“GALAW”
Kahirapan napagtagumpayan tungo sa pangarap na pagbabago
Testimonya ni: Florence Pagsuguiron
(Ang Pamilyang Pagsuguiron ay nanalo bilang 2024 Huwarang Pantawid Pamilya Regional Winner)
SAN REMEGIO, Antique (Region VI) – Checkmate! Ito ang katagang pagkatalo na ayaw marinig ng mga katulad naming palaban sa tuwing kami ay naglalaro ng ahedres o chess. Ang layong chess kasi ay naging libangan o family bonding naming magpamilya tuwing bakante kami sa oras. Ang larong ito ay mahahalintulad ko sa buhay namin. Ako ang reyna, asawa ko ang hari at ang mga anak namin ay tumatayong tore, obispo, kabayo, at sundalo.
Tulad sa reyalidad ng buhay, dapat maingat ang bawat kilos o galaw dahil dito nakasalalay ang aming kinabukasan. Kaya kailangan matalas ang isip, dedikasyon sa bawat galaw ang kailangan ng puso, proteksyonan at magtulungan ang bawat isa para sa minimithing tagumpay ng mga pangarap tungo sa pagbabago.
Hayaan ninyo ako na ibahagi ang buhay na meron kami noon at ngayon para makapagbigay inspirasyon sa katulad naming mahirap pero nangangarap na makaahon sa kahirapan.
PANGARAP
Ako si Florence Pagsuguiron. Namulat ako sa mahirap na pamumuhay dito sa bayan ng San Remegio, probinsya ng Antique. Ang aming bayan ay pinapaligiran ng bukid kaya sariwa ang hangin at masagana sa pagkaing gulay at prutas. Kaya ang pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao sa aming lugar at ito rin ang namulatan kong trabaho ng aking mga magulang.
Parang kailan lang kay bilis lumipas ang panahon. Sa mura kong edad na 18, nakapag- asawa ako kay John na taga karatig bayan ng Tibiao dito rin sa probinsiya ng Antique at nabiyayaan kami ng anim na mga anak. Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo dahil hindi na kayang tustusan ng mga magulang ko ang magpapa-aaral sa aming magkakapatid. Ang pangarap ko noon na maging isang guro ay parang impossible na pero nanatiling pangarap ko pa rin iyon kahit umiba na rin ang aking mga prioyoridad sa buhay lalo na nang nag-asawa ako.
Sa buhay mag-asawa, maraming bagay, pangyayari, at mga pagsubok na ang dumating sa aming buhay na sumubok ng aming pananampalataya, katatagan at pagmamahalan bilang isang mag-asawa at pamilya. Hindi ko man masasabi sa ngayon na kami ay lubos ng tagumpay pero malayo na rin ang narating namin ihambing noong nagsisimula pa lamang kami. Aminado ako na marami kaming pagsubok na hinarap pero halos lahat na ito ay napagtagumpayan namin dahil iyon sa tulong na natatanggap namin mula sa gobyerno lalo na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) samahan pa ng aming pagsisikap at determinasyon na makatawid mula sa kahirapan.
Laking pasasalamat po namin na naging bahagi kami ng libo-libong pamilya na natulungan ng 4Ps. Ginamit namin sa wastong pamamaraaan ang cash grants at sinamantala ang mga pagkakataon na minsan kumatok sa aming pintuan. Nakaka-proud sabihin na dahil sa determinasyong maiangat ang sarili at ang antas ng pamumuhay ng aking pamilya, isa na ako ngayong lisensyadong guro na nagtuturo sa Alternative Learning System (ALS) dito sa aming barangay. Matagal man na panahon ang paghihintay pero naisakatuparan ko parin iyon kahit sa edad na 45 dahil kailanman hindi ko binitawan ang aking pangarap. Sa aking paglago, kasama ko ring umangat ang aking asawa at mga anak.
Ngunit bago pa man kami nakapasok sa programa taong 2008 at narating kung ano ang meron kami ngayon, talagang sinubok kami ng tadhana. Dahil sa batang edad namin ng aking asawa at pawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, namuhay kaming hiwalay sa aming mga magulang. Wala pang linya ng kuryente noon. Ilaw na de gas ang aming tanglaw sa gabi.
