Testimonya ni Elsie Apaitan Cawaling
Dating benepisyaryo ng 4Ps
CAPIZ – Ako si Elsie A. Cawaling, nakatira sa Barangay Bilao, Sapian, Capiz at nagtapos na bilang benepisyaryo ng 4Ps noong nakaraang taon dahil naging mabuti na ang aming pamumuhay.
Bago pa man ang lahat, gusto ko ibahagi ang aking kwento para makapagbigay naman ng inspirasyon sa mga mambabasa. Taong 1986, nang ako ay nag-asawa kay Eduardo. Masaya man kami pero napakahirap ng aming pamumuhay. Pansamantala kaming naninirahan sa aking biyenan dahil wala pa kaming sariling tirahan. Ang asawa ko ay nagtatrabaho sa kabilang bayan at minsan lang umuuwi ng bahay kaya minsan may mga bagay na hindi kami magkakaintindihan ng aking biyenan na babae at mga kapatid ng aking asawa.
Ayaw ko ng gulo kaya umalis kami sa bahay ng aking biyenan at doon gumawa ng bahay sa gitna ng guba t at doon kami nagsimula mangarap. Nagtrabaho kaming mag-asawa sa bukid para maiahon namin ang mahirap naming galagayan. Paglipas ng limang taon, nagkaroon kami ng limang anak at napagdesisyonan naming na bumaba sa bayan. Nagpatayo kami ng tindahan at karinderya pero hindi nagtagal pinaalis rin kami sa lugar dahil gagamitin na ang lupa ng may-ari. Nakahanap kami ng matutuluyan sa isang bakanteng lupa at para matustusan ang aming pang araw-araw na pangangailangan, naging manikurista ako.
Taong 2009, napabilang ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pamilya Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Malaking tulong ang programa para sa pag-aaral ng aking mga anak. Sa pamamagitan ng Family Development Session (FDS) namulat ako sa mga karapatang pantao, pagpapahalaga ng kalusugan at pamamahala ng mabuti sa aming kinita. Sa pamamagitan din ng Youth Development Session (YDS), maraming natutunan ang mga anak ko kung paano maging mabuting mamayanan at maging mabuting anak na may takot sa Diyos sa pamamagitan ng values formation na itinuturo sa amin ng Pastor bilang partner ng programa. Natutunan rin ng aming mga anak ang mga pagbabago sa physical at emotional sa aspeto.
Nagdaan ang mga taon, nadagdagan pa ng isa ang aming anak habang meron na rin kaming dalawang anak na nag-aaral sa kolehiyo. Sa tulong ng programa at sa paghihirap na tiniis naming mag-asawa, nataguyod namin ng mabuti ang pag-aaral ng aming mga anak. Araw-araw gumigising kaming mag-asawa ng alas dos ng umaga upang makabili at magbenta ng sugpo at alimango sa iba’t ibang bayan ng Capiz. Hindi naglaon nakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga anak.
Sa ngayon, ang nakakatandang anak namin ay isang Criminology graduate at kasalukuyang nagtatranaho bilang Military habang ang kasunod sa kanya ay nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management sa ngayon nasa Abu Dhabi, UEA nagtatrabaho sa isang paaralan. Ang ikatlong anak namin ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Education at doon nagtatrabaho na rin sa isang malaking hospital sa United Kingdom. Ang ika-apat na anak namin ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Criminology at kasalukuyang nagtatrabaho sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Capiz Branch. Ang ika-limang anak ko ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Electrical Engineering at nagtatrabaho sa Comit Telecom sa Iloilo City habang ang bunso ay kasalukuyang nag-aaral ng 1st year college at kumukuha ng Bachelor of Science in Civil Engineering sa Capiz State University.
Nagkasundo na rin kami ng aking biyenang babae bago pa man siya namatay at iba pang mga kapatid ng aking asawa dahil mas mainam ang magpatawad. Ngayon, gradwayt na ang aming pamilya sa programa at malaki ang pasasalamat namin dahil marami itong naitulong na maganda kung saan man kami ngayon. Naging kaagapay namin ang programa sa mga oras na walang-wala kami noon. Sana marami pang pamilya na tulad naming noon ang matutulungan pa ng programa. Sa kapwa kong benepisyaryo, laging gamitin sa tama ang cash grants para tulad namin maging matagumpay at makaahon din kayo sa kahirapan.
Sa kasalukuyan, nandito ako sa Dubai para magbakasyon sa aking anak na nagtatrabaho dito. (Ipininasa ni Municipal Link Annelou C. Lamatao of Sapian MOO, Capiz POO). MGC