IPs Parent Leader nagtapos sa Junior High School dahil sa ALS
Testimonya ni: Jeralyn C. Laudenorio
4Ps Parent Leader
TAPAZ, CAPIZ – “Ang buhay ay isang paglalakbay, hindi isang destinasyon,” ito ang paniniwala ko na nagbibigay sa akin ng tamang direksyon sa buhay.
Ako po si Jeralyn, 38 taong gulang, isang Panay Bukidnon na nagmula sa Calinog, Iloilo at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Programa (4Ps) dito sa kasalukuyang tinitirhan namin sa Tapaz, Capiz.
Hayaan ninyo akong e kwento kung ano ang naging buhay ko nang ako ay nakapag-asawa na. Fourth year high school ako noon nang nakilala ko si Erwin, isang IPs at aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) noon. Nagustuhan siya ng aking pamilya at kahit ako ay nag-aaral pa lamang, namanhikan si Erwin sa aming bahay sa Calinog.
May mga pagkakataon na kahit maraming presensya ng mga military sa aming lugar, tuloy pa rin ang pamamanhikan in Erwin. Gustong-gusto ni Erwin na tumiwalag na sa kanyang grupo kaya nag desisyon siya na magtago at sumama na rin ako. Napahinto ang aking pag-aaral dahil kung saan-saang lugar kami nakarating para magtago sa kanyang mga grupo at sa mga militar. Sa mga panahong iyon, ako ay nabuntis sa aming panganay na anak.
Nasundan pa ito taong 2007 nang ako ay nabuntis muli sa aming pangalawang anak. Isang taon lamang ang pagitan nila kaya sobrang nahirapan ako sa aking sitwasyon dahil dalawa na sila ang aking pinapasuso. Sa taong ding iyon, sumuko ang aking asawa sa 47th Infantry Battalion. Binigyan siya ng amnesty ng gobyerno, livelihood assistance at certification ng militar noong taong 2009. Doon nagsimula kami ng bagong buhay sa Calinog.
Agusto 2011, dalawang linggo pagkatapos akong nanganak sa ika-apat naming anak ay linusob ang aming bahay ng dati niyang mga grupo at dahil dito, gusto ng aming mga kapitbahay na kami ay umalis sa lugar dahil ayaw nila ng gulo. Kahit labag sa aming kalooban dahil kami ay nakapagpundar na ng bahay at maliliit pa ang aming mga anak, nag desisyon kami na umuwi sa kanilang lugar sa Capiz.
Nagsimula muli kami ng panibagong pamumuhay at nagpatayo ng munting bahay. Sobrang hirap ng aming sitwasyon dahil kami ay mag-uumpisa na naman muli. Kahit pang araw-araw na pagkain namin, pinoproblema pa namin. Wala kaming ilaw kaya gas o “kingki” ang gamit namin sa gabi. Naranasan namin na maubusan ng bigas at kumain na lang ng laman ng gabi sa buong araw.
Minsan, humihingi kami ng bigas sa aking biyenan at pinagkakasiya lamang hanggang sa magkaroon ng trabaho ang aking asawa.
Pinapahiram ang aking asawa ng motorsiklo ng kanyang kapatid para makapag pamasahero at magkaroon ng kita na panggastos sa aming araw-araw na kailangan gaya ng baon sa paaralan ng aming apat na mga anak.
Muling dumating ang isang pagsubok sa aming pamilya nang dumating ang bagyong Yolanda taong 2013. Nasira ang buong bahay namin at pansamantalang sa paaralan kami tumuloy. Iniisip ko noon kung paano uli kami makakabangon at kung saan kami kukuha ng pampatayo uli ng bahay. Sobrang dinibdib ko ang nangyari na nagdulot ng aking pagkabinat dahil isang buwan pa lamang ako nakakapanganak noon.
Minsan, habang dumadaan ang mga miyembro ng 4Ps sa aming bahay, ay nakakaramdam ako ng lungkot dahil sobrang hirap namin pero hindi pa kami miyembro ng 4Ps. Sabi ko nga kung benepisyaryo sana kami ng 4Ps, malaking tulong na sana sa amin. Kaya nagsumikap na lamang kami para sa aming pamilya. Nagkakaingin, nag tatanim ng mga kamoteng kahoy, at iba pang gulay para makabenta.
Nang dumating ang isang opportunidad, nag-enroll ako sa Alternative Livelihood System (ALS) dahil gusto kung makatapos sa high school pero hindi ko rin natapos dahil ang mga kasamahan kong mga Nanay ay huminto at nawalan na din ako ng gana.
Taong 2019 ay pinatawag ako para sa validation ng mga bagong miyembro ng 4Ps.
Laking tuwa ko dahil magiging 4Ps na din kami. Nilakad ko lahat ng mga requirements at sinigurado na makakapasok agad kami sa 4Ps. Nang sumunod na taon, inanunsyo na isa na kaming ganap na benepisyaryo ng 4Ps. Kaya lang, may dumating na pandemya dulot ng Covid-19 sa ating bansa at naging mahirap ang pagkilos ng mga tao. Walang mapag kakakitaan at kahit ako ay isang benepisyaryo ng 4Ps na, wala pang cash card na para sa pag withdraw ng cash grants.
Oktubre 2020 ay pinatawag kami ng DSWD at pinapunta sa Landbank, Roxas City para kumuha ng aming cash card at nagsimula na ang malaking biyaya sa aming pamilya. Ang cash grants ng 4Ps na tinatanggap namin kada dalawang buwan. Malaking tulong sa aming pamilya lalo na sa aming mga anak. Nabibilhan ko na sila ng bagong tsinelas, damit, uniform at gamit sa paaralan ang mga bata.
Dahil sa kagustuhan ko na makatapos sa high school, nag enroll ako uli sa ALS pero nabuntis ako muli sa ika-anim naming anak at natigil na naman dahil maselan ang aking pagbubuntis. Pagkatapos ng isang taon na panganganak, nag enroll ulit ako at dahil modyular lang ang klase, natapos ko din ang aking high school ngayong taon.
Dahil ako ay may diploma na sa high school, nag apply ako ng trabaho abroad. Gusto ko din makipagsapalaran dahil lumalaki na ang aking mga anak at mag kokolehiyo na rin. Ayaw kong matulad sila sa akin na hanggang high school graduate lamang. Habang nasa Manila na ako at pinoproseso na ang aking mga papeles at naghihintay ng employer, hindi ko pala kayang iwan ang aking mga anak kaya umuwi na lang ako para makapiling sila.
Sa ngayon, ako ay isang aktibong Parent Leader at ginagampanan ang pagiging ilaw ng tahanan. Inaasikaso ko ang mga pangangailangan ng aking asawa at anim na mga anak. Pinaghahandaan ko din ang libreng dress making training para sa aming mga ALS graduates. Pagkatapos ng training na ito, inaasahan ko na makakatulong ito sa aming pamumuhay.
Malaki ang aking pasasalamat sa 4Ps dahil sa malaking tulong sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong tulad naming at dahil sa programa, maraming pangarap ang nabuo.
(Ipinasa ni Municipal Link, Mary Grace Biorrey, Tapaz MOO, Capiz POO)