ILOILO– Nakatira lamang sila sa bahay ng kanyang manugang dito sa Iloilo City dahil wala silang kapera-pera pampagawa ng bahay. Araw-araw, naglalako si Joevel Baclagon ng taho para lamang maitataguyod ang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang limang mga anak.
Ngunit ang kahirapan sa buhay ang siyang nag-udyok kay Joevel para bumalik sa kanyang lupang sinilangan dito sa Brgy. Bagacay, San Rafael, Iloilo para magsaka. Mahirap man ang buhay bilang magsasaka pero naitawid naman niya ito dahil nadagdagan ang kanyang kita sa pamamagitan ng pagbebenta ng agri-chemical na mga produkto.
Maraming pagsubok pero nanatiling positibo sa buhay si Joevel at bilang isang relihiyosong tao, isinasabuhay niya ang katagang ayon sa taludtod ng Bibliya na, “Mahalin ang iyong Diyos ng buong puso, ng buong kaluluwa, ng buong lakas, at ng buong isip at mahalin mo ang iyong kapwa tao tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”
Hindi mapagkaila na ang kabutihan na taglay ni Joevel ay nagbunga ng magandang biyaya sa buhay nila lalo na nang nakapasok ang kanilang pamilya bilang benepisyaryo ng 4Ps taong 2012. Dahil sa 4Ps, nadagdagan pa ang pagiging aktibo at matulungin ni Joevel sa ibat-ibang aktibidad sa kanilang komunidad kung kaya taong 2018 nahalal siya bilang Barangay Kagawad at naging Chairman ng Peace and Order Committee ng kanilang barangay. Dito nagsimulang ayusin ni Joevel ang mga miyembro ng tanod at nagpasimuno upang magkaroon ng handset radio sa kanilang barangay sa tulong ng KALAHI- NCDDP para sa mabilis na pagtugon sa oras ng emerhensya.
Ang pagtulong sa kapwa ang laging nangingibaw sa puso ni Joevel kaya sa tulong ng isang kaibigan sa simbahan, nabigyan siya ng pagkakataon na makasali sa Advent Rescue Motorized Group (ARMG), isang rehistradong grupo sa Security and Exchange Commission (SEC) na ang Headquarter ay nasa Iloilo City. Sa matagal na pagbolunter, naging inspirado siya sa layunin ng grupo kung kaya nagsimula siya na magtayo rin ng pangkat o extension group sa bayan ng San Rafael. Doon nagsimula ang pagsasanay ng mga miyembro ng Basic Life Support at First Aid. Ang kanilang grupo ay boluntaryong tumutulong sa San Rafael Bureau of Fire bilang responder sa mga sakuna gaya ng aksidente sa kalsada, bagyo man o baha, sunog at iba pa.
Ang kanyang mga mabubuting ginagawa ay hindi maitago sa mata ng publiko kaya siya ay nanalo (4th rank) nang siya ay tumakbo bilang Sangguniang Bayan Member ng San Rafael noong May 2022 at kasalukuyang
Committee-in-charge sa Peace and Order, Public Safety, at Fire and Disaster.
Ang pamilya ni SB Joevel ay siya ring inspirasyon niya sa bawat buhay na kanyang pinahalagahan. Naging katuwang niya rin ang kanyang pamilya sa lahat ng kanyang mga serbisyong publiko. Sa katunayan, masaya niyang ibinabahagi na ang kanyang panganay na anak na si Jodah Faith ay isang 4th year na mag-aaral na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Hospitality Management (BSHM) at ang kasunod nito si Joydah Mae, isang 2nd year na kumukuha ng Bachelor of Science in Elementary Education (BSED). Samantala, ang pangatlo ay si Jeb Helian, Grade 11, si Jane Precious ay Grade 6, at si Joevel Jr., ay dalawang taon pa lamang.
Sa ngayon, ang pamilya ay nasa Level 2 pa lamang dahil mahigit sa limang buwan pa lamang nakaupo sa pwesto si SB Baclagon at inaasahan na magtatapos sa programa nitong taon.//Isinulat ni San Rafael Municipal Link Ruby Padilla ng Iloilo POO. MGC