Ako si Merilie E. Borlado, naninirahan sa Barangay Calimbajan, Makato, Aklan. Nakapag-asawa ako ng tubong taga Maynila ng siya ay nakapagtrabaho dito sa bayan. Nabiyayaan kami ng tatlong magagandang anak sina Yra Melody, Anthonette, Anna Mae at isang ikinupkup na batang lalaki si Mark Anthony na anak ng kapatid ng asawa ko.
Ang buhay naming magpamilya ay masasabi kong isang simple lamang pero masaya kahit merong kahirapan sa buhay. Nakakaraos naman sa pang araw-araw na pangangailangan at natutustusan din ang mga kailangan ng mga bata sa pag-aaral. Ang tanging hanapbuhay ng aking asawa ay pagtatanim ng gulay at palay. Kung walang trabaho sa sakahan, nagkakarpentero siya at kapag walang trabaho sa construction, sumasama siya sa mga katrabaho para mangisda sa dagat.
Meron  din kaming mga alagang manok at baboy.
Ako naman bilang ina at asawa ay umaalalay sa aking asawa kapag anihan ng palay. Isa din ako noong Volunteer Barangay Nutrition Scholar(BNS) sa aming barangay noong 2002 at Barangay Health Worker (BHW) noong 2004. Kaya meron rin akong konting allowance kahit papaano. Masaya at maayos ang naging buhay naming mag-pamilya. Kung may pagkakataon mang kinakapos kami, nariyan naman ang mga kapatid at magulang ko upang tumulong sa amin.
Masunurin, masisipag at matatalino ang aking mga anak. Sa musmos nilang edad ay nakakatulong na sila sa pamamagitan ng pagkakaroon ng disiplina sa sarili lalo na ang panganay na sir Mark Anthony at ang pangalawa kong anak na Yra Melody. Kapag nakikita nilang may ginagawa kami sa labas ng bahay, alam na nila na sila ang gagawa ng gawaing bahay. At pagdating namin natapos na ang mga gawain, nakaligo na din ang dalawa nilang kapatid at natapos na ang kanilang mga takdang aralin. Makikita mo nalang silang masayang nanonood ng telebisyon.
Taong 2009, nag-usap kaming mag-asawa tungkol sa kinabukasan ng mga bata. Nasa 4th year high school na ang adopted naming na si Mark noong panahon. Samantala, ang panganay ko na si Yra Melody ay 2nd year high school, si Anthonette ay Grade 6 at si Anna Mae ay nasa Grade 3. Ang sabi ng asawa ko kung papaano na lang ang mga bata na ito pagdating ng araw sapagkat humihina na ang ani ng palayan, at yong gulay naman ay halos hingiin nalang sa palengke dahil sa baba ng presyo. Kapag ang pagkakarpentero naman niya ang aasahan, hindi naman siya regular na trabahador at mura lang din naman ang sahod.
Kaya inimungkahe ko naman sa kanya na bakit hindi niya tanggapin ang alok ng kuya ko na mag-apply siya sa isang construction firm sa Maynila. Malaki ang sahod at may mga benepisyo pa sa kompanyang iyon. Ngunit laging ayaw ang kanyang naging tugon sa akin dahil ayaw niya daw mapalayo sa mga bata. Kaya ang naisagot ko lamang ay nasa sa kanya na kung ano man ang desisyon niya.
Isang araw umuwi ang aking kuya dito sa Aklan at hinimok si Antonio na sumama sa kanya pati na rin ang nakakabata kung kapatid. Pumayag naman siya at napagkasunduan namin na kapag summer na ay luluwas kami ng mga bata. Buwan ng Pebrero 2009 sila lumuwas. Naging maayos naman ang unang buwan na iyon, palagi siyang tumatawag tuwing gabi. Dumating na nga ang summer at kami naman ang lumuwas doon upang magbakasyon sa pamilya niya.
