Ako si Maritess Gumban, residente ng Brgy. Bitoon-Ilawod, Cuartero, Capiz, 43 taong gulang, may asawa at may tatlong anak. Ang aking pamilya ay kasalukuyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ako ay isang Parent Leader ng aming barangay.
Sa pagsisimula ng pagbuo ng aming pamilya ay sadyang hindi naging maganda ang takbo ng buhay namin. Maliliit palang ang aming mga anak kaya ramdam ko ang hirap ng pamumuhay.
Mahirap lamang kami at ang pagbubukal ng lupa ang nagsisilbing sandigan namin sa pang araw-araw na gastusin. Walang permanente trabaho ang asawa ko. Pagsasaka lamang ang trabaho niya kaya laging kulang ang budget namin sa loob ng bahay.
May mga pagkakataon na naranasanan naming pagkasyahin ang isang noodles bilang ulam naming. Kahit ang pag-gamit ng sabong panglabada ay siyang sinasabon namin sa katawan at buhok tuwing naliligo.
Nang dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nabigyan ako at ang aking pamilya ng pagkakataon na maging benepisyaryo ng programa. Unti-unting nagbago ang aming buhay dahil sa tulong pinansyal ng programa. Nakabili na kami ng gatas, vitamins, ulam at mga gamit sa paaralan ng aming mga anak.
Dumating ang panahon na nabigyan ako ng pagkakataon na magtanim ng sari-saring gulay sa aming bakuran. Habang dumadami at lumaki ang mga panamim ko, tinitinda ko ito sa mga kapitbahay at sa palengke tuwing Huwebes para may pang-tustos sa pangangailangan ng aking mga anak at sa pang araw-araw na gastusin sa loob ng bahay .
Nang makaluwag-luwag na sa pamumuhay ay naisipan naming mag-asawa na kumuha ng hulogang motorsiklo para maipamasada at magagamit bilang kargahan ng aming mga palay. Ito ang magandang paraan na naisipan namin para makadagdag at makatulong sa aming pamumuhay. Salamat rin sa aking kapatid na binigyan niya akon ng puhunan para makabili ng baboy para sa fattening.
Dumating ang programa ng Sustainable Livelihood Program (SLP), nagkaroon ng pagkakataon ako na makasali sa programa at isa sa miyembro ng Enterprise Capital Assistance (ECA) at nabigyan kami ng financial assistance na nagkakahalaga ng P9,500.00 para sa indibidwal na proyekto.
Ang natanggap kong pera ay siyang ginamit naming pandagdag puhunan sa aming Hog Raising project. Unti-unting umunlad at lumago ang aming baboyan. Kumakatay na rin kami ng baboy at tinitinda ito sa aming barangay. Dahil sa income namin, napapaayos na namin ang bahay, nabayaran na namin ng buo ang hulugang motorsiklo, at nakabili na rin ng refrigerator para sa aming negosyong baboy.
Bilang isang volunteer na PL, marami akong natutuhan sa Family Development Session (FDS) lalo na bilang isang responsableng maybahay. At dahil na rin sa programa natutunan kung maging proud sa aking sarili at sa pamilya ko.
Sa ngayon, ako at ang mga kapwa kong mga PLs, ay siyang nagtuturo sa aking mga kasamahan sa aming FDS. Marami akong natutuhan sa FDS tulad ng pagiging mapagkumbaba, matulungin sa kapwa, at pagiging malapit sa Panginoon.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pamamasada ng tricycle ng aking asawa at ako naman ay patuloy na pinapalago ang aming munting negosyong baboyan. Nakapag open account na rin kami sa Rural Bank na siyang paglagyan ng aming kinikita para magkaroon kami ng savings para may magamit tuwing emergency.
Malayo na ang kaibahan ng buhay namin noon kumpara sa ngayon. Sa pitong taon namin sa programa, malaki na ang ipinagbago ng pamumuhay namin. Isa lang ang sinisiguro ko, hinding-hindi na kami babalik sa kahirapan.//Ipinasa nina Municipal Link John Mark Christian Uychocde, at PDO II Gerlyn Castañales ng Cuartero, Capiz POO
Testimonya ni Maritess Gumban
4Ps at SLP beneficiary
Cuartero, Capiz