4Ps monitored child naging inspirasyon sa larangan ng sports
Testimonya ni: John Lloyd G. Benagera
Benepisyaryo ng 4Ps
Regional Gold Medalist, WVRAA 2025 Wushu Sanda
BUENAVISTA, Guimaras – Mula sa Barangay Agsanayan ng bayan na ito, ako po ay isang batang atleta na nagngangalang John Lloyd G. Benagera. Mahilig na po akong makipaglaban mula pagkabata, at ang aking puso ay naglalagablab sa pangarap na maging isang kampeon sa larangan ng sports. Sa aking murang edad na labing-apat na taon, puno ng lakas at determinasyon ang aking katawan. Sa kabila ng mga pagsubok na dinaranas ng aking pamilya, hindi po ako tumigil sa aking pangarap. Ang mga hamon at kakulangan sa buhay ay nagsilbing inspirasyon sa akin upang ipagpatuloy ang aking laban.
Ika-lima ako sa anim na magkakapatid at ang aking mga magulang, sina Rowena at Lorenzo Benagera, ay nagtatrabaho ng buong pagsisikap upang maitaguyod ang aming pamilya. Ang aking ama ay isang driver, at ang aking ina ay nag-aalaga sa aming mga pangangailangan sa bahay. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, madalas na kulang ang kanilang kita para sa aming pang-araw-araw na pangangailangan gaya ng pagkain, damit, at iba pang mahahalagang bagay. Dahil dito, natutunan ko ang kahalagahan ng pagsisikap at pagtitiyaga mula sa aking mga magulang.
Subalit, sa kabila ng aking determinasyon, nahirapan akong makasali sa mga laro at kompetisyon dahil sa kakulangan ng pondo para sa aking training, gamit, at iba pang kinakailangan. Ang aming pamilya ay nakatanggap ng malaking tulong nang kami ay naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD. Ang programang ito ay nagbigay sa akin ng pag-asa at tulong upang matugunan ang aking pangangailangan sa pag-aaral at kalusugan. Masaya ang aking mga kapatid dahil ang aming ina ay masusing ginagamit ang tulong pinansyal para sa aming mga pangangailangan. Sa tuwing dumarating ang cash grant, ito ay ginagastos para sa pagkain, vitamins, gamit, at allowance namin sa eskwela. Iba talaga ang nadarama namin ngayon na may tulong pinansyal mula sa 4Ps, na nagbibigay sa amin ng mas maraming oportunidad kumpara sa dati.
Nito lamang taong 2025, nagdesisyon akong mag-ensayo nang mas mabuti dahil nais kong maipakita ang pasasalamat ko sa lahat ng sumusuporta sa akin—mga magulang, guro sa Agsanayan National High School, mga kaibigan, at coaches. Naging matindi ang aking training; kinakailangan ang regular na pagsasanay upang ma-develop ang aking pisikal na kakayahan. Kahit na laging pagod, nanatili ang aking disiplina at nagtiis ako upang mapanatili ang timbang na 45 kilos. Pinahalagahan ko ang time management upang mabalanse ang aking pag-aaral at training. Bagamat hindi ito naging madali, nagawa ko pa rin itong pagsabayin.
Sa paglipas ng mga araw, nakilahok ako sa ilang kompetisyon at sa wakas ay nakarating ako sa Western Visayas Regional Athletic Association Meet noong Marso 1-8, 2025, na ginanap sa probinsya ng Antique. Dito ako nag Regional Gold Medalist sa Wushu Sanda (Panglalaki na kategorya) na nagdulot ng labis na saya sa akin. Ang tagumpay na ito ay bunga ng aking pagsisikap at determinasyon. Sa mga sandaling iyon, damang-dama ko ang pagmamalaki at kumpiyansa sa sarili, at labis ang aking pasasalamat sa Diyos at sa lahat ng tumulong at sumuporta sa akin. Ang tagumpay na ito ay nagbigay inspirasyon sa akin upang lalo pang pagbutihin ang aking sarili sa mga susunod na kompetisyon.
Ang aking karanasan ay nagturo sa akin ng napakahalagang aral: ang pagsusumikap at dedikasyon ay nagbubunga ng magagandang resulta. Gusto kong ibahagi ang aking natutunan sa aking mga kapwa atleta na nangangarap din na magtagumpay sa kanilang larangan. Nais kong magsilbing modelo ng dedikasyon, disiplina, at pagsisikap para sa kanilang mga pangarap. Ang mga hamon at pagsubok na aking naranasan ay hindi hadlang, kundi mga hakbang patungo sa aking tagumpay. Nawa’y patuloy akong maging inspirasyon sa iba at patuloy na makapagbigay ng liwanag at pag-asa sa mga nagnanais ring makamit ang kanilang mga pangarap sa mundo ng sports.
PANGARAP
Taong 2011 nang nakapasok ang aming sambahayan sa 4Ps at ako ay isa sa naging monitored child. Sa pamamagitan ng 4Ps, naipakita ko ang makapangyarihang epekto ng pagsusumikap at dedikasyon hindi lamang para sa aking sarili kundi pati na rin para sa aking pamilya. Ang tulong pinansyal na natamo namin mula sa programa ay hindi lamang nakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi nagsilbing inspirasyon para sa akin na maitaguyod ang aking mga pangarap sa larangan ng sports.
Sa bawat pagsasanay at kompetisyon na aking sinalihan, hindi lamang ito nagbigay ng aliw at tagumpay sa aking sarili kundi pati na rin sa aking mga magulang na patuloy na nagsusumikap upang matugunan ang kanilang mga responsibilidad. Ang aking determinasyon na umangat sa larangan ng palakasan ay nagbigay liwanag sa aming tahanan, na nagbukas ng mga oportunidad na dati ay tila walang pag-asang makamit.
Dahil sa aking mga pagsisikap, nagawa ko na maging inspirasyon hindi lamang sa aking mga kapwa atleta kundi pati na rin sa aking pamilya. Ang tagumpay na aking natamo sa mga kompetisyon ay hindi lamang nagbigay ng karangalan sa aking pamilya kundi pati sa aking kumunidad at nagbigay din ng motibasyon sa aking mga kapwa na mas pagbutihin ang kanilang mga gawain para sa pangarap.
Sa aking pagsusuri, ang 4Ps ay may malaking papel sa pag-unlad ng mga pamilyang Pilipino, ngunit may ilang aspeto pa na maaaring mapaunlad upang mas maging epektibo ito. Maaaring palawakin ang saklaw ng programang ito sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga livelihood programs at skills training para sa mga magulang. Sa ganitong paraan, hindi lamang ang mga bata ang makikinabang mula sa tulong pinansyal, kundi pati na rin ang buong pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga oportunidad upang magkaroon ng mas matatag na pinagkakakitaan.
Ang mga programang ito ay makatutulong sa pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan ng mga tao sa kanilang komunidad, na nagreresulta sa mas mataas na antas ng kabuhayan at mas magandang kinabukasan para sa mga anak. (Buenavista MOO, Guimaras POO). Photo credit to the owner