
Testimonya ni Josephine S. Joaquin
Benepisyaryo ng 4Ps
BATAN, Aklan – Ako po si Josephine S. Joaquin, 55 taong gulang, at mayroong walong mga anak: Isa po kami sa kasalukuyang aktibong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Food Vendor sa Barangay Songcolan, Batan, Aklan. Pero bago po makapasok bilang benepisyaryo ng 4Ps, ay nagsilbi muna akong bilang Child Monitor Volunteer ng World Vision sa loob ng labing-isang taon, Batan Rural Improvement Club member ng apat na taon, at President ng International Care Ministry ng dalawang taon. Sa panahong iyon mahasa ang aking talento sa pakikipag halubilo sa mga kabataan at iba pang miyembro sa komunidad.
Noong taong 2011, maswerteng napabilang ang aming sambahayan sa programa. Lubos ang aming kagalakan at pagpapasalamat dahil isa kami sa mga mapalad na napili ng nasabing programa ng pamahalaan para sa aming mahihirap. Pagtitinda ng iba’t ibang kakanin ang aking hanapbuhay noon samantalang ang aking asawa naman ay pag-aayos at pananahi ng mga sirang payong at sapatos. Kakaramput lamang ang aming kinikita kaya madalas itong kulang o hindi sapat sa pang araw-araw na gastusin ng aming buong pamilya. May mga pagkakataong dalawang beses lamang kami kumakain sa isang araw para lamang mapagkasya sa aming sampu.
Sobrang hirap ang aming pinagdaanan noon pero hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asa na balang araw ay giginhawa rin ang aming pamumuhay. Bilang ilaw at haligi ng aming tahanan ay nagsusumikap kaming mag-asawa na maghanapbuhay upang matustusan ang pangangailangan ng aming mga anak lalo na sa kanilang pag-aaral. Nang kami’y mapabilang na sa programa ay unti-unti na ring nagbabago ang aming pamumuhay. Unti-unti kaming nakakaraos sa pang-araw araw dahil napupunan nito ang aming pinansyal na pangangailangan lalo na sa edukasyon ng aming mga anak. Sa tulong ng 4Ps grants, ang aming pamilya ay nagkaroon ng pambili ng mga grocery, gamot, karagdagang gamit pang-eskwela, tsinelas, at iba pa nilang pangangailangang pang kalusugan at edukasyon.
Ang noo’y dalawang beses lamang na pagkain namin sa isang araw ay naging sapat at tatlong beses na. Nakakasali na rin ang aking mga anak sa lahat ng activities ng kanilang paaralan dahil sa tulong rin ng programa. Sa awa ng Diyos, nakapagtapos namin sa pag-aaral ang aming limang anak sa high school at isa sa kolehiyo. Sila ngayon ang katuwang namin sa pagpapa-aaral ng tatlo pa niyang kapatid na kasalukuyang minomonitor sa programa. Hiling ko na sana’y magtagumpay sila sa kani-kanilang mga larangan at makapagtapos ng pag-aaral.
Sa kasalukuyan, itinalaga ako bilang isa sa mga bagong Parent Leaders sa aming barangay. Alam ko po na ang pagiging isang Parent Leader ay may kaakibat na malaking responsibilidad ngunit handa ko pong gawin sa abot ng aking makakaya na magampanan ito ng maayos. Lubos ko pong pinahahalagahan ang tiwalang binigay sa akin ng aking mga kapwa-miyembro at Municipal Links. Noong July 2024 naman ay nahalal ako bilang Presidente ng Batan Parent Leaders Association.
BOLUNTARYO
Bilang isang Parent Leader nakakatulong ako sa aking kapwa benepisyaryo sa pamamagitan ng pagpapaintindi, pag-papaliwanag, pagpapakitang-gawa, pagtulong, pagbibigay, pagmamahal at higit sa lahat pag-respeto sa kapwa tao upang maging maayos ang aming pagsasamahan at upang maging isang huwarang mamamayan ng ating lipunan
Makakatulong din ako sa aming komunidad sa pamamagitan ng pagsunod sa bawat batas na naaayon sa aming komunidad, pagtangkilik sa sariling produkto sa lipunan. Pagsama sa programang pang komunidad, pagsunod sa bawat alituntunin ng ating bayan upang maging maayos at mapayapa ang ating komunidad.
Makakatulong din ako sa mga programa ng DSWD sa pamamagitan ng pagsunod sa mga patakaran, layunin at alituntunin ng mga opisyal ng 4Ps, sa aming mga Municipal Link. Maging aktibo sa programa at pagsuporta sa mga layunin ng mga programa upang mapaunlad ang pang-kabuhayan at mahubog ang kanilang kakayahan sa pangnenegosyo upang magkaroon ng pag-kakakitaan at mapa-unlad ang kabuhayan. Gayundin sa ibang programa ng ahensya upang mapaunlad at mapabilis ang komunikasyon, transportasyon lalong lalo na ang pag-angkat ng mga produckto.
Unang pagsubok ang aking napagdaan ay noong Nobyembre 8, 2013 ang pag hagupit ng bagyong Yolanda sa aming bayan at ang aking pangalawang pagsubok na dinanas ay ang paglaganap ng Covid-19 virus. Sa awa ng mahal na Panginoon hindi pa rin niya kami pinabayaan sa aming pang-araw-araw na pangangailangan kahit sa panahon ng pandemic. Kahit papaano tumutulong parin ako sa aking mga kapatid at kaibigan at sa awa ng mahal na Diyos, kahit isa sa aming pamilya ay hindi kami nagkasakit at nalampasan din naming aming dinanas sa panahong iyon.
Ako po at ang aming sambahayan ay lubos na nagpapasalamat sa programa dahil hindi lamang tulong-pinansyal ang aming nakamtan kundi natuto rin kaming maging mapanagutang mamamayan sa salita at sa gawa. (Aklan POO)