Testimonya ni 2nd Lt. Ronald C. Andres
Benepisyaryo ng 4Ps
ALTAVAS, Aklan – Maraming bagay na hindi nagkakaintindihan ang aming mga magulang kaya nagkahiwalay sila. Walong taon ako noon at panganay sa apat na magkakapatid. Sa Manila ako lumaki pero nang nagkahiwalay ang aming mga magulang, umuwi kami sa Aklan para dito na maninirahan kasama ang pamilya ng aking ama.
Lahat kaming apat na magkakapatid ay dinala ng aking ama dito. Nagtrabaho siya bilang construction worker. Ang bunso namin ay isang taon pa lamang kaya medyo nahirapan ang aming ama sa pagpapalaki sa amin. Swerte lang kami kasi may lola kaming nag-aaruga at nagmamahal sa amin higit pa sa pagmamahal ng tunay na ina.
Ako ay nakapagtapos ng elementarya sa Tibiao Elementary School at nakapagtapos ng sekondarya sa Lupo National High School. Nang tumutuntong ako sa kolehiyo, ako ay nag-enroll sa kursong Criminology sa Altavas College. Naging iskolar ako ng Tulong Edukasyon Para sa Kabataan ng Aklan (TEKA). Dagdag tulong pa dito nang nakapasok ang aming sambahayan sa 4Ps kung saan isa ako sa minomonitor ng programa.
Sa buong buhay ko na pag-aaral, sinisikap kong mag-aral ng mabuti kahit mahirap ang aming sitwasyon lalo na ang pagsabayin ang pag-aaral at trabaho sa bahay. Sabi nga nila na huwag sumuko sa pag-aaral hangga’t hindi sumusuko ang nagpapaaral. Nakita ko ang matinding sakripisyo at kayod kalabaw ng aming ama kaya ginawa ko lahat ng aking makakaya upang makapagtapos ng pag-aaral.
Minsan ay nakikisakay na lamang ako sa aking mga kaklase dahil halos walang may natira na baon ko para sa pamasahe. Naging suki rin ako ng silid aklatan dahil kulang ang pera ko pang research sa computer kaya tiyaga na lang muna sa mga aklat.
Mas lalong naging mahirap ang aming sitwasyon nang naghanda na ako para kumuha ng Board Examination. Dahil problema sa pera, e binenta ng Tatay ang kalabaw namin kahit pa buntis ito upang makapagreview ako sa review center. Alam kong mahirap ito para sa aking ama pero nakapagdesisyon na siya na ibenta ito. Hindi ko naman siya binigo kasi nakapasa ako sa Criminology Licensure Examination taong 2019.
Nag-apply agad ako sa Philippine Army at habang naghihintay ng balita, inilaan ko muna ang aking oras sa pagtulong sa aking ama sa pagtatrabaho sa construction, pagkokopra at iba pang gawain sa bukid. Ang aming perang naipon ay nailalaan sa pag-aaral naman ng mga kapatid ko lalo na kanilang mga baon.
Sa maikling kwento, naging opisyal na ako ng Philippine Army at ang kauna-unahang naging opisyal na army sa aming barangay. Ngayon, pinapaaral ko na ang aking mga kapatid, pinatayuan ng komportableng bahay at higit sa lahat binawi ang e benintang kalabaw sa pinagbentahan ni Tatay. Para sa dagdag tulong sa aking ama, binilhan ko pa siya ng isa pang kalabaw at motor para may magamit sa panghahatid sa aking mga kapatid.
Ako po ngayon ay isa sa naging graduate ng Officer Candidate School (OCC) Class 56- IKARIGATAK 2022 at kasalukuyang nag i-schooling ng Basic Officer Leader Course 3. Naging salungat man sa akin ang panahon noon pero lahat naman ay nakaya ko sa awa ng ating Panginoon. Malaking tulong ang cash grants na galing sa 4Ps kung anong meron kami ngayon. Proud ako na ako ay natulungan ng 4Ps. Maraming salamat DSWD. (Ipinasa ni Municipal Link Angellene Bagatnan ng Altavas, Aklan POO.