Testimonya ni Lalyn D. Dorado
Benepisyaryo ng 4Ps Panitan, Capiz
PANITAN, CAPIZ – Malaki ang pagbabago na ibinigay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa aming buhay sa ngayon dahil hindi ko po inakala na makaahon kami sa kahirapan.
Ako po ay taga Brgy. Tincupon, Panitan Capiz, 43 taong gulang. Ako at ang aking asawa na si Nelson ay biniyayaan ng limang anak.
Noong hindi pa kami benepisaryo ng 4Ps napakahirap ng buhay sapagkat mayroon kaming mga anak na kailangan pagpa-aralin, pakainin, at bibihisan. Kaming mag-asawa ay walang permamenting trabaho na pang tustos sa gastusin sa loob ng bahay.
Naranasan kong magtinda ng kahit anong pagkain or gulay na pwedeng ibenta para lamang makapera at may ipangbili ng bigas at isang latang sardinas para sa aming lahat.
Masakit sa isang ina at ama na makitang ganyan ang aming pamumuhay. Ang bahay namin ay maliit lamang gawa sa tagpi-taping materyales. Walang pagkakaiba kapag umuulan sa labas ganun din sa loob ng bahay.
Habang sinusulat ko itong kwento hindi ko mapigilan ang lumuha dahil kapag naaalala ko ang mga panahong iyon sadyang bumabalik ang alaala na dinanas namin noon.
Hanggang isang araw ay naging benepisaryo kami ng 4Ps. Ako at ang aking pamilya ay nabigyan ng pagkakataong mabago ang aming pamumuhay kahit paunti-unti lamang. Kauna-unahang pagkuha ko ng pera ay ibinili ko kaagad ng yero at iba pang materyales para sa aming bahay kahit papano ay mayroon kaming maayos na tirahan. Ang ibang pera ay binili ko ng bigas, gamit sa paaralan ng mga bata at vitamins.
Sa loob ng siyam na taon na pagiging beneficiary ko ay napag-aral ko ang mga bata sa magandang paaralan at nakapagtapos ng pag-aaral dahil na rin sa sipag at tiyaga.
Sa ngayon po, ang aking pangalawang anak ay isang seaman na. Siya po ang tumutulong sa aming lahat. Binilhan niya po kami ng tatlong hectarya na lupain para sa pagtatanim ng tubo o sugarcane, mga gamit sa sakahan, at dalawang tricycle na ipinagmamaneho ng aking asawa para mapagkakitaan rin namin.
Walang imposible sa Diyos kapag tayo ay may tiwala at pagmamahal sa kanya. Malaki ang naitulong ng programa sa amin lalo na sa pagsali sa buwanang Family Development Session (FDS).
Marami akong natutunan dito sa pamamagitang ng ibat-ibang topiko sa modyul na kung ano ang aming tamang gagawin at ang pagiging responsableng netizen sa panahon ng pandemya.
Nabigyan ding halaga ang aking mga karapatan bilang babae, at ng aking mga anak. Tinuruan din kami kung papaano magbudget nang tama ayon sa kinukuha naming cash grants.
Nagpapasalamat din po ako sa bumubuo ng programa at sa gobyerno dahil dito ay maraming mahihirap na pamilya ang natulungan at isa na po ang aking pamilya.
Para sa akin huwag isuko ang mga pangarap dahil sa kahirapan sa halip ay gawin itong inspirasyon para makamit ang mga pangarap. (Ipinasa ni SWA Rosana T. Bargo ng Panitan, Capiz POO)