DINGLE, Iloilo – Bawat pamilya ay may kanya-kanyang kuwento. May masalimuot, malungkot, at masaya. Heto ang kuwento ni Ma. Teresa Nita Diorda ng Barangay Poblacion, Dingle, Iloilo.
Taon 2012 ng napabilang ang aking pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Malaking tulong sa amin na mapabilang kami sa 4Ps dahil sa panahon na iyon, asawa ko lang ang nagtatrabaho sa Hermont Hog Farm at may P100.00 na sweldo kada araw.
Tatlo ang anak namin at lahat ay nag-aaral. Maliit ang bahay namin gawa sa kawayan at kumukuha lang kami ng tubig sa poso. Mahirap ang pamumuhay namin kasi hindi lahat mabibili lalo na ang gusto ng mga anak naming.
Kaya kapag makatanggap ako ng cash grant binibili ko agad ng mga kailangan sa paaaralan ng mga bata. Hindi ako lumiliban sa aming Family Development Session (FDS) dahil marami akong natutunan para mapabuti ang aking tungkulin bilang ilaw ng tahanan.
Naging miyembro ako ng Sustainable Livelihood Program (Bread Making) noong 2017. Libre yong training hanggang sa natuto akong gumawa ng cake. Walang tulugan kapag maraming order pero kinaya para lang madagdagan ang aming puhunan. Pero bumigay yong katawan ko, napasma yong kamay ko kaya huminto ako sa pagtatrabaho sa bakery.
Lumipas ang isang taon, may isang taong nagmagandang loob na nagpahiram sa akin ng P5, 000 para capital sa negosyo. Nagpatayo ako ng maliit na tindahan sa tapat ng aming bahay at kumikita na ito. Pero dumating naman ang pandemya, at apektado ang aking negosyo. Kaya nag-isip kami ng asawa ko kun paano naming dagdagan ang puhunan para makabinta man lang kahit lockdown halos ang buong probinsya ng Iloilo.
Para may pandagdag sa paninda, alas singko ng umaga gumigising kami ng isa kung anak para lang manguha ng mga dahon ng alugbati at kamote sa may taniman ng tubo. Malakas ang benta namin sa mga gulay kasi sa mga panahong iyon tag-araw na at kasalukuyang sirado ang mga tindahan sa bayan.
Hindi makapunta sa bayan ang mga tao sa aming barangay pati na sa karatig barangay kaya sa amin sila bumibili ng mga gulay at iba pang paninda.
Maliban sa mga kapit-bahay ko na bumibili sa akin, ang ibang kababayan ko bumibili na rin sa akin para ibenta sa kani-kanilang lugar. Naging malaking tulong ito sa amin. Halos dalawang buwan naming ginagawa ang pagkuha ng gulay hanggang sa nakaipon kami ng halos P3,000 pandagdag sa puhunan para makabili ng iba pang pwedeng ibenta.
Ang anak kung kasama sa pagkuha ng mga gulay ay nagporsige at siya na lamang ang kukuha ng mga gulay para hindi mahirap para sa akin. Hindi nagtagal naka ipon siya ng P1,500. Idinagdag niya ang ipon sa puhunan naming at binili niya ito ng mga biskwit, kendi, chips, at iba pa. Ang panganay kong anak naman na may pamilya na, sila na ngayon nagtatanim ng mga gulay at doon na ako bumibili sa kanila para may income sila.
Naging magandang impluwesiya ito sa mga anak ko dahil kumikita kami ng pera galing sa pinaghirapan namin. Masarap sa pakiramdam ang nakikita mong unti-unti na kayong umuunlad.
Hindi man maganda ang epekto ng pandemya sa nakakarami pero may magandang dulot ito sa aming pamilya kun saan naging malapit kami sa isat-isat lalo na nagtutulong-tulungan.
Naging magandang ehimplo ito at nakita ko ang pagpursigi ng mga anak ko na makatulong sa aming pamilya.
Para lalo pang maudyok, minsan binigyan ko sila ng perang pambili kung ano ang gusto nila tulad ng mga damit, pagkain at iba pang gamit na talagang ikinatuwa nila.
Sa ngayon, masayang masaya ako sa nangyari sa amin. Nakapagpa ayos na kami ng bahay, nakabili ng mga gamit sa bahay, nakakabili na ako ng mga kailangan ng anak ko, nakabili na rin kami nang motorsiklo para makatulong sa pagbili nang mga paninda sa bayan.
Naging maganda at malaki ang gulayan nang panganay kung anak, at sila ang patuloy na nag supply sa tindahan ko. Malaking tulong din ito sa pamilya niya at lalong lalo na sa mga apo ko. Naging malaki na ang tindahan ko, maliban sa mga tinapay, softdrinks, at kendi, mayroon na kaming maliit na talipapa kung saan meron kaming tinitindang mga sari-saring isda, manok at baboy. Mayroon na ring kaming tinitindang ice cream dahil nakabili ako ng freezer.
Malaki ang PASASALAMAT ko dahil naging miyembro ako ng 4Ps. Marami akong natutunan, at nakuhang kaalaman sa ibat-ibang bagay sa pamamagitan ng FDS at sa pamumuhay sa pamamagitan ng SLP na nakapagbigay ng malaking katulong sa akin. Salamat sa Panginoon, dahil naging tulay ang 4Ps para makamit ko ang pangarap ko para sa aming pamilya./Isinulat ni Venus Alavarez, ML Dingle, Iloilo POO