PAGSUBOK
November 2009, naaksidente ang nakakabata kong kapatid doon, nahulog siya sa building na ginagawa nila at nabalian ito ng kamay at kinakailangan niyang umuwi dito sa Aklan. Sa madaling salita naiwang mag– isa si Antonio sa trabaho bagamat nandoon ang aking kuya pero medyo malayo naman ang tirahan niya. Dito na nagsimulang hindi na sapat ang pinapadala niya sa amin, yong P5,000 kada akensi at katapusan ay naging isang beses na lang sa isang buwan at bumaba na nang bumababa hanggang sa wala na kaming natanggap. Kahit text o tawag wala na rin talaga.
Napakahirap sa akin dahil lima kaming kumakain at nag– aaral pa yong mga bata. Lalong masakit sa akin bilang isang ina na makitang malungkot at nagtitiis ang mga anak ko. Yong dating sagana at masayahing mga bata ay naging matamlay na. Sinabi ko sa kanila na huwag silang mag-aalala, ituloy lang nila ang pag-aaral ng mabuti dahil ako na ang bahala sa kanila, magtiis muna sila. Unti-unti ay nasanay na rin sila sa aming kalagayan at patuloy padin ang pag-aaral nila. Nariyan ang mga kapatid ko na tumutulong sa amin at lalo na ang magulang ko na umaalalay sa akin.
Pagkatapos ng high school ni Mark, pumunta na rin siya sa Maynila para doon magtrabaho kasama ang kanyang kinikilalang ama na dati kong asawa. Hindi na rin ako nakikibalita tungkol sa aking asawa kasi unti-unting kinakalimutan ko na ang mga mapapait na alaala sa kanya.
PAGBANGON
Taong 2011 ng maging benepisyaryo ako ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Napakalaking tulong sa akin at sa pamilya ko ang pagiging 4Ps. Unang una sa pinansyal, natutustusan ko na ang mga kailangan nang mga bata lalo na sa pag– aaral nila, nabibili ko na din yong gusto nilang kainin, nabibili ko na rin yong mga vitamins nila.
Napili akong Parent Leader ng Sitio namin. Ang depression ko ay positibong naibaling ko sa mga meetings at seminars. Dito ay marami akong nakakasalamuhang tao, naging busy ako at dagdag pa na palaging may activities yong mga anak ko sa school. Salamat sa 4Ps. Siguro kung wala itong programa nabaliw na siguro ako sa kakaisip. Natuwa ang mga magulang ko sa naging pagbabago ko. Nadagdagan ang kaalaman ko sa pananim at pag aalaga ng hayop dahil sa mga governmen
t agencies na tumutulong sa mga Pantawid na matutong mag tanim ng Organic Vegetables.
Sa tulong ng 4ps, naturuan kaming mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng mga bagay na magagamit namin upang maiangat ang antas ng aming kakayahan tulad ng paggawa ng organikong pataba, insecticide, wastong pag– aalaga ng native na manok at iba pa. May mga farm tools din silang ipinamimigay sa bawat miyembro ng SLP/Pantawid. Bilang solo parent, masaya ako at nagpapasalamat ako dahil naipagpatuloy ni Yra Melody ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo, kumuha siya nang kursong Bachelor of Science in Accountancy (BSA) sa paaralang Garcia College of Technology. Habang nag-aaral ang mga anak ko, ako naman ay patuloy sa pagiging volunteer na BNS at Parent Leader, naging Women’s President din ako sa barangay namin at isa din akong Vice Chairman of the board ng Makato Women’s Council. Naging member din ako ng iba’t ibang Non-Government Organization (NGO) tulad ng PINA (People Initiative Network in Aklan) taong 2012. Si Yra Melody ay nahalal bilang SK Kagawad at yung dalawa naman si Anthonette at Anna Mae ay naging aktibo sa simbahan bilang mga youth members. Malaking tulong sa akin ang Family Development Sessions (FDS) na ang bawat topiko namin sa sessions ay kinikwento ko sa mga bata at ipinapaalam ko sa kanila ang mga rights ng bawat bata at indibidwal.
Likas namang matalino sila kaya hindi ako nahirapang magpaliwanag. Pero hindi naging madali para kay Yra ang 4th year College. Nang second semester nagpaalam siya na hihinto nalang muna sa pag-aaral sa kadahilanang napakalaki ng gastosin sa mga aklat at tuition fee niya. Hindi ako pumayag sapagkat malapit n
a rin siyang makatapos subalit nag pupumilit siya. Nais niyang intindihin ko siya at suportahan ko na lamang. Huminto siya sa pag- aaral at namasukan nalang bilang service crew sa isang restaurant sa Boracay. Pagkaraan ng anim na buwan, nagtapos ang kontratara, nag apply siya sa Avon Kalibo branch bilang bookkeeper. Anim na buwan ulit ay nag-end ang kontrata at dapat e-rerenew siya ng manager niya ngunit hindi niya na natuloy dahil pinabalik siya ng employer niya sa Boracay at idenestino sa Surigao del Norte.
Sa ngayon, siya na rin ang may malaking ambag sa pag-aaral ng mga kapatid niya. Si Anthonette naman ay mataas parin ang kanyang mga marka sa eskwela. Nang makatapos na siya sa Senior High School, pangarap niya talaga ay Cruise ship Course. Hindi lang ako kumikibo dahil ang pagkakaalam ko ay magastos ang kursong ito. Isang araw, nagpadala ng mensahe ang Pantawid staff na si Sir Ry sa akin kung sino daw ang may mga anak na graduating na sa senior high school dahil may scholarship na ibibigay ang Department of Health (DOH), at ito ay sa kursong Midwifery.
Sinabihan ko ang mga member ko tungkol dito, ngunit walang may interes dahil Midwifery. Kinausap ko si Anthonette kung willing ba sya dahil libre naman, may allowance at pasok naman sa criteria ang kanyang general average. Agad naman siyang tumanggi dahil takot daw siya sa dugo at hindi niya kayang magpaanak. Makalipas ang dalawang araw, nag tanong siya kung pwede pa ba siya sa scholarship na iyon. Sabi niya ega-grab nya nalang ang opportunity na iyon upang maka
pagtapos siya ng pag aaral at isa pa wala naman daw kaming kaya upang suportahan ang kursong gusto niya. Tumawag ako sa kay Sir Ry kung available pa ang slot at sa mabutihang palad ay pwede pa talaga. Nagpapasalamat ako sa Pantawid staff sa bayan namin dahil inayos agad nila ang requirements, pinadala sa DOH ang application at documents ng anak ko sa pamamagitan ng email.
Hindi nagtagal, may mensahe kaming natanggap mula sa DOH na kailangan ni Anthonette magpunta sa Iloilo Doctors College, isang kilalang kolehiyo sa Iloilo para sa entrance exam at interview. Sa awa ng Diyos nakapasa naman siya at naging midwifery student. Sa unang buwan, nahirapan talaga kami kasi wala pa ang allowance nila from DOH. Halos anim na buwan silang walang allowance na natanggap. Mabuti nalang talaga at masipag mag follow-up si Sir Ry. Sa wakas naipadala na rin ang allowance at may ipinangbayad din ako sa mga nahiraman kong pera na ipinadala sa kanya noong wala pa ang allowance niya. Halos araw-araw kaming
 tumatawag sa kanya, sa kadahilanang mag-isa lang siya sa kanyang tinutuloyang dorm. May mga beses na umiiyak siya sa akin dahil takot daw talaga siya mag paanak at kinakailangan na talaga nilang magpaanak kahit nasa 1st year, second semester palang sila. Tanging nasabi ko ay lakasan niya lang ang kanyang loob at isipin niya na lang kun bakit siya nandoon at para saan ba iyon. Lumipas ang mga araw at naka-adjust na din siya at nakapasa ng mga kinakailangan para makapagtapos sa kurso. Taong 2020 ng natanggap na niya ang kanyang diploma bilang isang Midwifery at sa ngayon ay pinagpapatuloy parin niya ang pag-rereview para sa board exam niya. Dapat noong nakaraang March ang exam na iyon, ngunit dahil sa pandemya gaganapin nalang ito sa darating na November 2021. Dahil din sa pandemya halos mag-aanim na buwan na siyang hindi nakauuwi dito sa amin.
