Abot kamay na mga pangarap sa tulong ng 4Ps
Testimoya ni Amy C. Colas
Benepisyaryo ng 4Ps
LIBACAO, Aklan – Ako si Amy Colas, 25 taong gulang, at nais kong ibahagi ang aking kuwento. Kuwento ng pagsusumikap, pag-asa, at tagumpay. Sa aking buhay, maraming pagsubok ang aking naranasan. Ngunit sa kabila ng lahat, aking napagtagumpayan ang mga ito, at ngayon ay isa na akong ganap na Registered Midwife.
Lumaki ako sa isang mahirap na pamilya at nakatira kami sa pinakamalayong Brgy. Dalagsaan, ng Libacao, Aklan. Ako ang pangatlo sa limang magkakapatid. Ang aking ama, si Agosto Esto Sr., ay isang laborer at magsasaka. Hindi sapat ang kanyang kinikita para sa aming pang araw-araw na pangangailangan, lalo na kapag palaging umuulan at hindi siya makabenta ng pinatuyong abaca.
Dahil dito, madalas ay hindi kami nakakakain ng kanin. Minsan ay kamote, saging, gulay, o prutas lamang ang aming kinakain. Ang aking ina, si Angeline, ay isang simpleng maybahay. Sa kabila ng hirap ng buhay, hindi kami nawalan ng pag-asa. Isang malaking tulong sa amin ang mapasama sa 4Ps noong 2009. Ang programang ito ay nagbigay sa amin ng pagkakataong makatanggap ng suporta para sa aming mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at mga gamit sa paaralan.
Sa aking pag-aaral, sinikap kong makamit ang aking mga pangarap. Alam ko na ang edukasyon ang susi upang makaahon sa kahirapan. Nagtapos ako sa elementarya bilang class Salutatorian noong 2014.
Noong 2015, lumipat kami sa Poblacion ng Libacao kung saan ko ipinagpatuloy ang aking pag-aaral sa Libacao Forestry Vocational National High School. Hindi naging madali ang aming buhay noon dahil napalayo kami sa aming kabuhayan sa bukid, pero hindi ko pinakawalan ang aking pangarap.
Tumulong ako kay nanay sa kaniyang paglalabada, nagbenta ng gulay sa palengke tuwing walang pasok, at gumawa ng iba’t ibang paraan upang kumita ng pera.
Malaki ang naitulong ng 4Ps sa aming pag-aaral simula nang kami ay naging benepisyaryo. Nakabili kami ng mga gamit sa eskwela tulad ng bag, uniporme, ballpen, notebook, at papel. Dahil dito, mas naging handa kami sa aming mga aralin.
Bukod pa rito, nakasali kami sa mga extra-curricular activities na nagpalawak ng aming
kaalaman at karanasan. Ito ay nagbigay sa amin ng tiwala sa sarili at kasanayan na naging sandigan sa pagharap sa mga hamon. Sa kabila ng lahat, naging consistent honor student ako mula elementarya at nagtapos ng high school noong 2018.
Noong 2019, sinabi ni nanay na baka hindi ko na maipagpatuloy ang kolehiyo dahil hindi na nila kaya ang gastusin lalo na’t tatlo kaming sabay-sabay na nag-aaral noon; ngunit hindi roon nagtapos ang aking pangarap. Nanalangin ako, naghanap ng paraan, at naglakas-loob na lumuwas sa lloilo upang humanap ng scholarship. Hindi nasayang ang aking pagsusumikap dahil sa tiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos, natanggap ako bilang iskolar ng Department of Health (DOH).
Hindi ko sinayang ang pagkakataong iyon, sinimulan ko ang aking paglalakbay tungo sa pangarap; mga gabing puno ng pagpupuyat, pagtitipid sa allowance, at walang sawang pagsusumikap. Totoo nga ang kasabihang “pag may itinanim, may aanihin.”
Noong 2022, nagbunga ang lahat ng aking sakripisyo. Nagtapos ako bilang Dean’s Lister para sa Academic Year 2021-2022 sa kursong Bachelor of Science in Midwifery sa lloilo Doctors College.
Noong Hunyo 2022, agad akong nag-review para sa board exam. Habang naghahanda, nagsideline pa ako bilang online seller upang matustusan ang bayad sa review center. Sa kabila ng mga hamong pinansyal, mental, at pisikal, nakapasa ako sa board exam. Isa itong malaking tagumpay para sa akin at sa aking pamilya. Nagkaroon ako agad ng oportunidad na makapagtrabaho sa Libacao Rural Health Unit mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024.
Isa ito sa mga matagal ko nang pinapangarap. Ang bawat pagsusumikap at sakripisyo ay nagbunga. Nakapagbigay ako ng ambag hindi lamang sa aking pamilya, kundi maging sa aming komunidad. Ngayon, bilang isang Registered Midwife, masaya akong naglilingkod sa komunidad at bayan ng Malay, Aklan.
Ang aking kuwento ay patunay na sa kabila ng mga hamon, pagsubok, at kahirapan sa buhay, may pag-asa at tagumpay na naghihintay sa mga massipag at may pangarap. Nais kong iparating sa lahat ng kabataang benepisyaryo ng 4Ps na huwag mawalan ng pag-asa.
Ang inyong mga pangarap ay kayang makamit sa tulong ng sipag, tiyaga, at determinasyon. Masasabi kong hindi pa ito ang rurok ng aking tagumpay, ngunit ito ang simula ng katuparan ng aking mga pangarap. Lahat ng ito ay dahil sa tulong at suporta ng mga taong naniwala sa akin.//Ipinasa ni: Municipal Link Raffy E. Napawit ng Libacao MOO, Aklan POO. (Isinuri at inedit ni: Anmer Jules T. Paulan-Intern mula sa Unibersidad ng San Agustin)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD