Isinulat ni: Krischelle-J P. Sarceno
Municipal Link
KALIBO, Aklan – Bago pa man makarating sa makulay na tagumpay ang pamilya Rebanio, marami na silang pinagdaanan na pagsubok.
Si Lerio Rebanio, ang ilaw ng pamilya, ay nagsimula sa isang simpleng hanapbuhay. Dahil sa hirap ng buhay, nagdesisyon si Lerio na magtinda ng lumpia, ukoy, at breadroll sa kanilang barangay at sa mga kalsada ng Kalibo upang maitaguyod ang kanyang pamilya. Ang kita mula sa kanyang tinda ay hindi laging sapat, pero nagsikap siya upang masiguro na may makakain ang kanyang mga anak at mapagtulungan nila ang mga gastusin sa araw-araw.
Ngunit ang buhay ay puno ng mga sopresa dahil taong 2018, napansin ng barangay ang sipag at dedikasyon ni Lerio kaya siya ay natanggap bilang utility at messenger ng barangay hall. Isang hakbang ito na nagbigay sa kanya ng mas matatag na trabaho at regular na kita. Mula noon, nakatulong siya hindi lamang sa kanyang pamilya, kundi pati na rin sa buong komunidad, kaya’t naging inspirasyon siya sa iba pang mga tao na magsikap at huwag mawalan ng pag-asa.
Sa kabila ng lahat ng pagsubok, hindi nakalimutan ni Lerio ang kanyang pangunahing layunin: ang tiyakin ang magandang kinabukasan ng kanyang mga anak. Patuloy nilang pinapahalagahan ang edukasyon ng kanilang mga anak, at ang kanilang pangarap ay hindi lamang makatawid sa araw-araw, kundi magkaroon din sila ng pagkakataon na magtagumpay sa buhay.
Si Danica Jane Rebanio, ang bunso at ang minomonitor sa programang 4Ps. Isang batang may hindi matitinag na determinasyon. Habang siya ay nag-aaral sa Kalibo Institute, nagsimula siyang makilala sa larangan ng Pencak Silat, isang uri ng martial arts mula sa Indonesia. Sa kabila ng kakulangan sa materyales at hindi sapat na suporta mula sa iba, ipinakita ni Danica ang kanyang kagalingan sa sport na ito lalo na ang kanyang nakakatandang kapatid na lalaki na si Dan Rio ang nagselbing kanyang coach taong 2020 pagkatapos ng pandemya dulot ng COVID-19.
Noong 2023, sa edad na 15, sumali si Danica sa isang Pencak Silat competition sa Ayala Mall sa Maynila. Ang kanyang pagsali ay naging viral sa social media, hindi lamang dahil sa kanyang husay sa laban kundi dahil sa nakakalungkot eksena kung saan sila ay natutulog gamit ang ng cardboard, habang hinihintay ang kanyang laban. Ang mga larawan at video na ito ay naging patunay ng kanyang hirap at dedikasyon. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nanalo siya ng Gold Medal sa Bebas Solo Creative at Tanding Fighting Category, na nagsilbing simula ng kanyang tagumpay.
Noong 2024, ipinagpatuloy ni Danica ang kanyang mga laban at tagumpay. Sa WVRAA Negros noong Enero 2024, nakapag-uwi siya ng isa na namang Gold Medal sa Seni Regu sa Pencak Silat Secondary Girls. At sa 1st Pencak Silat National Championship noong Hunyo, siya ay nagwagi ng tatlong Gold Medals sa Solo Bebas, Regu Trio, at Tanding Fighting. Dahil sa kanyang mga tagumpay, naging inspirasyon siya sa kanyang komunidad at sa buong Aklan, na nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang magrepresenta sa Batang Pinoy sa Palawan nakaraang Nobyembre 2024 at. Si Danica ay nakuha ang dalawang Gold medal at kumakatawan sa Aklan sa Solo Artistic Bebas Category, na isang malaking karangalan para sa kanilang pamilya at buong lalawigan.
Ngunit ang pinakamalaking tagumpay ay nang siya ay napili upang mag-representa sa World Championship Pencak Silat sa Dubai sa Disyembre 2024, kung saan siya ay magsisilang ng karangalan para sa bansa sa Solo Bebas at Tanding Fighting Category.
Ang mga tagumpay ni Danica ay hindi lamang bunga ng kanyang pagsusumikap kundi pati na rin ng mga tulong na natanggap nila mula sa mga programa tulad ng 4Ps. Taong 2012, nang nakapasok ang pamilya Rebanio sa programa. Sa kabila ng mga pinansyal na pagsubok, nakatulong ang 4Ps sa pagpapagaan ng kanilang buhay, kaya’t nakapagpatuloy ang mga anak ni Lerio sa kanilang pag-aaral at sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Ngayon, ang pamilya Rebanio ay isang simbolo ng pagsusumikap, pag-asa, at tagumpay. Mula sa hirap ng buhay, mula sa pagtitinda ng lumpia at ukoy, hanggang sa mga nakamit na medalya ni Danica sa Pencak Silat, ang pamilya Rebanio ay patunay na sa pamamagitan ng sipag, determinasyon, at tulong mula sa mga programa ng gobyerno, lahat ng pagsubok ay mapagtatagumpayan.
Si Danica ay patuloy na lumalaban, hindi lamang para sa sarili, kundi para sa kanyang pamilya at sa bayan ng Aklan. Ang kanyang tagumpay ay isang inspirasyon sa mga kabataang tulad niya na may pangarap, na kahit na ang buhay ay puno ng pagsubok, may pag-asa at tagumpay sa bawat hakbang na kanilang tatahakin.