Batang 4Ps nagbigay karangalan sa mga taga Aklanon

Kwento ng Buhay ni Mary Grace D. Iguin
Aklan 4Ps Exemplary Provincial Child Winner 2024

LEZO, AKLAN – “Sa buhay, hindi lahat ng oras ay palagi kang talo. Sa pagsusumikap, darating din ang pagkakataon na malalasap mo ang sarap ng panalo.”

Ganito inilalarawan ng isang Exemplary Child ang kaniyang murang buhay. Siya ay si Mary Grace De Panes Iguin, labing apat na taong gulang mula sa tahimik at payapang lugar ng Brgy. Silakat Nonok, Lezo, Aklan. Ang kanyang mga magulang ay sina Wilfredo at Gloria Iguin. Siya ang bunso sa anim na magkakapatid at apat sa kanila may sarili ng mga pamilya.

Sa murang edad ay namulat na siya sa mahirap na pamumuhay na kung saan salat sa mga pangunahing pangngailangan lalo na sa pag-aaral. Pagtatrabaho sa kontruksyon at pag-aalaga ng mga manok at baboy ang pinagkukunan nila ng kanilang kabuhayan. Kahit na matanda na ang kanyang mga magulang ay patuloy silang nagsusumikap na maitaguyod at mapagtapos siya sa kanyang pag-aaaral. Ngunit, hindi ito naging hadlang kay Mary Grace para sumuko. Bagkus ay ginawa niya itong inspirasyon para maging palaban sa pagharap sa bawat hamon ng buhay.

Simula na maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2012 ay mas lalo siyang nagpursige sa kanyang pag-aaral. Dahil sa ayaw niyang masayang ang tulong na natatanggap para sa kanyang pag-aaral, noong siya ay nasa elementarya ay araw-araw niyang binabaybay ang ilang ektarya ng palayan ng halos aabot sa isang oras para makapunta sa paaralan sapagkat hindi lahat ng bata ay nabiyayaan na mapabilang sa programa. Nabuksan at lumawak din ang kanyang pang-unawa sa halaga ng buhay at pamilya at karapatan bilang isang bata dahil sa mga turo ng kanyang ina galing sa Family Development Session (FDS).

Sa bawat patimpalak na kaniyang sinasalihan mapa-Math contest, storytelling, sayawan at paglalaro ng Chess sa loob at labas ng paaralan at maging sa simbahan ay ganoon nya na lamang ipanapamalas ang kanyang angking galing at talino sa hangarin na makuha ang pinaka-mataas na gantimpala para may ma-iambag sa gastusin ng kanyang pamilya. Sa kabila ng mga tagumpay na kanyang natamasa ay naranasan na rin niya ang pait ng pagkatalo.

Subalit hindi ito naging hadlang para sumuko sa halip ay isinabuhay niya ang turo ng bawat pagkatalo at ginawa itong kasangkapan para manalo sa iba pang patimpalak na kanyang sinalihan kasama na ang Provincial Search for 4Ps Exemplary Children 2023 kung saan nakuha niya ang ikatatlong pwesto at higit sa lahat ang ma-iuwi ang natatanging titulo bilang Provincial 4Ps Exemplary Child 2024. Naging kumakatawan sa probinsya ng Aklan sa Regional Search for 4Ps Exemplary Child noong Setyembre 25, 2024 sa Iloilo City.

Maging sa edukasyon ay ipinapamalas niya rin ang kanyang angking talino at galing sa liderato kung saan ay napanatili niya ang pagiging numero uno at presidente sa kaniyang klase mula Grade one hanggang magtapos sa Grade 6 sa Agcawilan-Silakat Nonok Elementary School. Sa kasalukuyan, siya ay nag-aaral sa Lezo Integrated School at nananatili sa isa sa mga Top Students. Siya ay isa sa mga nakatanggap ng With High Honors sa Grade 7 at hinirang na Class President sa Grade 8.

Sa kabila ng bawat patimpalak na kanyang sinalihan at napanalunan, siya ay nananatiling mapagkukumbaba at hindi nakakalimot sa bawat aral na itinuro ng bawat pagkatalo. Higit sa lahat, ay ninanais niyang mapagtagumpayan ang natatanging patimpalak ng buhay, ang “patimpalak ng pangarap”.

Pangarap niya na mabigyan ng maayos at masaganang buhay ang kanyang mga magulang. Pangarap rin niya na maging guro o pulis balang araw sa hangarin na maturuan ang bawat bata lalo na ang pinag-kaitan ng pagkakataon na makapag-aral at makapaglingkod sa bayan para itaguyod ang karapatan ng mga bata laban sa karahasan. (Isinulat ni: Lezo Municipal Link, Kristian S. Yet of Aklan POO)

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD