na hirap na hirap na ako noon, maging ang pagsuko ay naisip ko na pero hindi pa ako nawalan ng pag-asa para umahon. Maraming mga bagay ang natutunan ko dahil hinubog ako ng mga karanasan ko na naging pundasyon ko sa buhay.
Sabi ko dati, hindi masusukat sa grado ang tagumpay ko kaya nagsumikap ako. Ginawa kong inspirasyon ang pamilya ko at mga hirap na dinanas ko. Nagtapos kami sa kolehiyo sa panahong ng pandemya dulot ng COVID-19. Kaya walang selebrayon maging ang mga Board Examinations ay hindi natuloy. Tatlong exams ng kanselado kaya October to December ng taong 2020 nakapagtrabaho ako sa Regional Trial Court ng Quezon Province. Hanggang December 2021 nang umuwi ako dito para kumuha ng exams. Hindi ako handa pero pinilit ko para matapos na ang matagal na paghihintay.
January 28, 2022 nang lumabas ang resulta at nakapasa ako. Doon po naramdaman kun gaano kabuti ang Panginoon para sa akin at sa pamilya ko. Umiyak ako sa tuwa. Pagkatapos noon ay nag-asikaso na ako ng aking License bilang Registered Criminologist at maging mga requirements para mag-apply sa gusto kong trabaho.
Nag-apply ako sa Bureau of Fire Protection (BFP) at swerting natanggap. July 1, 2022 ay nanumpa na ako sa trabaho at sumanay ng 45 na araw bago isalang sa trabaho. Lahat ng aking tagumpay ay alay ko sa aking pamilya lalo na sa aking ama at ina.
Para sa lahat na Nanay at Tatay, sana po lagi ninyong suportahan ang inyong mga anak sa anumang pangarap meron sila. Ang mga magulang natin ay wala pong ibang gusto kundi ang mapabuti tayong mga anak.
Saan man po tayo dalhin ng pangarap natin, huwag po sana tayong makalimot magtiwala sa plano ni Lord. Laging balik tanaw sa mga hirap na dinanas natin at sa mga taong sumuporta sa ating paglalakbay hanggang saan man tayo makakarating. Ang pinakamahalaga ang maging mapagpakumbaba sa ating kapwa, respeto at pag-unawa sa isa’t-isa.
Sa bumubuo po ng 4Ps na naging kasama po ng aming pamilya tungo sa pangarap at sa mga magulang na kasama ng nanay ko, salamat po ng marami at naging blessing po kayo sa amin. Nandito pa naman kami ngayon sa program dahil may isa pa akong kapatid na minomonitor pero kung magtatapos na rin kami sa programa,, habang buhay ko itong pasasalamatan sa ating gobyerno. More power at sana marami pa pong pamilya ang matulungan ng programang ito. Saludo po ako sa inyong lahat.//(Ipinasa ni Municipal Link Renabelle Vallega, Valderrama, Antique POO)