Mahirap pero nagsikap kami para maibigay ang mga pangangailangan ng mga bata lalo na sa pag-aral. Kakaunti ang sasakyan kaya araw-araw nilalakad ng mga bata papuntang paaralan na hindi rin masyadong kalayuan nasa 15-20 minuto lamang. Ang aking asawa ay construction worker at tuwing taniman ng palay, tumutulong rin siya sa bukid habang ako naman ay isang maybahay. Ang paghahalaman at pasusulsi ng sirang damit ang siyang pinagkakaabalahan ko. Hindi rin ako nakikihalubilo sa mga tao dahil hindi pa nawawala ang hiyang nadarama sa mga naranasang pagkabigo sa buhay dulot ng maagang pag-aasawa.
Wala rin akong may mahanap na disenteng trabaho dahil hindi nakapagtapos ng pag- aaral sa kolehiyo. Huminto ako sa 2nd year college sa kursong Bachelor in Secondary Education (BSED) major in Social Studies. Kaya natutunan naming kumayod para mabuhay lalo na nang magkaroon ng magkasunod-sunod na mga anak. Sa ganitong sitwasyon, halos hindi ko na maisip ang sariling kapakanan kundi ang pagpapalaki lamang ng mga anak at kung paano mairaos ang pang-araw-araw na mga pangangailangan.
PAGBABAGO
Tunay na mabuti ang Panginoon nang napabilang ang aming sambahayan sa 4Ps. Nabuhayan ako ng pag-asa kasi maliban sa cash grants na natatanggap para sa edukasyon at kalusugan ng mga anak, gusto kong pasalamatan ang Family Development Session (FDS) na humubog at nagsimula ng malaking pagbabago sa amin lalo na sa pagpapatingkad ng aming pagkatao at pamumuhay.
Dahil sa mga pagbabagong ipinagkaloob ng programa, nagkaroon ako ng lakas ng loob na humarap sa maraming tao at magsalita na may paninindigan at determinasyon. Ito ang dahilan na napili ako bilang Parent Leader (PL) ng 4Ps sa aming barangay. Dito ako nagsimula dumalo sa ibat-ibang pag-insayo at seminar na nagpa-unlad ng aking sarili at kakayahan. Ang kumpiyansa sa sarili ay muling nanumbalik. Ako ay naging volunteer ng KALAHI-CIDSS simula taong 2012 hanggang sa kasalukuyan, at Barangay Sub-Project Monitoring Committee (BSPMC) Chairperson mula 2012 hanggang 2015 at naging kumakatawan sa mga kababaihan ng Civil Society Organization taong 2015.
Kalauna’y naging presidente ng asosasyon ng Sustainable Livelihood Program (SLP) taong 2017. Samu’t- samot responsibilidad ang nakaatang sa akin na nabihasa na maging responsible at hindi maiwasan na makikilala dahil sa mga kakayahang naipamalas. Naging bise-presidente ako ng Parents-Teachers Association ng Calag-itan Central School ng isang taon (2017) at naging Secretary ng San Remigio Producer’s Cooperative ng dalawang taon simula 2021 hanggang 2022. Hindi ko lubos maisip na mula sa pagiging isang PL, lahat ng ito ay aking makakayang gampanan.
Dagdag pa dito, dahil 4Ps kami, ang aking asawa ay naging benepisyaryo rin ng SLP para sa libreng pagsasanay sa TESDA. Ito ang masasabi kong may malaking ambag sa pagbabago ng aming pamumuhay sa kasalukuyan dahil nagkaroon siya ng maraming pagsasanay sa electricity, welding, carpentry, construction painting, at masonry. Dahil sa mga pagsasanay na ito, naging pursigido ang aking asawa sa paghahanap ng ibang mapagkakakitaan na siyang nagbigay kaginhawaan sa amin para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
Maliban sa pagiging construction worker, ang aking asawa ay magaling sa paggugupit kung kaya’t nagpatayo kami ng maliit na barber shop at vulcanizing shop sa labas ng aming bahay. Bukod dito naging on-call electrician rin siya ng ANTECO at nakapagtrabaho bilang electrician sa Belison Public Market ng apat na buwan noong nakaraang taon. Kaakibat ng cash grants, ang sakripisyo at kasipagan ng aking asawa ang nagtaguyod sa mga gastusin sa loob ng bahay at maging sa bayarin sa paaralan.
Taong 2017, nang naging Secretary ako ng San Remigio Jeepney Operators and Drivers Association (SanReJODA) may natatanggap akong honorarium na Php600.00 kada buwan. Nag-alok rin sila sa akin ng libreng pamasahe sa jeep, at saktong mayroong free tuition sa University of Antique- Sibalom Campus kaya naisipan kong ipagpatuloy ang naudlot na natirang dalawang taon na pag-aaral sa kolehiyo.
