NABAS, Aklan – Negra at pangit. Ito ang palaging tinatawag sa akin ng mga tao simula nang ako ay bata pa dahil sa aking anyo. Pangungutya na nagbigay sa akin ng lakas na loob na ipakita sa lahat ang aking kakayahan at pang loob na kagandahan.
Ako si Jamaica Venturillo, 19. Maitim ang kulay at kulot man ang buhok pero may malaking puso naman ako para sa aking pamilya at komunidad.
Ako ang panganay sa aming apat na magkakapatid. Si tatay ay isang bouncer sa Boracay resto at ang aking ina ay isang banig weaver. Konti lang ang kinikita ng aming mga magulang at kami ay namuhay ng simple lang pero masaya.
Naging maluwag ang aming buhay nang kami ay naging Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary noong 2011. Bilang isang 4Ps beneficiary, kami ay nakapag-aral ng mabuti at nakasali sa mga patimpalak dahil hindi na ito naging mahirap para sa aming mga magulang na ibigay ang pangangailangan namin sa paaralan.
Simula daycare hanggang elementarya, ako ay consistent top 1 at class valedictorian, President ng student council at palaging representante sa mga patimpalak tulad ng declamation, quiz bee at beauty contest.
Sa labas ng paaralan, mahilig ako sumali sa ibat-ibang beauty contest sa loob o labas man ng Aklan. Minsan nanalo, runner-up or minsan wala din ako natatanggap. Ang pagsali sa beauty contest ang nagbigay halaga at respeto sa akin. Napatunayan ko sa aking sarili na kaya ko din makipagsabayan sa mga mapuputi, makikinis at mayayaman na contestants.
Nakatulong din ako sa aking mga magulang sa pagsali ko sa mga beauty contest dahil ang aking premyo ay binibigay ko sa kanila upang makadagdag sa aming pangailangan araw-araw.
Noong 2018 ay nag-graduate ako sa senior high school na may mataas na karangalan sa aming batch at kasabay sa taong iyon, ako ay nanalong Lin-ay ng Culasi. Hindi naging madali ang pagsabayin ang aking pag-aaral at pagsali sa mga beauty pageant. Nakaya ko ang lahat dahil sa aking determinasyon at suporta ng aking mga pamilya.
Malaki ang pasasalamat ko sa 4Ps dahil ito ang nagbigay sa akin ng inspirasyon na mag-aral ng mabuti. Kasalukuyan ako ay 2nd year college at kumukuha ng Political Science upang matupad ang aking pangarap maging lawyer.
Patuloy pa rin ako sumasali sa mga beauty pageant at nanalo sa Miss Palawan South at Miss San Roque. Ako ay nag-aaral ng mabuti para maibalik ko ang tulong na binigay ng aking magulang at lalo na ang Pantawid program.//Aklan POO