PANAY, Capiz – Simpling pangarap para sa kaayusan ng kanilang pamilya ang namayani sa puso’t-isipan ng isang ama na handang isakripisyo ang sariling kapakanan para sa mga mahal sa buhay at kapwa tao.
Ito ay sa katauhan ni Hon. Barangay Captain Hermogenes B. Bilan. Nagsimula sa isang mahirap na pamilya sa bayan ng Panay. Pagsasaka ang ikinabubuhay ng kanyang mga magulang. Bilang panganay nakikita niya ang kahirapan ng kanyang mga magulang upang maitaguyod silang limang magkakapatid. Sa kagustuhang makatulong sa mga magulang at sa nakababatang kapatid ay pinili niyang huminto sa pag-aaral. Sa murang edad namasukan siya sa isang pabrika sa Manila kung saan nagsusuplay ito ng brake tube. Tiniis niya ang dalawang taon para magpadala ng supporta sa kanyang magulang at mga kapatid.
Ang suporta na iyon ay biglang tumigil ng siya ay napaibig sa isang dilag. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan kaya nagdesisyon sila na magpakasal. Habang abala siya sa pagbuo ng kanyang pamilya, malaking oportunidad ang inalok ng kanyang kompanya bilang quality control sa Japan. Doon, naging maganda ang sahod niya at naipagpatuloy niya ang pagpapa-aral ng mga kapatid. Sa tulong niya, nakapagpatapos ang dalawang kapatid sa kursong guro at dalawa naman ang Computer Secretarial.
Taong 2005, isang dagok ng buhay ang kanyang naranasan, nalugi ang kompanyang kanyang sandigan para buhayin ang kanyang pamilya. Binawasan ang araw ng kanyang trabaho na nagresulta ng kahirapan sa bawat araw na dumadaan. Umuwi siya dito sa bayang pinagmulan upang doon ibuo ang kanyang pamilya. Biniyayaan siya ng tatlong anak. Lahat ng klase ng trabaho ay pinasukan niya tulad ng construction, gasoline boy, maging pagsasaka at pagiging laborer. Ngunit sa kasamaang palad siya ay nagkasakit ng tuberculosis at hindi makapagtrabaho.
Sa hirap ng buhay, ang kanyang asawa kasama ang bunsong anak ay umalis para umuwi sa Batangas at maghanap ng trabaho. Sa kalaunan, nabalitaan niyang na ang kanyang asawa ay nag-abroad at kaylan man ay hindi na umuwi sa kanila. Kinuha niya ang kanilang bunsong anak sa lugar ng kanyang asawa at inampon ito ng kanyang kapatid upang matulungan sa pag-aaral nito.
Bilang isang solong magulang, laking galak niyang na napabilang ang kanyang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2011. Dalawang anak niya ang napailalim sa pagsubaybay ng programa. Ang kanyang kabutihan at kakayahan sa pakikipagkapwa ay daan para siya ay hinirang bilang Parent Leader taong 2012-2013.
Ibat-ibang pagsasanay ang natamo ni Hermonenes mula sa DSWD at dahil sa kanyang mga karanasan ay tumaas ang pangarap niya na makatulong sa kapwa. Nahikayat siyang tumakbo bilang Barangay Kagawad ng kanilang barangay. Naipanalo niya ito at tumagal ng limang taon. Sa mga panahon na iyon, striktong ipinatupad sa regional office na lahat ng benepisyaryo ng 4Ps na naihalal bilang barangay opisyales ay mag-exit na sa programa. Boluntaryong nag-exit siya pero kahit hindi na siya naging Parent Leader ay patuloy pa rin siyang sumusuporta sa programa.
Makaraan ang ilang taon, nag-appeal siya na maibalik sa programa dahil sa base sa Household Assessment Form mahirap pa rin ang kalagayan ng kanyang pamilya at natugunan naman ito ng Departamento. Taong 2016 nagpatuloy ang kanyang 4Ps na para sa kanya ay isang malaking prebilihiyo sa mga mahihirap na tulad niya. Lahat ng natutunan niya sa Family Development Session (FDS) ay pinaghuhugutan niya kung paano maging responsableng ama at maipakita ito sa mga kasamahan at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Ang katayuan ng kanyang mga anak bilang mga honor students ay nagpapakita na isa siyang modelong ama na dapat tularan.
Makalipas ang dalawang taon, tumakbo siya bilang Punong Barangay sa kagustuhang makatulong sa pagbabago sa kanilang barangay. Nagawa niya at matagumpay na naipanalo niya ito. Masigasig siyang namumuno at binigay niya ang buong suporta sa pagpapatupad ng programa. Hindi man kataasan ang kanyang natatanggap na honorarium bilang Punong Barangay pero kung kailangan na mag boluntaryong mag-waive siya sa programa ay gagawin niya. Alam niya na sa kasalsagan ng pandemya na ating hinaharap sa ngayon dulot ng Covid-19, marami pang mga mahirap na pamilya ang mas nangagailangan pa na matulungan ng programa.
Masaya rin siya dahil kahit nasa pandemya, nagbunga rin ang kanyang pangarap at pagsisikap para sa kanilang barangay dahil may nakatalagang budget na P5M mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa closed-circuit television (CCTV) at pagpapatayo ng 2-storey Multi-Purpose Hall.
“Ang 4Ps ay malaking tulong sa kahirapan ng mga tao, lalo na sa pag-aaral at kalusugan ng mga anak. Ang FDS kung seryoso itong isaisip ng benepisyaryo, maging maganda ang pagpapatakbo nila ng kanilang pamilya at pagdidisplina sa mga anak. Sa pamamagitan ng edukasyon doon magbabago ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilya. Kaya masaya rin ako na naging institutionalized na ang programang ito kaya alam kong tuloy-tuloy ang ayuda para sa mga mahihirap,” sabi niya.
Noong December 9, 2022, nagtapos na ang pamilya sa programa dahil kaya na nila tumindig sa kanilang mga paa kahit walang ayuda na galing sa gobyerno. (Ipinasa ni Municipal Link Rachel B. Serojo, Panay, Capiz POO)