Bagama’t alam kong mahirap dahil anim na ang mga anak kong nagsisipag-aral din, dalawa sa elementarya, tatlo sa high school at ang aking panganay ay nasa 2nd year college na pero hindi ako nagdadalawang isip na ipinagpatuloy ang aking pag-aaral. Sabi nga nila, “opportunity knocks only once” kaya hindi ko pinalampas ang pagkakataon dahil naniniwala ako na ito ang magiging daan upang kami ay makaahon sa kahirapan. Suportado naman ng aking buong pamilya ang naging desisyon ko kaya 2nd Semester ng taong 2017, ako ay nagsimulang mag-aral muli.
Sa aming pag-aaral, ang tanging haligi ng tahanan ang siyang bumubuhay sa amin. Ang kanyang munting pinagkakakitaan mula sa kanyang vulcanizing shop, paggugupit at mga nabanggit na sidelines ay maingat niyang pinagkakasya sa aming lahat mula sa pagkain hanggang sa baon at pamasahe. Siya na rin ang nagsilbing ilaw ng tahanan at nag- aasikaso sa mga bata kapag ako ay nasa paaralan. Hindi ko lubos maisip kung paano naitawid ng asawa ko ang lahat na pang-araw araw namin na gastusin.
PAGSUBOK
Sa kabila ng lahat, hindi parin maiwasan ang kapusin kami paminsan-minsan. Sa panahong ito naging madalas ang aking pagliban sa klase at minsan hindi makakuha ng mga examinations.
Dagdagan pa ng mga responsibilidad sa bahay, paaralan at trabaho, ibig ko ng bumitaw dahil sa hirap na naranasan. Nasa bingit na ako ng pagsuko nang dumating ang scholarship na Tertiary Education System (TES) ng CHED kung saan nakapasok ako sa programa kasama ang dalawa ko pang mga anak. Nasa 4th year college ako noon at ang panganay na si John Mikko at ika-kalawang anak na si Jared ay nasa 2nd year college.
Naniniwala akong na isa sa kadahilanan na nakapasok kami sa scholarship ay dahil 4Ps ang aming pamilya. Dahil dito, ito ang nagbigay daan upang makabili kami ng laptop at cellphone na lubos na kakailanganin sa pag-aaral. Ito rin ay dagdag sa pangtustus sa pang araw-araw na gastusin sa bahay at paaralan.
Hirap man ang pinagdaanan, sa wakas, nakapagtapos kami ng aking panganay ng sabay sa taong 2019. Si John Mikko ay nagtapos noong Abril, at ako naman ay Disyembre. Lubos ang kaligayahan namin dahil sa naipasa ng aming anak ang kanyang board exam sa Licensure Examination for Criminologist sa unang pagkuha ng pagsusulit sa parehong taon. Nagpapasalamat kami sa Panginoon dahil hindi niya kami binigo.
Subalit, ang kasayahan na iyon ay napalitan ng kalungkutan nang ang ikalawang anak na si Jared ay pansamantalang huminto sa pag-aaral noong nasa 3rd year college dahil sa pandemya dulot ng COVID-19. Mahirap ang signal sa aming lugar at wala kaming sapat na internet para sa online classes. Pansamantala siyang nagtrabaho sa Manila ng ilang taon pero nangako naman siya na babalik sa pag-aaral para maipagpatuloy ang naantalang kurso na Bachelor of Science in Electrical Technology sa University of Antique.
Nadagdagan pa uli ang problema namin nang ang ikatlong anak na si Keen ay huminto siya sa pag-aaral sa West Visayas State University- Antique campus taong 2021 dahil sa banta ng kanyang kalusugan. Ayon sa doctor, kailangan niya na magpahinga upang mahinto ang kanyang matinding migraine na nararanasan kapag siya ay nagbabasa dahil dito hindi siya pwedeng magpa COVID-19 vaccine. Ang vaccine ay isa sa mga requirements bago makapasok sa WVSU kaya napagdedisyon namin na huminto muna siya pansamantala. Nahinto man siya sa pag-aaral pero ito naman ang nagbukas ng ibang opportunidad sa kanay na makuha siya bilang chess trainor dahil na rin sa kanyang angking talento sa paglalaro.
TAGUMPAY
Sa kabila ng mga problemang hinaharap, pinilit kong kumuha ng Licensure Examination for Teachers taong 2022. Atubili at walang paghahanda, nagpursigi pa rin ako kahit hindi nakapagrereview. At bago magpapasko, lumabas ang resulta at laking tuwa namin ng nakapasa nga ako. Iyon ang pangalawang tamis ng tagumpay na dumating sa amin – ang maging isang Licensed Professional Teacher ako.
Agad na sumunod na taon, isang oportunidad ang aking natanggap bilang ALS teacher sa Calag-itan Central School. Nabigyan ako ng kontrata noong Septyembre 2023 hangang sa taong kasalukuyan. Dito nasukat ang aking pasensiya at determinasyon bilang isang guro lalo na ang pagkunbinsi sa mga 4Ps na kabataan na magbalik eskwela. Ginawa kong halimbawa sa kanila ang aking sarili para magkaroon sila ng sapat na motibasyon at inspirasyon na makabalik at makapagpatuloy sa pag-aaral. Sa ngayon, ang aking 23 na estudyante lahat ay nagtapos na sa high school.
Nagpapasalamat din ako sa Panginoon dahil ang aming mga anak ay maka-Diyos, responsible, masipag mag-aral at sa mga gawaing bahay, nabiyayaan ng talino at talento. Sa katunayan, ang aming ikaapat na anak na si Floyd ay 2nd year college na kumukuha ng Bachelor of Science in Electrical Engineering samantala sina Freya, at Dastan, na kapwa nasa Grade 8 at 11, ay puro mga consistent honor students.
Ang mga paghihirap namin ay naibsan sa tuwing nagkakaroon sila ng karangalan sa kanilang pagtatapos, lalo na ang pagkakaroon nila ng oportunidad na makasali sa extra- curricular activities sa paaralan. Dagdag pa dito naging aktibo sila sa komunidad gaya ng pakikilahok sa ibat-ibang aktibidad ng Sangguniang Kabataan (SK) at Barangay Council na nakakatulong sa pagpapaunlad sa komunidad at kalikasan lalo pamamagitan ng tree planting activity, at clean-up drive. Gaya namin, naging aktibo din sila sa pagsilbi sa simbahan bilang Acolytes at Children of Mary lalong-lalo na si Freya na tumutulong para maturuan ang ilang mga bata ng tamang pananampalataya.
Laking pasasalamat rin namin na si Keen ay muling mag-enroll bilang 1st year college sa kursong Civil Engineering habang si Jared ay umuwi na dito sa Antique para ipagpatuloy ang naantalang pag-aaral. Ang panganay naman namin ay kasalukuyang naghihintay ng resulta sa kanyang in-applayan sa Philippine Coast Guard. Bilang benepisyaryo ng 4Ps, nakakuha kami ng endorsement o certification galing sa DSWD na sana makakatulong sa kanyang aplikasyon.
Para sa amin, isang biyaya ang pagiging isang benepisyaryo ng 4Ps. Ito ay nagsilbing katulong at karamay namin sa lahat ng bagay lalo na sa pinansyal na aspeto. Pero higit pa sa pinansyal na aming natatanggap ay ang mga opportunidad na nagpabago ng aming pagkatao, pananaw sa buhay, pakikitungo sa komunidad, at pamumuhay na unti-unting nakatulong sa pag-abot sa mga minimithi sa buhay.
Ilang ulit man kami sinubok ng pagkakataon, amin itong nalampasan dahil sa pagmamahal, pag-unawa, pagtutulungan, at pananampalataya sa Panginoon na siyang kaakibat ng buong pamilya. Nadapa man kami minsan pero bumabangon muli na mas matatag, matapang, at matibay ng loob.
Sa huli, sa mga kapwa ko benepisyaryo ng programa, huwag sumuko mangarap, at patuloy na isabuhay ang mga aral na natutunan sa FDS. Huwag ipawalang bahala ang mga oportunidad na temporaryong ipinagkaloob sa atin ng gobyerno dahil kung ito ay ginagamit sa tama, ito ay magiging susi tungo sa habangbuhay na tagumpay.
Alam kong hindi pa nagtatapos ang aming kuwento. Tulad ng larong chess, tuloy ang pakikipagsapalaran habang makakagalaw. Parang isang laro sa buhay na dapat mong pagwagian, isang laro na kailangan ng husay at galing sa pakikipaglaban para proteksyonan ang bawat isa na bumubuo ng pangkat. Higit sa lahat, pagkatapos ng laro, lahat ng piraso ay sama-sama pa rin sa isang kalalagyan.* (mgc)