Kilala siya bilang isa sa mga aktibong empleyado ng DSWD dahil sa kanyang taglay na talento lalo na sa hosting, pag-aawit, at pagsusulat. Pero higit sa lahat bilang Information Officer ng Disaster Response Management Division (DRMD), ginampanan ng mabuti ni Therese Fely Legaste ang kanyang papel bilang tagapagsalita ng ahensya lalo na sa oras ng sakuna o kalamidad.
Tulad na lang ng pagbibigay ng Technical Assistance sa mga local na pamahalaan ng Iloilo kung paano gumawa ng DROMIC Report bago pa man dumating si Bagyong Odette.
Sa kasagsagan ng bagyo, hindi siya nag-alinlangan na magtrabaho umagat’ sa gabi sa pagmonitor ng mga balita galing sa Local Government Units (LGUs) kung ilan ang mga apektadong pamilya at lawak ng pinsala sa kanilang lugar. Naging bahay na ni Therese ang opisina ng DSWD ng ilang araw dahil hindi na ito nakauwi sa kanilang bahay sa Calinog, Iloilo.
Ito ay kahit sa kabila ng kanyang medikal na kondisyon ay minabuti niya pa rin na magtrabaho sa Operations Center para maibigay sa medya ang tamang detalye o ulat sa kabuuang pinsala ng bagyo, relief augmentation, at iba pang serbisyo ng ahensya para sa mga pamilyang apektado ng bagyo sa Kanlurang Visayas.
Masigasig siyang gumagawa ng report, video at infographics para manatiling maayos ang mga datos na lumalabas sa publiko pamamagitan ng Western Visayas page at iba pang social media accounts. Dahil sa mga ulat ni Therese at sa tulong ng iba pa niyang kasamahan sa Social Marketing Section (SMS), maraming volunteers ang tumugon sa panawagan para makatulong sa repacking ng mga Family Food Packs (FFPs) sa DSWD Warehouse.
Para kay Therese ang pagtugon sa mas nangangailangan sa oras ng kalamidad tulad ngayon ay siyang prioridad ng ahensiya dahil may tamang oras para naman sa kanyang sarili. Nasa dugo na ni Therese ang pagiging may malasakit sa kapwa dahil sa kanyang mga magulang na naging lingkod bayan din. Ang kanyang ama ay isang retiradong pulis habang ang kanyang ina ay kasalukuyang empleyado ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO)./(Isinulat ni PDO II Thea G. Nopat)