
MAAYON, Capiz – Sa isang liblib na bahagi ng Barangay Alasaging ng bayan na ito ay may isang pamilyang namumuhay ng simple ngunit hitik sa pag-asa. Sila sina Ginoong Domingo at Ginang Cecilia Sitjar, mag-asawang buong pusong nagsusumikap para sa kanilang limang anak — sina Cindy, Chalzeia, Dieter, Channelle, at Darwin.
Pagtatanim ng mais, paggawa ng copras, at pag-aalaga ng kalabaw ang pangunahing hanapbuhay ng pamilya. Sa ilalim ng araw at sa gitna ng putik ng bukid, araw-araw silang lumalaban sa hirap ng buhay. Ngunit sa kabila ng kakulangan, bitbit nila ang isang mahalagang kayamanan: ang kanilang mga pangarap.
Taong 2011 nang sila ay marehistro bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Simula noon, unti-unting nagbukas ang pinto ng pag-asa para sa pamilya. Ang tulong pinansyal na natatanggap nila bawat buwan ay nagsilbing gabay upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga anak — pagkain, edukasyon, at kalusugan.
At ang mga pangarap ay nagsimulang unti-unting matupad. Ang panganay na si Cindy ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Secondary Education at nakapasa sa Licensure Examination for Teachers noong 2019. Ngayon, isa na siyang guro sa kanilang barangay — larawan ng tagumpay na mula sa sakripisyo.
Ang pangalawa, si Chalzeia, ay nagtapos ng Bachelor of Science in Entrepreneurship at kasalukuyang sumasailalim sa training sa isang pribadong kumpanya sa Iloilo.
Ang pangatlong anak na si Dieter, bagamat pansamantalang natigil sa pag-aaral dahil sa karamdaman, ay patuloy na sinusuportahan ng pamilya. Noong taong 2021, siya ay tinamaan ng aneurysm—isang trahedyang gumulantang sa buong pamilya. Sa kabutihang-palad, nang siya ay naospital, wala silang kailangang bayaran ni isang kusing dahil sa PhilHealth coverage na bahagi ng mga benepisyo ng 4Ps. Sa gitna ng pangamba at pagkalito, laking ginhawa ng malaman nilang may sumasalo sa kanila.
Si Channelle, ang ikaapat, ay kasalukuyang nasa ikalawang taon sa kursong Bachelor of Science in Nursing, na may pangarap ding makapaglingkod sa larangan ng kalusugan — marahil ay bunga rin ng karanasang pinagdaanan ng kapatid. Samantala, ang bunso na si Darwin ay masigasig na nag-aaral sa elementarya, tangan ang inspirasyon mula sa kanyang mga ate at kuya.
“Malaking tulong talaga ang 4Ps sa amin. Kung wala ito, baka hindi nakapagtapos ang anak namin. At nung nagkasakit pa si Dieter, hindi ko alam kung saan kami kukuha ng pambayad kung wala ‘yung PhilHealth,” ani Ginang Cecilia habang pinipigilan ang luha.
Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay. Maraming gabi ng pagtitiis at araw ng pangangamba. Ngunit sa bawat unos, matatag nilang niyakap ang isa’t isa — sabay-sabay tumawid mula sa kahirapan patungo sa mas maliwanag na bukas.
Ngayon, patuloy pa rin ang pagtutulungan sa loob ng kanilang tahanan. Nagsisilbing inspirasyon ang kwento ng kanilang pamilya hindi lamang sa kanilang barangay kundi sa bawat pamilyang nangangarap na makaahon sa buhay.
Sa puso ng Barangay Alasaging, may isang pamilya na patuloy na nangangarap. At sa tulong ng 4Ps, alam nilang hindi imposible ang pag-abot sa mga bituin. (Ipinasa ni Municipal Link Milgreg A. Deocampo ng Maayon, Capiz POO)