Ako si Rondly C. Pitogo, isang police at anak ni Jocelyn C. Sipat. Isa si Mama sa naging beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ito ay isang program ng gobyerno kung saan tumutulong at nagbibigay pag-asa sa mga tulad naming mahihirap.
Ang 4Ps ay masasabi ko na rin na isa sa naging instrumento na maipagpatuloy ko ang aking mga

pangarap sa kabila ng kahirapan at mga pagsubok sa buhay.

Nagsimula ito ng maaga kaming iniwan ng aming ama. Namatay siya noong 2nd year high school pa lamang ako. Ako ang panganay sa aming dalawang magkapatid na noon ay Grade 2 pa lamang. Bilang panganay, batid ko ang sobrang paghihirap ni Mama sa pagkawala ng aking ama. Lagi ko siyang nakikita na umiiyak patago pero hinding-hindi niya ito maikukubli sa kanyang namumulang mata. Gayunpaman, tinitiis ni Mama ang lahat ng sakit at unting-unti na rin siyang nakabangon at nakabalik sa dati na may masiglang mga ngiti. Tulad ni Mama, taos-puso rin namin tinanggap ang pagkawala ni ama.
Iginugol ni Mama ang kanyang oras sa aming maliit na tindahan kung saan dito kami kumukuha ng pang araw-araw na gastusin. Bukod dito, si Mama ay nagbebenta ng kung ano-ano, tulad ng Avon, Ready-to-Wear at iba pa para lang may extra income.
Lumipas ang ilang buwan, nagkaroon ng textmate si Mama. Hindi ako nakialam o nagtatanong sa kanya dahil alam kong karapatan niya rin ang lumigaya. Mahal ko si Mama kaya happy din ako na makita siyang masaya kaya hindi na ako nagreact ng minsan tinanong niya na ako kung okay lang sa akin na mag-asawa siyang muli. Sabi ko “walang problema basta makita ko lang na ikaw ay masaya, masaya na din ako.”
To make the story short, nag- asawa muli si Mama at nagpakasal kay Papa Rodney. Nabuntis si Mama pero sa mga panahon na iyon nawalan ng trabaho si Papa Rodney sa Manila kaya umuwi siya sa amin at nag-utang na lang nga tricycle para ipamasada sa bayan.
Dumating ang Bagyong Yolanda, nasira ang bahay namin at hindi na rin naipagawa dahil kapos na kami sa pang araw-araw na gastusin. Hindi na rin nailista ang bahay namin bilang partially damaged kaya wala kaming nakuha na tulong. Uminit man o umulan sa labas ng bahay, walang may pinag-kaiba sa loob ng bahay namin.
Sa hindi inaasahan, napabilang ang aming pamilya sa 4Ps dahil sa aming katayuan sa buhay. Masaya kami pagdumating ang cash grants dahil doon lang kami makakatikim ng masarap na ulam at magkaroon ng mga gamit para sa paaralan at personal.
Kahit may 4Ps, muntik din akong hindi makapag-aral sa college dahil sa kulang ang pera para pang college. Sinabi ko kay Mama na gustong-gusto ko talaga mag-aral sa college kahit alam ko na
 nahihirapan na siya sa sitwasyon namin. Ngunit gumagawa talaga si Mama ng paraan, lahat ng kakilala niya hinihingi-an niya ng tulong para makapasok ako sa scholarship program ng gobyerno.
Sa awa ng mahal na Panginoon, may mabuting pamilya na tumulong sa aking pag-aaral hanggang maipasok nila ako sa CHED Scholarship. Pero financially kapos talaga kami kaya kinausap ako ni Mama na huminto muna sa pag-aaral dahil hindi na nila kaya ang gastusin. Muntik na din kunin ng casa ang tricycle na pinasadahan ni Papa dahil hindi nakabayad ng buwanang bayad.
Naaawa ako kay Mama pero sinabi ko sa kanya na kapag hihinto ako sa pag-aaral mas lalong hindi kami makakaahon sa kahirapan. Lalo na wala akong magandang trabaho na mapapasuk
an kung hindi ako makapag tapos ng pag-aaral. Nagmamakaawa ako kay Mama, sabi ko tiis-tiis lang muna tayo, pangako pag nakatapos ako tutulungan ko kayo ni Papa Rodney. Sabi ko pa na ang bahay natin ipapagawa ko para hindi na tayo magtitiis sa tulo ng ulan.
Iyon talaga ang determinasyon ko para makapagtapos nga pag-aaral at makahanap ng mabuting trabaho. Alam ko na naintindihan ako ni Mama. Kaya nakapagdesisyon siya na humanap ng trabaho para hindi ako mahinto ng pag-aaral. Sa mga oras na iyon, may dalawa na akong kapatid sa step-father ko.
Gumising ako ng maaga para mag-alaga sa maliliit kong mga kapatid na naiwan ni Mama sa bahay dahil maaga pa siyang pumapasok sa kanyang trabaho at gabi na din kung umuwi. Naawa din ako sa mga kapatid ko dahil sa lagi nilang hinahanap si Mama at Papa na maaga na ring nagmamasada. Bago ako pumunta sa eskwelahan, pinapaliguan at pinapakain ko muna sila bago iiwan kina Lola.
Minsan 10:00 ng umaga ang school class schedule ko, hinahatid ko muna ang isang maliit na kapatid ko sa daycare center sa aming barangay. Binabantayan, tinuturuan, at pagkatapos ng kaniyang klase, hinahatid ko naman sa bahay para makapasok naman ako sa paaralan.
Hindi rin ako sumasali sa mga pag-gabi na aktibidad sa paaralan. Nag e-excuse talaga ako na hindi ako makapunta dahil inaalagaan ko pa ang mga kapatid. Hanggang dumating ang araw na Pinning namin sa school para sa paghahanda na sa pag On- the- Job Training (OJT). Sinabi ko kay Mama na ikaw ang mag pin sa akin para makita mo ang gwapo mong anak na nakasuot ng OJT uniform. Nakita din ni Mama na kung gaano ako ka snappy sa fancy drill namin. Alam kong masaya si Mama para sa akin lalo na ng dumating ang graduation day namin.
Narinig ko ang sabi ni Mama na “Salamat sa mahal na Diyos, naka graduate kana at proud Mama ako na nakapagtapos ka ng kolehiyo.” Yon ang mga salita ni Mama kung saan lalo akong nag pursige sa buhay.
Ilang buwan bago ang aking board exams, pinaghandaan namin ni Mama ang araw na iyon. Nangungutang pa siya para sa allowance ko. Sa tulong ng aking tiyuhin, nakakuha ako ng board exam at nakapasa pa. Iyon ang pinakamasayang pagkakataon sa buhay ko at ng pamilya ko.
Step 1 pa lang sa pangarap ko,
nag apply agad ako ng trabaho sa Philippine National Police (PNP) para makatulong agad sa pamilya ko. Ngunit hindi madali ang karanasan ko sa pag-apply sa PNP. Financially at emotionally sobrang hirap. Tanging determinasyon ko ay ang kahirapan sa buhay na naging lakas ko para makayanan ko ang lahat. After six months sa training, family day namin iyon, doon ko lamang ulit nakita ang buong pamilya ko, tito at tita, sina Mama at step-father ko. Nakikita ko ang mukha ni Mama na maaliwalas at ang saya-saya.
Sa araw ng graduation, si Mama at ang step-father ko ang pumunta sa graduation ko. Alam ko kahit hindi man masabi ng step-father ko, proud na proud siya sa narating ko. Ganoon rin ako sa sarili ko, masaya ako na siya ang naging step-father ko dahil nandiyan siya palagi handang tumutulong para sa ikakabuti ng lahat.
Certified na Patrolman Rondly C. Pitogo na ako ngayon at your service. I serve and protect. Unang sahod ko ay ipinagawa ko agad ng bahay namin. Komportable na ang buong pamilya ko. Nakakain na ang mga kapatid ko ng tatlong beses sa isang araw. Tuloy ang buhay, tuloy din ang pangarap ko para sa kanila. Maraming salamat sa 4Ps. Marami pa kayong matutulungan tulad naming nangangarap sa buhay.