Testimonya ni: Leonah Joy Katimpo De Luna
Benepisyaryo ng 4Ps, Brgy. Manika, Libacao, Aklan
Ako po si Leonah Joy Katimpo De luna, 20 taong gulang, anak nila Lolita De Luna at Jouie De luna Sr. nakatira kami sa Sitio kabaya, Barangay Manika, Libacao, Aklan. Apat kaming magkakapatid at pangalawa ako. Ako ay kasalukuyang nag aaral sa Iloilo Doctors’ College sa kursong Midwifery. Nabibilang sa tribu ng isang Indigenous Peoples (IP) na Akeanon Bukidnon. Ang aming pamilya ay miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang aking ina ay isang Parent Leader (PL) nito.
Sa murang edad pa lamang ay nakagisnan na naming magkapatid ang hirap nang buhay dito sa mapaglarong mundo. Tanging pag abaka at pagsasaka ng palay lamang ang kinukunan ng pangkabuhayan ng aming pamilya.
Noong nasa elementarya pa lamang ako sa murang edad ay sinubok na ako ng mundo. Sa kadahilanan na tuwing pumapasok kami sa paaralan kinakailangan pa naming lakarin ang daan papuntang paaralan dahil ito ay may kalayuan. Kailangan naming lakarin at tawirin ang mga sapa, madudulas na daan at bangin na sa isang maling hakbang mo lang sa ilog ikaw pupulutin. Minsan, kailangan naming sumakay sa balsa para makatawid sa ilog kapag malakas ang ulan pero kung sobrang malakas ang agos ng tubig, sa paaralan na kami natutulog. Kung minsan naman, kailangan pa kami isa-isang bubuhatin ni Tatay para lang makatawid sa ilog.
Sa doon pa lamang na karanasan itinatak ko sa aking isipan na hindi habang buhay ganito ang pagdadaanan ng aking pamilya o ng aking komunidad. Nakapagtapos ako ng elementarya sa ganoong sitwasyon at nagtapos bilang isang Class Valedictorian. Kahit sa ganito lamang na paraan napasaya ko ang aking mga magulang sa nakamit ko ang tagumpay sa unang hakbang ng aking pag-aaral.
Sa pagtungtong ko ng high school kinakailangan kong humiwalay sa aking mga magulang. Napagdesisyonan nila na sa bayan ko na lamang ipagpatuloy ang aking pag aaral kasama ang aking kapatid na lalaki na high school rin. Nakikitira kami sa aming tiyahin. Pinapadalhan lamang kami ng aking mga magulang ng bigas at pang allowance. Sabi lagi ni Papa wala silang maipapamana na kayamanan sa amin kundi ang edukasyon lamang.
Ang aming pamilya ay kabilang sa miyembro ng 4Ps kaya malaki ang naitulong ng 4Ps sa pag aaral naming magkakapatid. Nadagdagan ang aming allowance at hindi na kami ginugutom. Lalo ko pang pinagbutihan ang aking pag-aaral pero may mga panahon na kinakapos ako sa aking allowance.
Naranasan kong manghiram ng pera sa kaklase dahil marami ang mga kailangang bayaran na proyekto, at walang baon din minsan kasi may ipapa photocopy pa na takdang aralin.
Mas lalong pa akong nahirapan ng apat na kaming magkakapatid ang nag-aaral sa high school sa aming bayan. Kailangan naming paghahati-hatian ang konting allowance para sa pagkain at iba pang gastusin sa paaralan.
Natapos ako ng aking ikalawang baitang na may mataas na grado at nakatanggap ng with honors. Isang hakbang na lang at makakamit ko na ang aking hinahangad sa buhay.
Sa pagtungtong ko sa kolehiyo, nagdadalawang isip ako kong magpapatuloy pa ba ako sa kadahilanang dalawa kaming magkokolehiyo ng kuya ko at may dalawang kapatid pa ako na nasa high school.
Sa hirap ng buhay ay naisip kong mukhang hindi makakaya ng aming mga magulang na pagsabayin kami sa pag aaral. Nagdasal nalang ako at pinagdasal ko na kong ano na lang ang ibigay ni Lord tatanggapin ko. Pagkaraan ng ilang araw may nagsabi sakin na may naghahanap daw ng iskolar ang Department of Health (DOH) sa kursong midwifery at ito ay libre lahat at may allowanace pa.
Doon nako nagsimulang mag process lahat ng requirements at sa tulong ng aming Municipal Link, napadali ang aking paghahanap ng requirements. Pagpunta ko sa Iloilo, takot ang aking nadama sapagkat hindi ko alam ang lugar na iyon pero dahil sa aking determinasyon, pinalakas nito ang aking loob upang harapin ang panibagong pagsubok ng buhay ko.
Pagdating sa Iloilo City, sumabak agad ako sa interview at ang tanging tumatak sa isip ko ay ang tanong sa akin ng Dean of Midwifery (Doc. Ormas) “Why did you choose Midwifery?” I answered: “As one of an IP member and our barangay is one of the farthest barangays in our municipality, I chose midwifery because I want to help not only to my family but also the people in our community to deliver their baby safe because until now “hilot” is still existing in our community.
Pagkatapos ng interview, naghintay ako ng resulta na umabot ng higit dalawang buwan. Nagsimula na akong kabahan dahil nag-uumpisa na ang klase sa ibang university at ako wala paring balita. Ngunit isang araw may tumawag sa akon… is this Ms. De Luna? Congratulations! You have passed the DOH scholarship, ang sabi ng tinig sa kabilang telepono.
Doon na nagsimula ang buhay ko bilang isang Midwifery student. Lumayo ako sa aking pamilya at tumira sa Iloilo City upang matapos ang mga hangarin. Kailangang lumayo pamilya upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Gayunpaman, buong pusong aking pinasasalamatan ang 4Ps dahil ito ang aming ka akibat at katulong sa aming pag aaral ng aking mga kapatid. Ang aming cash grants ay ginagamit ng aking ina sa tamang paraan para matustusan ang pangangailangan ng aming pamilya dahil di sapat ang kita ng aking ama sa bukid. Salamat Pantawid Program isa kang BIYAYA!
Sa kasalukuyan ay malapit ko nang matapos ang kursong Midwifery, dahil sa pandemic ay na antala ito para narin sa kaligtasan ko at ng mga kasamahan ko. Hindi pa dito nagtatapos ang yugto ng buhay ko.
“Owat Ginagaid sa Kapobrehon” (walang nananatili sa kahirapan) ito ay malaking kahulugan sa aking buhay sapagkat sabi nga nila, “Hindi mo kasalanan na ipinanganak kang mahirap, kasalan mong mamatay kang mahirap.” Sipag at tiyaga ang kailangan samahan pa ng panalangin ang aking sandata sa bawat pagharap sa mga hamon sa buhay.//Aklan POO