CSO tulay sa magandang kaugalian ng pamilyang 4Ps
DUMALAG, Capiz – Sabi nila “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”, ang linyang ito ang nagpapatunay ng buhay ni Danilo M. Ansag, isang pastor at partner ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula 2009 hanggang sa kasalukuyan.
Bilang isang Civil Society Organization (CSO) representante, siya ay may katungkulan na puntahan ang bawat barangay sa munisipalidad ng Dumalag at magbahagi ng kaniyang kaalaman sa pagiging maka-Diyos, makatao, makalikasan, at pagiging makabansa. Siya ay naging instrumento ng pagbabago para sa bawat pamilyang Pilipino na benepersaryo ng 4Ps sa pamamagitan ng pagbibigay aral tuwing araw ng Family Development Session (FDS).
Bilang miyembro ng organisasyon na kinikilalang Philippine General Council of the Assemblies of God (PGCAG), layunin ni Danilo na mapalaganap ng spiritual na kaugalian, katulad ng pagsasamba at palaging pumapanalangin sa Panginoon, at kabutihang asal na kinakailangan na maisapuso ng isang pamilya. Naniniwala ang mga taga-PGCAG na kapag matatag ang pondasyong espiritwal nang isang pamilya, mas magiging matatag sila para harapin ang mga pagsubok na maaaring ibigay sa kanila ng buhay.
Nagtataguyod rin ang organisasyon na ito ng moral ascendency at etikal na pamantayan sa mga kasapi ng komunidad. At sa bawat komunidad na napupuntahan ni Danilo, siya ay nagbibigay ng daan sa mga pamilyang nabibilang sa 4Ps na magkaroon ng magandang relasyon sa isa’t-isa at positibong panananaw sa buhay. Katulad na lamang ng kaniyang pamilya na kasapi rin ng 4Ps na kabilang sa SET 9A sa Barangay San Jose, ng nasabing ring bayan.
Bilang isang resource speaker ng Youth Development Session (YDS) na inoorganisa ng 4Ps, maraming beses na si Danilo na nagbigay ng mensahe at aral tungkol sa mga topikong may kinalaman sa pagpapatatag ng kalooban, malusog na isip at katawan, pag-ibig, panliligaw, kasal, importansiya ng edukasyon, at iba’t-ibang uri ng suliranin na angkop sa mga kabataan.
Maliban sa YDS, FDS, at PGCAG, isa rin siyang aktibong miyembro ng Civil Society of Religious Sector, na konektado rin sa programang pampamilya ng DSWD, mula 2009 hanggang 2019. Ngunit dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, naging limitado ang mga harapang sesyon ng grupo ni Danilo.
Inaamin ng 50 anyos na pastor na hindi lingid sa ating kaalaman na maraming pagsubok hinaharap at haharapin ng bawat mahihirap na pamilyang Pilipino kung kaya’t labis ang magiging epekto at tulong ng sipag, determinasyon, at pananampalataya sa Diyos sa pagharap sa mga suliranin ng buhay. Naging magandang tulay ang 4Ps sa misyon ni Danilo na magpalaganap ng mga salita ng Diyos at mabuting asal sa kaniyang komunidad.
Ang kaniyang tangin hiling ay sana mabigyan ng pagkakataon ang mga CSOs na katulad niya na makapasok sa mga iba pang komunidad na sakup ng Dumalag upang sa gayon maging instrumento sila sa pagbabago ng ugali at pagpapalakas ng espirituwal ng bawat indibidwal at pamilya.
“Isang karangalan at kasiyahang hindi mapapantayan, ang pag serbisyo at patuloy na pagbahagi ng kabutihan at pagpapahalaga ng buhay na may layunin ng pag respeto at pagmamahal,” ayon kay Danilo.(DSWD6/Ipinasa ng Dumalag MOO, Capiz POO/ Iniwasto ni Kirstie Ann Jo Esquivel, BA Journalism-WVSU)