Testimonya ni: Rica P. Vector
Dueñas, Iloilo
Benepisyaryo ng 4Ps
ILOILO – “Walang bagay na mahirap sa taong may pangarap. Walang bagay na imposible sa taong may pagpupursige. Karamihan sa atin ay may ibat- ibang pananaw sa buhay , kadalasan ay magkaiba rin ng paniniwala. Kahirapan kailan man ay hindi hadlang sa pagkamit ng pangarap na nais makamtan.”
Ito ang aking pananaw sa buhay kaya nais kung ibahagi sa inyo ang kwento kung paano ako nakipagpatintero sa hamon ng buhay at naabot ang aking pangarap.
Bata pa lang ako ay batid ko na ang kahirapan sa buhay. Apat kaming magkakapatid at ako ang panganay na anak ni Angelica at Remy Vector ng Brgy. Pader, Dueñas, Iloilo. Ang aking ina ay isang kasambahay. Sa araw at gabi niyang pagtatrabaho ay kumikita lamang ng apat na libo sa isang buwan. Ang aking ama naman ay isang magsasaka at minsan pa extra-extra bilang laborer.
Sa uri ng trabaho ng aking mga magulang mababa man ang tingin ng karamihan ngunit ipinagmamalaki namin sapagkat ito ay isang trabahong marangal. Mababa man ang sahod at kulang sa pang araw-araw naming pangangailangan subalit na sosolusyunan naman ng aking mga magulang. Utang dito utang diyan, halos lahat na ata ng lending ay pinasok ng aking ina. Nabaon man kami sa utang pero ang importante lahat kami makapag tapos ng pag-aaral.
Grade 4 ako ng kunin ako ng boss ni Mama para doon manirahan sa kanila. Sa kabila ng pagiging katulong ko ay hindi ito naging hadlang sa aking pag-aaral, bagkus ikinagalak ng aking puso sapagkat makakabawas ako sa gastusin ng aking mga magulang lalong lalo na sa araw-araw na allowance. Mahirap man ang maging katulong kung saan naranasan kong magtrabaho ng mga gawaing bahay na hindi ko pa naranasang gawin sa loob ng bahay. Ngunit dahil mataas ang pangarap ko lahat ng masasakit na salita ay tinatanggap ko pasok sa tenga at labas sa kabila. Sa pagtitiyaga at pagsusumikap ko ay natapos ko ang Elementarya ko bilang isang Honor Student at nakakuha ng iba pang parangal sa Batuan Elementary School dito sa amin barangay.
Sa pagtungtong ko ng high school, isa na namang hamon ng kahirapan ay ang distansya ng aming bahay papunta sa paaralan sa bayan. Napaisip ako kung kakayanin ba ng aking mga magulang na paaralin kaming tatlo ng sabay-sabay at makapagtapos pa kaya ako ng high school? Mga tanong sa aking isipan na hindi ko alam kung kaya ba itong sagutin ng aming kasalukuyang kalagayan sa buhay. Subalit ng tumuntong ako sa high school, isang magandang balita ang nag-aantay sa akin na isa ang aming sambahayan na nakapasok sa 4Ps. Laking pasasalamat ko at kahit papaano ay nakatulong ang cash grants sa aming pang araw-araw na gastusin sa paaralan.
Sa awa ng Diyos at sa aking pagpagpupursige ay natapos ko ang apat na taon sa high school sa Dueñas General Comprehensive High School. Sa aking pagtatapos sa high school napaisip na naman ako kung makakapagpatuloy pa kaya ako ng kolehiyo? Medyo mabigat na kasi sa bulsa lalo na sa tuition at boarding house. Saan na naman kaya kukuha ng panggasto ang aking mga magulang. Pero mabait ang Panginoon isang balita ang nagbigay sa akin ng kasiyahan ng nalaman kung isa ako sa pinalad na mabigyan ng oportunidad na maging isang iskolar ng Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Taong 2014 ng nagdesisyon ako na mag take ng entrance exam sa Iloilo Science and Technology University (ISAT-U). Nakapasa ako sa pagsusulit kaya nag enrolled ako sa kursong Bachelor of Science in Information Technology.
Bilang iskolar, kailangan kung pangangalagaan ang aking grado para hindi bumagsak at mapunta sa wala ang aking pinaghirapan. Malayo man sa magulang at namuhay ng mag isa ngunit kinaya ko dala ang mithiing matapos ko ang aking kurso, makapag trabaho ng maayos, mapag-aral ang aking mga kapatid at matulungan ang aking mga magulang.