Ang bunso ko namang anak na si Anna Mae ay natapos na rin sa K-12 ngayong taon. Ang kursong gusto nyang kunin ay Criminology. Mataas din naman ang marka niya sa eskwela. Isa siyang consistent honor student mula pa noong elementarya. Maraming training siyang sinasalihan tulad ng Animal Health and Dairy Buffalo Production Management at TESDA NC-II in Organic Agriculture Production. Participant din siya sa Youth Development Session (YDS) ng Pantawid Pamilya na may topikong ” Digital Technology and Relation with the Mental Health of Youth. Si Anna Mae ay ang naging katuwang ko habang wala ang kanyang mga nakakatandang kapatid, at malaki din ang pasasalamat ko sa Panginoon dahil lumaki siyang hindi mareklamo, mabait, matulungin at higit sa lahat may takot sa Diyos. Siya ang naging tagahimok ng pamilya na dapat hindi nalilimutan ang pagdarasal tuwing kakain, matutulog at ang pinakamahalaga sa lahat, ang pagsimba tuwing Linggo. Sa tulong rin ng mga kakilala, nakapagtrabaho ako sa Munisipyo ng Makato bilang isang contractual na Admin Aid. Mababa lang ang sahod pero ayos lang kahit papaano. Ang sitwasyon ng bahay namin ay hindi pa maayos, nakatira kami sa maliit na bahay gawa sa light materials. Okay lang atleast napag-aral ko ang mga anak ko, nabubuhay kaming matiwasay at mapayapa. Kahit nahahati sa maraming responsibilidad ang aking oras, hindi ako nakakalimot balikan ang pinaka mahalaga kong role, ang pagiging ilaw ng tahanan. Ilaw na kahit sira– sira na ang haligi ng tahanan ay patuloy pa ring nagliliwanang hindi para sa sarili ko kundi para sa pamilya at mga taong nangangailangan ng liwanag sa pamamagitan ng kawang– gawa, pagmamahal at pagtulong ng kusa.
PANDEMYA
Isa sa hindi ko malilimutang pangyayari sa aming buhay ang pandemyang ito. Bagamat ito ay nagdala ng dagdag paghihirap sa buhay at kabuhayan namin, nagdulot din ito ng malaking aral sa akin bilang tao. Nang minsang nagpositibo ang aking kasamahan sa trabaho sa COVID-19 virus, agad akong nag home quarantine kahit wala naman akong close contact sa kanya. Pinag– isolate ko narin ang aking anak habang nag– aantay kami ng araw na kami ay isa-swab. Nag– inform din ako sa aming council tungkol sa nagyari at upang aware din sila sa mga maaring mangyari. Habang kami ay nasa bahay, patuloy ko parin tinatawagan ang 4Ps office dahil bilang Parent Leader alam kong hindi makakarating sa aking mga miyembro ang mga impormasyon na dapat nilang malaman kung hindi ako kikilos.

 

Naging mahirap ang aking sitwasyon habang ginagampanan ko ang aking tungkulin bilang isang PL dahil hindi ako makakilos ng mabuti para tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Habang ang ibang leader at kanilang miyembro ay busy sa pagsagot ng kanilang FDS modules, ako at ang aking mga miyembro naman ay nanatiling sa text at chat lang ang tanging komunikasyon dahil walang nais pumunta sa aming bahay sa takot na baka ako ay magpositibo at malagay sila sa alanganin. Nagpapasalamat ako sa FDS ON AIR na programa ng Pantawid RPMO at infographics na pino-post sa pamamagitan ng FB Page dahil natugunan ang buwanang FDS namin at kahit papaano naging compliant kami. Ilang beses akong mangiyak– ngiyak na tumawag sa aking Municipal Link Ry upang maglabas ng sama ng loob dahil sa hirap ng sitwasyon at sa nararamdamang diskriminasyon. Mabuti na lang at naiintindihan ako ni Sir Ry at pinayuhan na e-prioritize muna ang aming kalusugan at kaligtasan at tatanggapin pa rin niya kahit late na ang pagsubmit ng aming modules. Bagamat naiintindihan nila ang aking sitwasyon, sa isip– isip ko ay hindi ako mapakali dahil maraming miyembro ko ang umaasa sa akin pero takot sila lumapit sa amin.
