Pedicab driver na 4Ps nagkaroon ng limang professional na anak
MAMBUSAO, Capiz – Ang pagdurusa ay hindi panghabang buhay, ito ang pinanghahawakan ko hanggang sa kasalukuyan. Ako si Nestor Samson Magallanes, animnaput apat (64) na taong gulang, mula sa Barangay Balat-an, ng bayan na ito.
May anim akong anak na sina Regie, Mark Anthony, John Steve, Ronel, Kim at Princess katuwang ang aking maybahay na si Rhodora. Sa simula’t simula pa ay napakahirap ng aming pamumuhay. Ako ay kumikita lamang ng napakaliit sa pamamagitan ng pag pedicab mula 2007-hanggang 2014 para sa aming mag-anak. Ngunit ito ay hindi naging hadlang para hindi sila makapag-aral. Laking kagalakan ko ng napabilang ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2012. Napanatili maging matatag ang pag-aaral ng mga bata dahil sa 4Ps. Nagkaroon pa ng libreng check-up sa center at kada ikalawang buwan kasama na sa tulong pera ang aming pambili ng bigas.
Kalaunan ako ay naging tagapangasiwa ng isang hotel sa aming lugar mula 2014 hanggang 2019. Tumaas ang aking sahod na naging dagdag na ambag para sa gastusin naming pamilya. Itinuro at pinaunawa ko sa aking mga anak na ang edukasyon ay lubos na napakahalaga kung gusto nilang umasenso sa buhay. Sila ay nagpursige at ngayon lahat sila ay may kani-kaniya ng mga trabaho.
Ang aking panganay ay si Regie ay nakapagtapos ng vocational course at naghahanapbuhay ngayon sa isang pribadong ospital habang ang ikalawa na si Mark Anthony ay nakatapos ng Bachelor of Science in Marine Engineering at ngayon ay ganap ng seaman. Ang ikatlo ay si John Steve isang call center agent at ang ika-apat ay si Ronel na isang BS Education graduate at empleyado na ngayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Samantala, ang ika-lima ay si Kim na isa ring BS Education graduate at ngayon ay nag rereview para makakuha ng Licensure Professional Teacher’s Exam at ang pinaka bunso ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo na kumukuha ng Bachelor of Science in Nursing na sinusuportahan lahat ng magkakapatid.
Sa loob na maraming taon napakahirap ng buhay ngunit kung isa-isahin ko ang lahat ng magandang nangyari sa aming buhay napaka sayang isipin na ang gabay ng Diyos ay hindi nawawala basta ikaw ay may pananalig sa kaniya. Natamasa na ng buong pamilya ang bunga ng aming pagsisikap. Nakapag patayo na kami ng sarili naming bahay, may mga trabaho na rin ang mga bata na kaagapay na naming sa aming pamumuhay.
Ngayon, ay na-tagged ng kami sa 4Ps bilang Exited with Improved Well-Being at handa naman kaming iwanan ang programa para makatulong naman sa ibang mahihirap na pamilya. Hindi balakid ang kahirapan sa pag asenso pero hindi rin pala pwedeng sa pagsusumikap lang dahil ang lahat ay laging may kaagapay at isa na dito ang 4Ps sa siyang nagsilbing daan para makamit namin ang lahat na ito.
Lahat ay nakasalalay sa kung paano mo gagamitin ang lahat ng meron ka para sa mas positibong pananaw at layunin. Matuto tayong pahalagahan ang lahat ng meron tayo. Sabi nga nila ang buhay ay isang gulong hindi sa lahat ng oras mananatili tayo sa ilalim dahil magkakaroon din ng pagkakataon na tayo ay magtatagumpay sa sarili nating kagustuhan. Pinasasalamatan ko ang gobyerno sa pag-agapay sa aming mahihirap.
Kung ako ang tatanungin kung ano pa ang pwedi kong ipapayo sa ating gobeyerno, ay dapat patatagin pa ng mabuti ang 4Ps lalo na sa pagpili ng benepisyaryo para marami pa sa amin ang matutulungan at magkaroon ng magandang kinabukasan. (Isinulat ni Mambusao MOO, Capiz POO).
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD