Pakikipagsosyo sa pagitan ng 4Ps at SJMPC naging makabuluhan
SAN JOSE, Antique – Sa mga malalayong lugar, ang pagkuha ng cash grants sa mga banko or Automated Teller Machine (ATM) ay pahirapan lalo na kung madami ang pumipila. Ito ang nagtulak para sa Antique Provincial Operations Office na solusyonan ang hinaharap na problema para mabigyan ng kaginhawaan ang mga benepisyaro ng 4Ps.
Nagsimula ang pakikipag-ugnayan ng 4Ps sa San Jose Multi-Purpose Cooperative (SJMPC) noong 2020 sa panahon ng pandemic dulot ng COVID-19 sa pamamagitan kay Provincial Link Jeffrey G. Gabucay, ng Antique POO at Rodelyn I. Vera Cruz – Berto, SJMPC General Manager.
Napagsunduan nila na maging ka partner upang mapadali ang pagsasagawa ng over the counter payment ng mga benepisyaryo sa munisipalidad ng San Remigio, Antique.
Noong 2020, ang pinakamalapit na pinagkukunan nila ng cash grant ay sa munisipalidad ng Sibalom at sa Landbank San Jose lamang kung kaya’t kami ay nagsilbing Mobile ATM para sa mga benepisyaryo ng San Remigio na hindi na kailangang bumaba pa ng bayan para makuha ang cash grants. Kinakailangan lamang nila magbayad ng Php15.00 kada transaksyon.
Ayon sa mga benepisyaryo ng San Remigio, noong panahon na iyon, kapag sila ay kumukuha ng cash grant sa munisipalidad ng Sibalom o kaya sa San Jose, karaniwang naghihintay sila ng tatlo hanggang apat na oras bago ma proseso at makuha ang grant. Pero sa SJMPC, napadali ang pagkuha nila ng cash grants. Dagdag pa dito, nakatipid pa ng pamasahe at oras ang mga benepisyaryo, imbes na sa paghihintay nila nilalaan, may oras pa sila mamalengke o mag asikaso ng kanilang mga personal na lakad.
“Sa aking pagsusuri, isa sa mga aspeto na maaaring mapaunlad ng 4Ps ang serbisyo nito sa mga pamilyang Pilipino ay sa pagpapalawak ng financial literacy ng mga benepisyaryo, ng sa ganun maiwasan ang misuse of grants.” ayon kay Berto.
Ang kooperatiba ay kilala bilang “bank of the masses”, kaya ipinagtibay ang pakikipag-ugnayan ng SJMPC at 4Ps Antique sa pamamagitan ng pagsagawa ng Pre-Membership Educational Seminar (PMES) sa mga benepisyaryo upang sila ay ma-orient sa iba’t-ibang serbisyo na mayroon ang kooperatiba, at mahikayat na maging miyembro nito. Sa ganitong paraan makakatulong ang organisasyon sa pagpapaliwanag sa mga benepisyaryo ng konsepto ng pagtitipid at paglalaan para sa kinabukasan.
Ayon kay Berto, ang kaalaman sa tamang pamamahala sa pinansyal ay importante sa buhay, benepisyaryo man o hindi. Ang SJMPC ay bukas sa lahat ng benepisyaryo na nagsilbing “facility for savings’.
“Ang masasabi ko sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay huwag nating sayangin ang oportunidad na ibinahagi sa atin ng gobyerno, siguraduhin natin na ang ating natatanggap na cash grant ay ginagamit sa ating pangangailangan at ilaan sa kung saan ito nararapat – sa pagpapabuti ng ating pamumuhay, sa pag-aaral ng ating mga anak upang sa susunod tayo naman ang magbibigay serbisyo at masuklian ang tulong ng gobyerno sa atin,” ani ni Berto. (Antique POO)