Masakit man sa akin, pilit ko na lang inintindi ang mga tao. Pinapanalangin ko sa Diyos na hindi mangyari sa kanila ang nangyari sa amin.
Sa awa naman ng Diyos ay natapos namin ang aming quarantine na malusog at walang ano mang sintomas na dinaramdam. Nakabalik na rin ako sa trabaho at patuloy na ginagampanan ang tungkulin ng pagiging PL. Nagpabakuna na rin ako para maprotektahan ko ang aking pamilya at mga tao sa aking komunidad laban sa Covid-19. Isang araw, may ibang sitio ang nag– granular lock down dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng munisipyo. Sa mga panahon ding iyon ay na sa kasagsagan kami ng aming modular FDS, Youth Development Session at early school registration. Alam ko ang pakiramdam ng walang masuyo at mahingan ng tulong kaya ako na mismo ang bulontaryong nag– abot ng aking kamay sa mga tao upang matulungan sila na ma–accomplish ang kanilang mga modules at ma– update ang kanilang mga anak sa paaralan. Hindi ko inisip ang masakit na pinagdaanan ko noong kami ay naquarantine, bagkus, ginamit naming mag– anak ang aming naranasan upang ipakita sa kanila na sa panahon ng kagipitan at kahirapan may mga taong bukas sa loob ang nais na pagtulong ng walang hinihinging ano mang kapalit.
PAGBABAGO
Simula ng naging benepisyaryo kaming pamilya, sinikap naming maging magandang ehemplo sa ibang tao upang mapangalagaan ang imahen ng program na isang malaking biyaya mula sa panginoon. Ang aming cash grants ay pinangbibili ko ng bigas, ulam at mga pangangailangang pangkalusugan ng aking mag- anak. Ang para sa kanilang pag– aaral ay tinatabi ko talaga para sakaling gamitin na nila sa paaralan ay hindi ko na kinakailangan pang umutang sa iba.
Bilang isang PL, sinisikap ko ring mahimok ang aking kapwa benepisyaryo na e-apply sa kanilang buhay ang aming mga natutunan katulad ng pag– iwas sa bisyo at sugal, financial management, responsible parenthood, mental health, at higit sa lahat ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa Covid-19. Ang 4Ps ay napakahalaga sa aming mga solo parents sapagkat hindi lahat ay nabibigyan nga ganitong pribilehiyo. Mapalad ang mga taong may masasandalan sa panahon ng kagipitan at paghihirap ngunit mas mapalad ang mga taong natutong tumayo sa sariling mga paa, naging mas malakas at matatag. Gamitin lamang sa tama ang natanggap na pera, gabayan at alalayan ang mga bata, at sundin ang alituntunin ng programa ay siguradong sama– sama tayong aangat mula sa putik ng kahirapan.
Sa mga katulad ko na solo parent, huwag lang tayo mawalan ng pag-asa, kapit lang at huwag na huwag mawalan ng pananampalataya sa Panginoon. Sana pagdating ng tamang panahon ay maging maayos na ang lahat, mawala na ang pandemya, babalik na ang mga masasayang araw sa labas kasama ang pamilya. Balang araw maiipapasa ko din sa iba ang kabutihan ng Diyos na ibinigay sa aming mag-iina. Para naman sa mga staff ng Pantawid, napakalaking utang na loob ko sa inyo lalo na kay sir Ry dahil kayo ang nagpapalakas ng aking loob na makakaya ko ang lahat. Lalong- lalo na rin kay Mam Bing Rioja, na noong depressed ako silang dalawa ni Ercely ang laging naandyan para mag advice, sa panahong wala pa si Sir Ry. Ang salitang salamat ay hindi pa sapat ngunit alam ng Diyos kung paano kayo nakatulong sa buhay namin. Habang-buhay po kaming tatanaw ng utang na loob sa gobyerno at sa DSWD.// (Makato MOO)