
SAN JOSE, Antique – Higit sa 650 kasosyo sa kalusugan at Parent Leaders mula sa 18 munisipyo ng Antique ang nakatanggap ng oryentasyon tungkol sa “First 1000 Days (F1KD) of Life o ang Expanded Health and Nutrition Cash Grant para sa unang 1000 araw ng buhay”.
Isinagawa ito ng Antique Provincial Operations Office sa pangunguna ni Provincial Link Jeffrey Gabucay at Social Worker Officer III Mell Joy P. Braga.
Ang mga pangunahing kalahok ay ang mga kasosyo mula sa Municipal at Rural Health Unit, Barangay Health Workers (BHWs), Local Civil Registry at Parent Leaders.
Ang nasambit na aktibidad ay naglalayon na mabigyan ng sapat at tamang impormasyon ang mga partner stakeholders tungkol sa mga kondisyon na dapat i-comply ng mga buntis at mga batang may edad mula 0 hanggang 24 na buwan at kailangan benepisyaryo ng 4Ps upang makuha ang Expanded Health and Nutrition Cash Grant. Gayundin, tinalakay din ang mga patakaran kung sino ang mga kwalipikadong makatanggap at paano makakasali ang sambahayan ng 4Ps.
Ang F1KD ay isang karagdagang tulong pinansyal na nagbibigay ng suporta sa mga benepisyaryo ng 4Ps na mga buntis, at mga bata na hindi lalampas sa dalawang taong gulang o dalawamput’ apat na buwan. Ang conditional grant na ito ay naglalayong tustusan ang mga mahahalagang gastusin sa kalusugan at nutrisyon sa loob ng unang 1,000 araw o ang pinaka-kritikal na yugto ng buhay ng isang bata.
“Layunin nito ay mabigyan ng sapat na nutrisyon at kalusugan ang mga batang may edad 0-24 na buwan at hindi para isulong ang magpadami ng mga anak,” ayon kay Gabucay.
Positibong nagresponde naman ang mga partner sa health dahil ang pagka bansot at kalusugan ng mag-nanay ay isa rin sa kanilang priyoridad.
Si Analyn B. Tagapan, isang BHW President ng Munisipalidad ng Belison at dati ring benepisyaryo ng 4Ps na nagtapos sa programa noong taong 2023, ay nagpahayag ng kanyang suporta sa program lalo na sa i-registro.
“Sa mga nanay na buntis o may anak na 0-24 months old, naway ugaliin ang regular na pagbisita sa health center dahil ito ay ating obligasyon bilang ina para sa kalusugan ng ating mga anak. Sa aking kapwa health worker, patuloy po nating higpitan at siguraduhin na mabibigay ang nararapat na cash grant depende sa kanilang compliance sa mga kondisyong nakatala”, saad ni Ginang Tagapan.
Kabilang rin sa oryentasyon ang patungkol sa Ii-registro, isang online at self-service registration platform na isang paraan upang ang isang benepisyaryo ng 4Ps ay makapag-update ng kanyang profile para sa F1KD grant.
(Isinulat ni SDA Focal Person Maybel Esparagoza ng Antique POO).