Ginhawang dulot ng 4Ps, SLP sa mga pamilyang naninirahan sa baybayin
ESTANCIA, Iloilo – Ang bayan ng Estancia ay isang ika-4 klaseng bayan sa lalawigan ng Iloilo. Ayon sa senso ng 2020, ito ay may populasyon na 53,200 sa may 13,282 na kabahayan. Pangingisda ang ikinabubuhay ng mga tao dito dahil halos napapaligiran ito ng anyong tubig.
Isa ang pamilya ni Dajema B. Gonzales, 47, ng Barangay Bayuyan sa nasabing bayan na pangingisda ang kabuhayan kung kaya taong 2011 nang nakapasok ang kanilang sambahayan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Tatlo lamang ang kanilang anak kaya pasok ang tatlo na minomonitor ng programa.
Ang kwento ni Dajema, noong hindi pa sila 4Ps, napakahirap ng kanilang buhay. Walang permanenting trabaho silang mag-asawa. Kumukuha sila ng isda o talangka sa ilog. Minsan, nagtatrabaho rin sila sa palayan para lang makapera at may maibili na bigas at ulam.
Sabi ni Dajema, halos hindi sila makatabi ng pera dahil ang mga anak ay sakitin at may hika. Lagi na lang sila sa hospital pero kahit ganoon ang kanilang kalagayan, tuloy pa rin ang kanilang pag-aaral.
Nang naging 4Ps na sila, naging halos madali na ang lahat dahil may cash grants na sila na nakukuha sa programa na siyang pinagbibili ng mga pangangailangan ng kanilang mga anak para sa paaralan dala na rin ang kanilang mga pagkain, vitamins at uniform.
Naging aktibong miyembro ng 4Ps si Dajema sa kanilang barangay na naging tulay para maka pag- training siya sa ibat-ibang pangkabuhayan sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP) kung saan naging Presidente siya ng kanilang Bayuyan Oyster Farmers SLP Association.
Ang pagiging aktibo ni Dajema ang dahilan kung kaya napapanatiling maganda ang samahan ng bawat 16 na miyembro at pamamahala ng asosasyon.
Sa katagalan, akala ni Dajema ay okay na ang lahat dahil maayos na nakapag-aral ang mga anak sa tulong ng 4Ps at ng livelihood project. Ngunit dumating ang pandemya dulot ng COVID-19 kung kaya naging limitado ang kanilang face-to-face. Dagdag pa dito sa hindi inaasahan, namatay ang kanyang ikalawang anak dahil sa sakit. Katatapos lang sa Grade 12 nang kanyang anak bago ito namatay.
Gumuho ang buhay ni Dajema sa mga sandaling iyon. Nagka anxiety siya at halos mawala siya sa kanyang sarili. Ngunit sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan, unti-unting nanumbalik ang kanyang lakas at pagka aktibo.
Ang natatanging mga pangarap ni Dajema at ng kanyang asawa ay makapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak at makahanap ng magandang trabaho para kung magkaroon man sila ng sarilingpamilya ay hindi mahihirapan ang kanilang mapangangasawa at mga anak. Pangarap rin niya na magkaroon sila ng sariling bahay at kabuhayan para hindi na rin sila maging benepisyaryo ng 4Ps.
Sa ngayon, ang nakakatandang anak ay nakapagtapos na ng kolehiyo at tinatapos na lang ang thesis habang ang nakakabatang anak ay nasa Grade 11 at minomonitor pa rin ng programa.
Sabi ni Dajema, taong 2023 nang ang kanilang sambahayan ay na tagged bilang non-poor pero nakabalik din sa kasalukuyang taon dahil hindi pa naman sila Level 3 o self-sufficient pero sabi niya kung sakali ma delist na sila sa programa, nakahanda naman sila na magtapos dahil hindi naman sila umaasa sa programa. Nagpapasalamat siya sa DSWD at sa bumubuo ng 4Ps at SLP sa pagbigay ng pagkakataon sa kanila para pamahalaan ang kanilang munting biyaya mula sa dagat.(mgc)