
Pangarap unting-unti nabuo dahil sa 4Ps
Testimonya ni Leny C. Venturillo
4Ps Parent Leader
NABAS, Aklan – Ang bahay ay nagsisilbing simbolo ng pagmamahalan at pagsusumikap ng bawat miyembro ng pamilya. Ito ay naging saksi at sandigan ng lahat na mga paghihirap pero dito rin nagsisimula ang lahat na mga pangarap.Tunghayan natin ang kwento ng isang Parent Leader kung paano sila nagsimulang mangarap sa ilalim ng barong-barong tahanan.
Ako si Leny Centino Venturillo, 51 taong gulang at nakapag-asawa kay Antonio, 53 taong gulang. Kami ay nabiyayaan ng apat na mga babaeng anak.
Kung balikan ko ang buhay namin noong hindi pa kami nakapasok sa 4Ps, napakahirap talaga ang aming pamumuhay na halos isang kahig isang tuka. Sa isang masukal na bundok ay makikita mo ang aming tahanan na malayo sa kalsada at kabahayan. Makikita sa pagkakatayo ng bahay ang kalumaan nito. Butas ang bubong at nababaklas na ang iilan sa mga dingding. Ang kawayang sahig naman ay sira at natatanggal na. Bagong lipat lang kami rito galing Palawan at naghihirap pa ang aking asawang makapaghanap ng disenteng trabaho. Sa madaling salita, wala kaming sapat na pera para maghangad pa ng mas maayos at magandang bahay.
Ang sirang bahay na ito ang nagsilbing tahanan namin at ang naging saksi sa aming paghihirap at pag-tiyaga. Nasaksihan ng bahay na ito ang aking pag-iyak gabi-gabi, sinisisi ang sarili kung bakit hindi ko mabigyan ng mas magandang buhay ang aking mga anak. Ito rin ang saksi kung paano kaming maghirap mag-asawa sa kaiisip kung saan kukuha ng pera upang mabilhan ng gatas ang aming maliliit na anak at kung saan kami kukuha ng pera upang suportahan ang pag-aaral nila. Saksi ang bahay na ito kung paano namin inindang ang gutom at matulog ng walang laman ang mga tiyan dahil sa kahirapan at kawalan ng pera.
Kung walang trabaho ang aking asawa ay gumawa ako ng banig sapagkat ito lang ang nagsisilbing pinagkukunan namin ng pambili ng pagkain at sa araw-araw naming gastusin. Kung minsan ay hindi pa sapat ang aking kinikita kaya pinagkakasiya namin ang budget para sa isang araw upang umabot ng isang linggo. At kung paminsan-minsan na wala akong kinikita sa paggawa ng banig ay nagpupursige ako sa pag-ani ng mga shells sa dagat, na tinatawag sa aming “panginhas” tuwing low tide, para lang may maihain na pagkain sa hapagkainan.
February 23, 2011 ito ang araw na nagpabago sa buhay namin, ito ang araw na nagbigay ng bagong pag-asa, ito ang araw na nagbukas ng bagong mga oportunidad sa aking pamilya. Dahil ito ang araw na ang napabilang ang aming sambahayan bilang isang benepisyaryo ng 4Ps. May katuwang na ako sa pagtataguyod sa aming pamilya lalong-lalo na sa aking mga anak na nag-aaral. Hindi na ako maghahagilap ng pera para pambaon at pambayad sa school activities. Nabibilhan ko na ng mga vitamins ang aking kambal at mula noon hindi na sila naging sakitin.
Nakapagtrabaho na rin ang asawa ko sa Boracay bilang gym instructor at sa gabi ay head bouncer. Nakapagsimula kaming mangarap ulit ng maganda at bagong buhay. Natutunan ko ring mag-ipon dahil maganda ang naituro sa amin sa Family Development Session (FDS). Isa pa ako sa napili bilang isang Parent Leader. Masarap, masaya at magaan sa pakiramdam na nakatulong ako sa kapwa kong 4Ps. Tumatatak sa aking isipan ang sinabi ng aming Municipal Link na si Sir Elmer, na ang programa ay pinahiram lamang at pwede ito kunin kung hindi ka sumusunod sa patakaran o lumabag sa mga alintuntunin ng programa. Ang 4Ps ay isang tulay upang makatawid sa kahirapan.
