
Pamilyang nagkalayo nabuo uli dahil sa 4Ps
Testimonya ni: Francis Ken N. Puntal
Lisensyadong guro
BAGO City, Negros Occidental – Napalayo kaming magkakapatid sa aming mga magulang dahil sa kahirapan at sa hindi inaasahang mga pangyayari ngunit binuo muli kami sa pamamagitan ng 4Ps.
Ako si Francis Ken N. Puntal, dalawampu`t limang taong gulang, nakatira sa Purok Honeymoon, Barangay Bacong-Montilla sa bayan na ito. Nagtuturo ako sa isang pribadong paaralan dito sa aming lugar.
Panganay ako sa apat na magkakapatid. Bata palang ako ng namulat sa hirap ng buhay. Parehong magsasaka ang aking ama`t ina pero kahit ganun nakakain naman kami ng tatlong beses sa isang araw at noong mga panahong na iyon hindi pa masyadong mahal ang mga bilihin kaya kahit papano nakukompleto naman ng aming mga magulang ng aming mga panguhing pangangailangan sa pang-araw araw. Mula lunes hanggang sabado nagtratrabaho sa sakahan ng tubo ang aking ama. Ito kasi ang pangunahing hanap-buhay dito sa aming probinsya. Pawang hindi nakatapos ng pag-aaral ang aming mga magulang kaya medyo nahirapan silang maghanap ng trabaho.
Noong lumalaki na kaming tatlong magkakapatid, napagtanto ng aking ama na mamasukan bilang isang Security Guard sa Bacolod City upang matustosan ang aming mga pangangailang sa araw-araw at para makapag-ipon narin para sa pag-aaral namin. Ngunit isang pangyayari ang nagbago sa takbo ng aming buhay. Nakulong ang aking ama sa kasalanang hindi naman siya ang may gawa. Sa madaling salita nadawit lamang siya sa pangyayari. Naging guard kasi siya sa isang hacienda na merong mga illegal settlers. Isang araw nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng kampo ng mga sekyu na kinabibilangan ni papa at ng mga illegal settlers doon. Kaya nang sinalakay sila, nakapaputok ang isa sa mga kasamahan niya para sana takutin ang mga nanggugulo kaso aksidenting may natamaan na matanda at namatay ito. Kaya nadawit na rin si papa at nakulong ng tatlong taon.
Limang taong gulang pa lamang ako noong mga panahong na iyon habang ang pangalawa kong kapatid ay mag-aapat na taon at ang pangalatlo ay magtatatlong taon palang. Dahil dito, napilitan na magtrabaho si mama sa Manila at naiwan kami sa pangangalaga ni lola at lolo. Para tustusan ang aming mga pangangailangan, nagtitinda ng banig at ice candy sila o kaya nag-uuling. Sa hindi inaasahan, nadulas si lola habang siya ay nag-uuling at nahospital kaya napauwi si mama ng wala sa oras.
Timing naman dahil pagkatapos ng tatlong taong paghihintay ay nakalaya ang aking ama at agad siyang inalok ng kakilalang pulis na magtrabaho sa kanya sa La Castellana. Apat na taon kaming tumira doon. Maayos naman ang pamumuhay namin at doon din naisilang ang aming bunsong kapatid. Ngunit isang araw ay napagdesisyonan ni papa at mama na bumalik dito sa aming lugar. Pagka graduate ko ng Elementary ay agad na nangibang bansa ang aking ina habang si papa ay nagpa Cebu kaya sumikap kami para gampanan ang mga trabaho sa loob ng bahay.
Ang bilis ng panahon at nag-college na ako at kumukuha ng kursong Bachelor of Education Major in Social Studies, ang kursong hindi ko masyadong gusto ngunit kinakailangan kung taposin para makapag-aral na rin ang isa ko pang kapatid. Kaya pinili ko nalang mag-aral sa Bago City College dahil libre lang ang pag-aaral doon.
Taong 2019 umuwi si mama ng bansa at dito na rin siya naabotan ng pandemya. Kaya hindi siya agad nakabalik at muli naman naming naranasan ang napakahirap na sitwasyon kahit na may trabaho si papa ay hindi pa rin ito sapat dahil subrang mahal ng mga bilihin. Magdadalawang taon ng tambay si mama pero napalitan naman ito ng swerte dahil nakapasok kami sa 4Ps kaya minabuti niya na huwag na mag-abroad para maalagaan kami ng mabuti. Malaki ang naitulong ng cash grants sa amin lalo na sa akin.
Nakapagtapos ako sa kolehiyo. Ilang buwan ang matapos ang aming graduation ay naghanap na ako ng trabaho at natanggap ako bilang isang enumerator ng Philippine Statistic Authority (PSA) noong 2022 na survey. Pinagsabay ko ang pagtratrabaho at pag-rereview hanggang nakapasa ako sa Board Examination sa lumabas na resulta noong December 13, 2024.
Sa ngayon, ay nagtuturo parin ako sa paaralang unang naghire sa akin. Ang pangalawa ko namang kapatid ay nakapagtapos na rin sa kursong Bachelor of Science in Marine Transportation (BSMT) at malapit ng makasampa sa barko at ang pangatlo naman ay malapit nang magtatapos na ngayong taon sa kursong Criminology at ang bunso namin ay Grade 9 na sa kasalukuyan. Marami mang masamang pangyayari sa buhay namin ngunit heto parin kami patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay.
Sa aking palagay makakadulot ng malaking pagbabago ang pagkapasa ko sa Board Exam dahil konting tiis na lang ay makakamit ko na ang pangarap ko na maging isang regular na guro. Plano kong gamitin ang aking kakayahan sa pamamagitan ng pagtuturo ng magagandang asal sa mga bata at magseserbe rin akong inspirasyon sa kanila na kailan man hindi hadlang ang hirap ng buhay para makamit ang kanilang inaasam na tagumpay. Maihahatid ko ang mensahe ng pag-asa at pagbabago sa mga kabataang patuloy na nangangarap sa pagitan ng pag share ng kwento ng aking buhay sa kahit anong paraan upang maramdaman nilang hindi sila nag-iisa. (Ipinasa ni Municipal Link, Febbee Ann D. Brandes ng Bago City, Negros Occidental POO2)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD