Pangarap ni PL unti-unting natugunan ng 4Ps
Testimony by: Maria Rose B. Faderugao
Benepisyaryo ng 4Ps
DUMALAG, Capiz – Ako ay may tatlong anak at isang masipag at mapagmahal na asawa. Simple lang ang aming pamumuhay. Kahit salat kami sa pang araw-araw na pangangailangan, nakakaraos pa rin.
Nakatira kami sa bukirin kung saan ang hanapbuhay ay pagsasaka. Tumutulong ako sa aking asawa sa pagtatrabaho sa palayan at minsan naging karpintero kapag walang anihan. Noong nagsimulang mag-aral ang aming mga anak, nagsimula na rin akong magtrabaho sa palayan ng ibang tao. Nagtatanim ako ng palay at tumutulong sa pag-aani tuwing anihan upang kumita at mapabaon ang mga anak sa paaralan.
Naging katulong din ako noon sa isang pamilya sa bayan at naging tindera ng tinapay sa isang maliit na bakery. Lahat ng trabaho na halos pinasok ko na upang matulungan ang aking asawa. Ako rin ay isang Barangay Health Worker (BHW) volunteer sa loob ng 12 taon. Mahirap ang trabaho dahil minsan ay kailangan kong puntahan ang bawat bahay sa barangay. Ngunit masaya ako dahil nakakatulong ako sa aking kapwa. Ako rin ay naging lecturer sa aming kapilya sa loob ng apat na taon at hanggang ngayon ay patuloy pa rin. Aktibo rin ako sa pagbibigay ng dugo sa Red Cross. Mahigit 13 beses na akong nakapag-donate dahil naniniwala ako sa kasabihang, “A little pain, more life to gain.”
Ang pangarap ko sa buhay ay para sa aking mga anak. Nais ko na makapagtapos sila ng pag-aaral at magkaroon ng magandang buhay. Ayaw kong maranasan nila ang hirap na naranasan naming mag-asawa. Kahit kapos sa pera, araw-araw kaming nagsusumikap para matugunan ang pangangailangan ng aming pamilya.
May mga pagkakataon rin na halos sumuko na kami sa dami ng problema, lalo na noong pumasok na sa kolehiyo ang aming panganay. Nadagdagan ang aming gastusin dahil sa mga bayarin sa paaralan. Pero dahil sa kagustuhan niyang makapagtapos, gumawa siya ng paraan. Laking pasasalamat namin dahil may isang pamilyang tumanggap sa kanya bilang school boy sa lungsod.
Kapalit ng pagpapaaral, tumutulong siya sa mga gawaing bahay. Malaking tulong ito sa aming pamilya dahil kahit paano ay nabawasan ang aming gastusin. Ipinakita ng aming anak kung gaano kahalaga ang edukasyon. Sabi ko sa aking sarili, “Kung hindi man ako naging guro, sana ang mga anak ko ay makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay.” Kaya nagsusumikap kami ng aking asawa na mairaos ang kanilang pag-aaral.
Samantala, ako naman ay naging abala sa mga trainings ng TESDA tulad ng Tailoring NCII, Dressmaking NCII, Contact Tracing NCII, at Barangay Health Services NCII at iba pa. Nakakuha ako ng Access Award bilang Community Health Worker Partner. Sinasali ko rin ang aking sarili sa mga aktibidad ng barangay tulad ng gardening, Clean and Green Program, at buwanang Clean-Up Drive.
Bilang isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at isang Parent Leader sa loob ng dalawang taon, lubos akong nagpapasalamat sa ating gobyerno. Malaki ang naitulong ng programa sa aming pamilya, lalo na sa pag-aaral ng aming mga anak. Dahil sa cash grants na ibinibigay ng programa, nakakabili kami ng kanilang mga gamit sa eskwela. Bilang sukli sa tulong mula sa gobyerno, kami ay tumutupad sa mga patakaran at kondisyon ng programa. Ang aming mga anak ay nagsisikap sa pag-aaral upang hindi masayang ang tulong na ibinibigay sa amin. Kami ay lubos na nagpapasalamat sa gobyerno at sa Poong Maykapal na siyang nagbibigay sa amin ng lakas at gabay sa araw-araw upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay.
Ngayon, ang aming panganay na si Glenn Mark, 21 taong gulang, ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Information Systems sa West Visayas State University Main Campus sa La Paz, Iloilo City noong Hunyo 13, 2025. Ang aming pangalawang anak na si Angel Grace, 20 taong gulang, ay papasok na sa ikaapat na taon sa kursong Bachelor of Physical Education sa Capiz State University Main Campus sa Roxas City. Ang aming bunsong anak na si Gian Jay, 12 taong gulang, ay kasalukuyang nasa Grade 8 sa Concepcion Castro Garcia National High School. Siya ang kasalukuyang anak namin na kabilang sa 4Ps.
Masaya kaming mag-asawa dahil ang aming mga anak ay masipag sa pag-aaral at hindi nila sinasayang ang tulong na natatanggap mula sa programa. Naniniwala ako na ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay, basta’t ang bawat miyembro ng pamilya ay nagtutulungan at nagkakaintindihan. Sa lahat ng staff ng 4Ps, maraming salamat. Kayo ang naging instrumento ng Diyos upang kami ay matulungan. More power and God bless! (Written by: ML-Dumalag, Capiz POO) Revised and edited by: Anmer Jules T.Paulan-Intern from University of San Agustin