Ang mensahe ko sa kapwa ko 4Ps beneficiary para makahaahon din sa kahirap ay huwag mawalan ng pag-asa, mangarap ng may kasamang pagsisikap. Magtrabaho ng marangal at huwag maging tamad. Magtulong-tulong kayong magpamilya at mag-usap at plano para ikauunlad ng ng inyong pamilya. Hikayatin ang mga bata na mag-aral ng mabuti at ituro sa kanila ang kahalagahan ng edukasyon. Balang araw ito ang sandata nila upang makawala sa gapos ng kahirapan. Magdasal palagi sa Panginoon at hilingin natin ang gabay niya at biyaya dahil siya ang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan.
Mabuti na lang hindi ko sinukuan ang kahirapan, natutunan kong magtiis, magtiyaga at higit sa lahat magtiwala sa Panginoon. Isa akong 4Ps beneficiary at isa ako sa makapagpatunay na hindi bigo ang programang ito ng ating gobyerno. Sa ngayon mayroon akong maliit na negosyo, nagbebenta ako ng mga prutas at gulay tuwing tienda sa karatig bayan ng Caticlan at Ibajay. Ito ang aking pinagkukunan ng aking panggastos sa aming pang-araw-araw.
Ang aking panganay na si Jamaica, 24 taong gulang, graduate ng Political Science at kasalukuyag kumukuha ng master’s degree sa Austria. (See related story posted in 2020.
https://www.facebook.com/share/p/12GCU6LszyB/). Ang aking pangalawang anak na si Aloja, 20 taong gulang ay minsan na naging kalahok sa Provincial Search for Exemplary Child noong 2018. Siya ay kasalukuyang nasa kolehiyo at kumukuha ng Bachelor of Science in Biology. Siya ay second year na, scholar ng CHED at Dean’s Lister. Ang aking bunsong kambal naman na sina Althea at Athena, sila ay 15 taong gulang at kasalukuyang nag-aaral sa mataas na paaralan ng Unidos, Grade 11 sa ilalim ng General Academic Strand (GAS).
PAGTATAYA
Bilang isang PL, nakatutulong ako sa kapwa ko benepisyaryo sa pagbibigay ng payo kung paano gamitin ng matalino ang perang tulong ng 4Ps. Ibinabahagi ko sa kanila na ang tulong na aming natatanggap ay para sa pag-aaral ng mga anak at upang mapanatili at masiguradong maayos ang kanilang kalusugan. Ang pagiging miyembro ng 4Ps ay kaakibat nito ang maging mas mapagmatiyaga at makilahok sa gawaing pampamayanan. Taon-taon ay tumutulong ang benipesyaryo ng 4Ps sa paglilinis ng komunidad at pagpapanatili sa kaayusan ng kapaligiran. Dumadalo din ako sa mga seminar at mga pagkakataon sa pag-aaral ng mga iba’t-ibang paksa na angkop at laganap sa aming barangay. Sa pamamagitan nito nagiging mas malawak ang karunungan ko sa pagpahalaga sa kalusugan at edukasyon at ito’y aking naibabalik sa aking komunidad bilang isang PL.
Kahit ako ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral, hindi ko aakalain na magiging PL ako. Limitado ang aking kaalaman gayundin ang oportunidad sa akin. Pero hindi ito naging hadlang upang sumuko ako sa buhay. Tiyaga at pagsisikap ang aking naging puhunan upang matulungang maiahon sa mahirap na pamumuhay ang aking pamilya. Pinasukan ko lahat ng trabahong kayang kong gawin upang masuportahan ang pangaraw-araw na pangangailangan ng aking pamilya. Napakahirap nito dahil araw-araw na nararanasan ang pagod sa trabaho at ang gutom, pero ang pagsuko ay hindi opsyon.
Lubos kami nagpapasalamat sa programa sa lahat na tulong at oportunidad.
Ang tulong na ito’y sigurado na ang aking mga anak na makapagtatapos sa pag-aaral. Dahil din sa tulong ng 4Ps, nagkaroon ako ng ipon upang maging puhunan sa munting negosyo. Kung dati ay napakahirap maghanap ng trabaho dahil limitado lamang ang oportunidad na meron kami, ngayon, ako na ang gumawa ng oportunidad para sa aking sarili upang magkaroon ng pagkakakitaan para sa kinabukasan naming mag-pamilya. Ang dating barong-barong bahay ay napaayos na rin namin gaya ng naayos naming pamumuhay. (Nabas MOO, Aklan POO)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD