JANIUAY, Iloilo – Hindi pa sumisikat ang haring araw ay dilat na ang mga mata ni Helen Belleza ng Brgy. Patong-patong sa bayan na ito, para maghain ng almusal ng kaniyang mga anak upang may makain bago sila pumasok sa eskwela. Ginising ni Helen ang pinakamatandang anak na lalaki na si Bok para pakainin ang kalabaw at kambing bago ito pumunta sa eskwelahan. Kasama ang kaniyang dalawang babaeng anak, bitbit nila ang balde at galon ng tubig upang mag –igib ng maiinum. Lalakad pa sila ng 400 metro mula sa kanilang bahay papunta sa balon.
Ensaktong ala-sais y medya ng umaga ay tapos na ang trabaho ng bawat isa. Nagtipon na sila sa kawayang sahig upang paghatian ang kanilang pagkain. Kung nasa paaralan na ang mga bata ay naglalako rin si Helen ng isda, gulay, barbeque, at kung ano-ano pang mga kakanin. Minsan may pinapalaba ang kanyang mga suki kung kaya ang mga anak niya ang naglalako sa paaralan. Kayod kalabaw talaga silang magpamilya hindi lamang na sila ay isang kahig isang tuka, sa kabatiran ay kulang rin.
Tandang-tanda pa niya noon na gusto niyang mag-aral sa sekondarya ngunit sinabihan siya ng ama’t-ina na huminto na lang dahil hindi niya kaya ang mga aralin sa eskwela dahil mahina daw ang utak niya.
Ngayong may anak na siya, isinumpa niya sa sarili na hindi niya ito gagawin sa kaniyang mga anak. Gagawin niya ang lahat para mapa-aral ang mga ito at marating ang gusto nila sa buhay. Sa pagsisikap ng mag-asawa ay nagbunga nga ang kaniyang mga hinihiling. Laging nangunguna sa klase si Bok. Masaya sila kapag may natatanggap na medalya at ribbons ang mga anak tuwing katapusan ng taon.
Ngunit, hindi madali ang lahat para sa mag-asawa dahil ano man ang kanilang pagsisikap, hindi maiiwasan ang kanyang agam-agam kung paano niya matutustusan at mapagtapos sa pag-aaral ang mga anak. Nang tumuntong na si Bok sa kolehiyo, kailangan niyang magtrabaho bilang kasambahay para matustusan ang mga pangangailangan niya sa eskwelahan. Labag man sa loob niya ang mapalayo sa mga anak pero kailangan niyang gawin para makapag-aral rin ang isa niyang anak sa high school at tatlo sa elementarya. Ang tatlong libong sahod niya sa isang buwan ay malaki ang naitulong sa pamilya at sa kanyang asawa na nagtatrabaho bilang magsasaka at labor.
Noong 2011, dahan dahan na napabuti ang takbo ng buhay ng pamilya ng nakapasok sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Masayang-masaya sila dahil sa mga natatanggap na benepisyo mula rito. Maliban sa buwanang tulong-pinansyal ay naging aktibo rin siya sa mga aktibidades ng barangay. Ngunit kahit siya ay miyembro ng 4Ps hindi siya tumigil sa paglalabandera at patuloy paring kasambahay para matugunan ang mga iba pang pangangailangan ng kaniyang mga anak lalong-lalo na si Bok na nasa kolehiyo na noon. Hindi man nakapasok sa iskolar si Bok ngunit ang kahirapan ang nag-udyok sa kaniya upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kursong BEED major sa General Education sa West Visayas State University (WVSU). Nakatulong rin sa kaniya ang perang natatanggap mula sa 4Ps para mabili ang mga proyekto at panggastos sa kaniyang thesis. Habang nag-aaral, nag working student rin si Bok para makatulong sa pamilya. Nakapagtapos si Bok bilang Cum Laude at ginawaran ng unibersidad ng Service Awardee bilang Most Outstanding Student Assistant noong 2012.
Sino ang mag-aakala na ang anak ng isang labandera at kasambahay ay makapagtapos ng pag-aaral. Sa kabila ng katiting na tagumpay ay nagpatuloy ang kanilang buhay. Nang nakapasok na si Bok sa DepEd Public School System, ang una niyang ginawa ay magpakuryente at magpatayo ng bahay na gawa sa kawayan. Masaya ang ama’t-ina pati ang mga kapatid niya dahil sa unang pagkakataon ay lumiwanag ang kanilang gabi mula sa ‘kingki’ na ilaw. Nakabili na rin sila ng 12 inches colored TV at isang mesang gawa sa matibay na troso. Nadagdagan pa ang saya ng pamilya ng nakapagtapos rin si Inday, ang pangalawang pinakamatandang anak sa two-year course. Gayunpaman, kahit dalawa na ang anak na nakapagtapos sa kolehiyo, hindi nagtigil sa pagtatrabaho si Helen.
Lumipas ang ilang taon, si Tata naman ang nagtapos sa High School. Sa isang pangyayari hindi niya na abot ang gusto niya sa buhay. Nabuntis at nakapag-pamilya siya. Dismaya at pagkalungkot ang naramdaman, ngunit walang nagawa si Helen at Tatay Bong kundi ito’y suportahan lamang. Nagpatuloy sa pagsusumikap ang mag-asawa dahil alam nila hindi pa nakapagtapos ang dalawa niyang anak na sina Bebe at Beboy.
Ngunit, isang pangyayari na hindi inaasahan ng buong pamilya na sumubok sa kanilang lahat. Si Tatay Bong ay na-hospital at namatay dahil sa cardiac arrest. Sa pangyayaring iyon, hindi mabatid ng pamilya kung paano ipagpatuloy ang buhay. Napag-isipan ni Helen na tumigil na sa pagiging kasambahay sa kadahilanan na walang makakasama ang mga anak sa bahay. Sa tulong ng mga anak at paglalabandera ni Helen, unti-unting naibalik ang sigla ng tahanan ni Helen. Masaya at kuntento si Helen na namumuhay hindi lamang isang ina kundi isang gabay sa mga anak para sa buhay ay maging mas matagumpay. Ang kanilang tahanan ay napupuno lagi ng saya at ngiti kasama ang tatlong apo. Si Bok ay nakapagtapos ng Master of Arts in Education at sa panahong pangkasalukuyan ay tinatapos ang kaniyang Doctor of Philosophy sa WVSU. Si Inday at Tata ay mga OFWs sa Singapore at Saudi Arabia at siyang tumutulong sa mga gastusin sa tahanan. Ang dalawang nakakabatang kapatid ay nasa kolehiyo rin.
Ang kwento ng buhay ni Helen ay nagpapaalala na ang tagumpay ay nakadepende sa ating mga kamay. Pinanganak man tayong mahirap sa masalimuot na mundo, hindi ibig sabihin na kailangan nating maging mahirap sa lahat ng pagkakataon. Sakripisyo at determinasyon ay kailangan para makamit ang ambisyong inaasam-asam. Hindi madali ang pagkamit ng mga pangarap sa buhay ngunit hinding-hindi imposible dahil sa matibay na pananampalataya sa Diyos, tiyaga at supporta ng pamilya ang laging sandata.//