ILOILO City – Sakay sa kanyang tricycle bilang kanyang service, binabagtas araw-araw ni Robelle Santianes ang 30 kilometro na kahabaan ng kalsada mula sa bahay nila sa Leon, Iloilo papunta sa DSWD Field Office VI sa Molo, Iloilo City para magtrabaho bilang Administrative Assistant II ng Regional Program Management Office (RPMO) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Pag-uwian naman sa hapon, namamasada pa si Robelle dahil may mga ilang ka trabaho siyang sumasabay sa kanya pauwi at doon na rin siya magpapatuloy ng pamasada sa kanilang bayan hanggang hating gabi. Ito na ang naging buhay may-asawa ni Robelle lalo na ng nagsimula ang pandemya.
Inaamin ni Robelle na malaki talaga ang naitulong ng kanyang tricycle sa kanyang hanapbuhay. Ito na rin ang nagseserbing karugtong ng kanyang paa saan man siya pupunta o makarating.
Tulad na lang ng siya ay agad ipinatawag ng opisina para mag augment sa warehouse para sa repacking at hauling ng Family Food Packs (FFPs) sa kalagitnaan ng Bagyong Odette. Kahit puyat sa katatrabaho dahil Sabado iyon, walang pag-alinlangan si Robelle na magreport. Sakay sa kanyang tricycle, maaga siyang dumating sa warehouse at nagtrabaho hanggang hapon. Pero dahil kulang ang staff na magdeliver ng goods sa Banate, Iloilo, siya ang inatasan na magdeliver mga 7 P.M. ng gabi kasama ang isa pang staff na si Lorjean Hagonoy. Nakabalik sila sa warehouse mga 10 P.M. na.
Balak na sana ni Robelle na umuwi para makapagpahinga naman, pero kailangan pang e deliver naman ang FFPs sa bayan ng Sibalom, Antique. Dahil nga siya ang duty as Warehouse Management Committee, kailangan niyang dalhin ang goods para maibigay agad sa mga apektado ng bagyo. Kaya kahit lampas 12 A.M. na, umalis siya kasama ang dalawa pang Pantawid staff na sina Rosalyn Lorde at Mary Grace Prieto papuntang Sibalom at dumating doon mga 3 A.M. na ng madaling araw. Tumulong rin siya sa hauling dahil limitado ang staff doon. Nakabalik sila sa warehouse 7 A.M. na ng madaling araw.
Pagod man pero masaya si Robelle na nakatulong siya kahit papano sa mga sinalanta ng bagyo. Hindi man siya nakapamasada ng ilang araw pero malaki ang pasasalamat niya na hindi nasira ang bagong pundar niyang bahay. Ika nga mas mabuti na siya ang tutulong kesa siya ang tutulungan./