Mahirap man subalit kinaya ko at hindi nagpatalo sa mga sinasabi ng ibang tao. Dedma lagi sa akin yang mga panliliit nila sa amin. Sabi ko sa sarili ko na balang araw papatunayan ko sa kanila na mali lahat ang sinasabi nila laban sa amin. Taong 2018, ako ay nakapagtapos ng aking kurso. Batid ko ang kasiyahan ng aking mga magulang habang suot-suot ko ang togang itim at hawak ang diploma na katibayan na kinaya at tinapos ang kursong pinili ko. Kita ko sa mga mata nila ang kagalakan na sa unang pagkakataon may anak silang nakapagtapos ng kolehiyo.
Pagkatapos ko ng pag-aaral naghanap ako agad ng trabaho para kahit papano ay makatulong sa magulang at mga kapatid. Natanggap ako bilang isang loan officer sa isang microfinance. Hindi man gaano kataas ang sahod subalit sapat na iyon para matustusan ko ang pag-aaral ng dalawa kung kapatid sa kolehiyo. Ang Mama naman ay nagdesisyong lumuwas ng Manila para maghanap ng trabaho dahil lumalaki na ang aming gastusin.
March 2020 ng nagkaroon ng pandemic dulot ng COVID-19. Dito nagsimula na maglockdown at natigil ako sa pagtatrabaho. Pero isang unos ang dumating sa buhay namin kung saan pinalayas kami sa kinatitirikan ng bahay namin. Kasunod ng mga panyayari na ito, gumuho ang aking mundo. Saan kami pupunta ngayon? Kasagsagan ng pandemya pero heto kami naghahanap ng masisilungan.
Mahirap pala pag wala kang sariling lupa dahil kahit anong oras mapapalayas ka ng walang kalaban laban. Lahat ng pagod ng aking mga magulang sa loob ng mahigit dalawampung taon sa pagpundar ng bahay ay biglang nawala at naglaho na parang bula. Kaya bilang panganay sa magkakapatid obligasyon kung tumayo bilang ina sa kadahilang malayo sa amin ang Mama.
Pinakita ko sa aking pamilya na malakas ako na kahit sa kaloob looban ko alam kong mahina ako at gusto ko ng sumuko. Umabot pa sa puntong nakiusap ako sa ibang tao nagmamakaawa para bigyan ng temporaryong mapagtayuan ng tirahan ang aking mga kapatid para kahit papano ay hindi na ma-stress si Mama. Sa awa ng Diyos ay dininig niya ang panalangin ko at nakahanap ng temporayong mapagtayuan ng bahay sa tulong ng isang tao na tumayo na ring pangalawa naming nanay. Sa kabila ng unos na dumating sa aming buhay hindi ako tumigil mangarap.
Marami mang pagsubok ang dumating patuloy parin akong lumalaban. March 2021 ng mag take ako ng AFSAT exam sa Philippine Army. Padalos-dalos man ang desisyon ngunit buo ang loob kung subukan baka sakaling palarin, at ng lumabas ang result lubos na ikinatuwa ko ng makita ko ang aking pangalan sa list ng mga pumasa. Tumulo ang luha ko sabay sabing Lord kung ito ang unang sign sana tuloy-tuloy na kung saan sa 2000 plus na examinees maswerte akong napabilang sa 600 na quota nila. October 2021 nagdesisiyon akong lumuwas ng Manila nag try akong mag-apply sa Philippine Navy at isang blessing na naman ng ako ay natanggap. Mahirap man e comply ang lahat na mga requirements dahil sa pinansyal na problema pero nairaos rin.
Sa wakas, June 2022 nang ako ay officially naging Apprentice Seaman ng Philippine Navy. Laking pasasalamat ko sa 4Ps ng dahil sa programang ito naabot ko ang aking pangarap. Ang unipormeng ito na suot ko ay simbolo ng lahat ng pagod at pagsisikap. Masasabi kong worth it lahat ng hirap na pinagdaanan ko. Hindi ako nagpatalo sa kahit anong problema na dumaan sa buhay namin kahit ilang beses man akong nadapa ay pinilit kong tumayo at magpatuloy sa aking mga pangarap.
At bilang pagtanaw ng isang malaking utang na loob sa gobyerno ako ay nangangakong magsisilbi at maglilingkod ng buong katapatan at handang magbuwis ng buhay alang alang sa ating bansa. Nawa’y maging ispirasyon sa inyo ang kwento at hamon ng buhay na dinanas ko at kahit ano mangpagsubok ang dumating sa ating buhay ay manatili tayong maging positibo sa pagharap nito. Walang mahirap sa taong may pangarap at ako ang isang malaking halimbawa na ito.
Ngayon, graduate na rin ang isang kapatid ko sa kanyang kursong Hotel Restaurant Technology habang ang isa naman ay magtatapos na rin sa taong ito bilang Bachelor of Science in Information Technology (BSIT). Samantala, ang aming bunsong kapatid na minomonitor ng programa ay nasa Grade 9 na./ Ipinasa ni Municipal Link Aireen B. Lamentillo ng Duenas, Iloilo POO