
AKLAN – Ang local na pamahalaan ay isa sa mga katuwang ng DSWD para tugunan ang mga pangangailangan ng mga mahihirap nating mga sambahayan lalo na ng mga benepisyaryo ng 4Ps na nagtapos na sa programa.
Sa pamamagitang ng Aftercare Program, layunin ng local na pamahalaan na mabigyan ng sapat na mga programa at serbisyo ang mga benepisyaryo para manatiling matatag ang antas ng kanilang pamumuhay.
Isa sa may mga maraming aktibidad para supportahan ang programa ay ang probinsiya ng Aklan kung saan kamakailan lang nagtapos ang 1,861 Akeanon na pamilyang 4Ps.Ito ay idinaos ng sabay-sabay sa 17 na bayan ng Aklan noong nakaraang buwan.
Ang mga pamilyang kabilang sa mga nagtapos sa programa ay ang mga pamilyang wala ng minomonitor na anak sa edukasyon o mga pamilya na naabot na ang Level 3 o self-sufficiency ayon sa Social Welfare Development Indicator (SWDI) na pangunahing basehan ng pagpili na mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps.
Isa sa mga importanteng parte ng ANI noong ika-17 ng Disyembre 2024 sa bayan ng Lezo, Aklan, ang mensahe ni Bb. Cleary Ann Sta. Romana, isang lisensyadong Nurse. Ipinahayag niya ang paglalakbay mula Negros Occidental hanggang Aklan, maigapang lamang ang pangarap na makapag tapos ng pag-aaral at maging isang ganap na Nurse.
Ipinagmamalaki niya na siya ay 4Ps dahil ang programan ito ang nagtaguyod sa kanila upang malampasan ang mga hamon sa buhay- lahat ng sakripisyo, hirap at pagsusumikap. Ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa buhay upang maging inspirasyon sa kapwa nito 4Ps, ito ang kanyang kwento.
ISTORYA 4Ps
Kami po ay isa sa mga mahirap na pamilya dito sa Negros Occidental. Ang mga magulang ko ay nagtatrabaho sa palayan at minsan sa tubuhan. Yong lugar namin ay malayo sa syudad, walang kuryente at ang tubig ay iniigib pa sa kabilang bundok.
Sa araw-araw, yan ang takbo ng buhay namin, araw-araw nilalakad lang namin papuntang paaralan, 15 minuto kapag mabilis ka maglakad. At kapag maulan, syempre maputik at madulas ang daan, kaya mga kalahating oras rin bago makakarating sa paaralan at sobrang dumi na ng uniporme.
Araw-araw, ipinapaalala sa amin ng aming mga magulang na mag-aral ng mabuti kasi kung hindi, doble pa sa hirap nila ang pagdadaanan namin. Bawat gabi ginagabayan kaming mag-aral, at ang ilaw na gamit namin ay gasera lamang. Literal na nagsusunog kami ng kilay dahil kapag matapos na kami magbasa ay maitim na aming mga mukha sa usok.
Ito ang dahilan kung bakit naging disiplinado akong mag-aral. Hindi man nakapag tapos ang aking ina sa kanyang pag-aaral, ay maparaan naman siya. Dinadala niya kami sa mga kapitbahay na nakapagtapos ng kolehiyo upang maturuan sa aming leksyion. Nanghihiram siya ng pera upang kami ay makapag pasa ng proyekto.
Grade 4 ako noon nang nakapasok ang kami sa 4Ps. Sa mga panahong iyon, sikat na sikat ka sa amin pag 4Ps ka kasi may tinatanggap ka na pera. Malaking tulong talaga sa amin ang natatanggap namin kasi yong limang piso ko na baon naging sampu na. Nakakasali ako sa mga extracurricular activities sa paaralan at higit sa lahat, kahit paano nakakabili ng bagong damit, pagkain at may kaagapay si papa sa pang araw-araw na pangangailangan.
Marami din akong benepisyong nakuha sa achievement na yun kasi nakakuha ako ng dalawang scholarship, isa mula sa isang pribadong paaralan at ang isa ay galing sa pribadong kompanya. Kung kaya nakapag-aaral ako sa pribadong paaralan ng libre. Pinagsikapan din ako ng magulang ko na makapagtapos kasi kahit libre na yung araw-araw na pamasahe, allowance, projects at mga activities medyo magastos pa rin. Halos lahat ng sideline pinasukan nila, magbenta ng kahoy, gulay, at marami pang iba. Doon din nagsimula na magkasambahay ulit si mama para malaki-laki ang kita. Sa awa ng Dios nakapagtapos din ako ng aking pag-aaral with High Honors.
Hirap na hirap na talaga ang mga magulang ko sa buhay namin kasi habang lumalaki kami ng kapatid ko lumalaki din ang gastusin, ito ang naging ang dahilan kung bakit nakipagsapalaran kami dito sa Aklan dahil namasukan ang nanay ko bilang kasambahay at houseboy naman ang tatay ko dito sa Lezo. Kami ay umuupa lamang sa mallit na kwarto at magsimula naman sa panibagong buhay.
Medyo nanibago kami sa aming pamumuhay dito, lalo na sa lengguawahe. Pero dito naming naranasan magkaroon ng kuryente at ang tubig hindi na malayo ang pagkukunan. Malapit sa paaralan, tindahan at simbahan. Dito na ako nagpatuloy ng aking Senior High School at sa awa ng Diyos, naipagpatuloy ko ang pagiging with High Honors, kung kaya nakahanap ako ng scholarship upang makapag kolehiyo.
Sa totoo lang po wala talaga akong kaalam-alam sa mga gastusan pagdating sa kolehiyo. Akala ko katulad lamang ng high school. Sinikap talaga ng magulang ko na maigapang ang aking kolehiyo, lahat ding ng scholarship pinasukan ko. Nagkaroon ako ng tatlong scholarship isa sa province at dalawa mula sa pribadong sektor.
Inipon ko iyon para makapag bayad ako sa OJT namin at sa review.
Lahat ng iyon, naging susi upang makapagtapos ako sa aking pag-aaral. At ngayon ay isa ng ganap na Nurse. Maraming sakripisyo, luha, dugo at pagod din ang aming pinagdaanan pero nagsumikap, nangarap at nagdasal sa Poong Maykapal.* (Isinulat ni Aklan SDA Focal Person Nirvana D. Bulacan)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD